General

Laughtrip!: Top 14 Na Komedyante Sa FlipTop

Kung wala sila, boring ang mga battle na mapapanood natin. Ito ang labing-apat sa pinaka mahusay na komedyante sa FlipTop!

Ned Castro
December 16, 2021


   Aminin niyo man o hindi, mas pinasaya nila ang mundo ng battle rap. Kahit mga emcee na seryoso ang mga banat ay sasabihin na matinding creativity ang kailangan sa ganitong stilo. Hindi kailanman magiging madali ang patawanin ang milyon-milyon na manonood. Walang duda na kasing komplikado nito ang pag-bitaw ng mga malalalim na bara.

   Sila ang mga kinikilalang komedyante sa liga. Manalo o matalo, lagi nagiging instant classic ang kanilang mga duelo. Random nga pala ang listahan na ‘to, kaya huwag na kayo mag-reklamo kung sino ang nasa una o hulihan. Simulan na ang tawanan!

14. MastaFeat

   Si Mastafeat yung tipong emcee na kayang gawin katatawanan ang kahit na anong bagay. Kung minsan pa nga kahit walang masyadong kinalaman sa kalaban o sa battle ang konsepto ay nagagawa pa rin niya ‘tong nakakatawa. Dahil ito sa napaka creative na pagsulat niya pati ang makulit niyang delivery. Isama mo pa ang napaka husay na talento niya sa pag-freestyle. Simula nung siya’y naging aktibo, agad pumatok ang mga laban niya. Yan ang patunay na epektibo ang kanyang stilo.

13. Sirdeo

   Sa unang nood, maaaring maguluhan ka sa ginagawa ni Sirdeo. Masasabing “unorthodox” o “leftfield” ang kanyang paraan ng pagpapatawa. May mga panahon pa nga na nagiging madilim ang mga tema pero kaya niya pa rin patawanin ang mga nanonood. “Black comedy” ang tawag sa ganitong klaseng bagsakan. Kakaiba man ang kanyang atake, mukhang madami pa rin ang bumibilib sa kanya mula sa unang duelo niya sa Won Minutes hanggang ngayon. Laging excited ang mga tao sa gagawin at sasabihin niya sa laban.

12. Jonas

   Naalala mo ba yung kaklase mo dati na sobrang lakas mang asar? Ganyan ang stilo ni Jonas sa entablado. Siya yung tipong aalaskahin ka hanggang mapikon ka (pero wala pa naman napipikon buti nalang). Syempre, hindi lang simpleng panlalait ang ginagawa niya. Mas nagiging epektibo din siya dahil sa kanyang malupit na rhyme schemes at malinis na delivery.

11. Bassilyo

   Gaano nga ba katindi si Bassilyo? Walo, isa sa one-on-one at pito sa Dos Por Dos, palang ang battle niya pero tumatak agad siya sa mga tao. Hindi man masyadong teknikal ang mga bitaw niya, nagiging solido pa rin dahil sa kanyang swak na pag-bitaw ng punchline, o “comedic timing” kung tawagin. Mahusay din siyang gumamit ng mga reference na nakukuha agad ng mga nanonood.  

10. Fongger

   Hindi na siya aktibo sa battle ngayon, pero ilang beses na niya tayong pinatawa. Nakilala si Fongger sa kanyang mga “slang” pati sa kakaibang humor niya. Kaya niyang gawing nakakatawa ang anumang linya kahit minsan ay wala na tong sense. Ibang klase din ang kumpyansa niya sa pag-tanghal. Patunay nito ay yung pag-sigaw niya ng kanyang “kapogian”. 

9. EJ Power

   Si EJ Power yung isa sa mga kayang ipaghalo ang teknikalan at purong jokes. Yung tipong hindi ka lang tatawa, kundi mapapa “wow” ka pa. Nagiging mas malakas din ang bawat bara niya dahil sa kanyang pulido na flow at delivery. Anim palang ang battle niya sa FlipTop, pero marami na agad siyang mga taga hanga. Sana lumaban siya ulit!

8. Frooz

   Ibang klase din ang stilo ng komedya netong si Frooz. Maliban sa mga rekta na linya, mahusay siya sa self-deprecating humor, o paggamit ng sariling mga kapintasan sa jokes.  Tumitindi pa lalo ang mga punchline niya dahil sa agresibong pag-bigkas niya. Ang pagiging isa sa 2013 Dos Por Dos champions ay patunay na epektibo ang kanyang atake.

7. Andy G

   Isa rin si Andy G sa mga prueba na hindi mo kailangan ng mabilis na flow o komplikado na mga bara para mag-iwan ng marka. Nakuha niya ang respeto ng mga tao dahil sa kanyang mga simple pero sobrang patok na jokes. Mula sa panlabas mo na anyo hanggang sa pagkatao mo, kayang kaya ni Andy G gawan ng anggulo lahat. 

6. Dello

   Siya ang kinikilalang kauna-unahang joker sa FlipTop. Bumibitaw siya ng mga jokes gamit ang malulupit na multis, kaya mas lalong namamangha ang mga tao. Maliban diyan, patok na patok din ang kanyang mabibigat na rebuttals. Kadalasan ay nagmumukhang mahina na ang binitawan ng kalaban dahil sa sobrang husay ng pag-balik niya. Marami mga sumunod na emcee sa liga ang naimpluwensyahan ng ganitong stilo.

5. LilJohn

   Tulad ni Dello, napaka husay din ni LilJohn pagdating sa freestyle. Kaya niyang ibalik nang mas nakakatawa pa ang mga banat ng kalaban. May ilan siyang battle na na-rebutt niya halos kalahati ng rounds ng kanyang katunggali. Pambihira yung ganun! Pagdating naman sa sulat, lagi ring tumatatak ang jokes ni LilJohn. Makahanap lang siya ng kahit katiting na kapintasan, asahan mong gagawan niya ‘to ng malulupit na konsepto. Rest in peace, Oyoboy ng FlipTop!

4. Range

   Si Range yung tipong emcee na hindi na bale kung manalo o matalo, basta solido ang performance. 2-10 man ang record niya, marami naman siyang battle na binansagan na classic. Kakaiba lagi ang konsepto ng komedya niya, kaya imposibleng antukin ka pag siya’y nag tatanghal. Kitang kita rin sa mga nakaraan niyang laban na mas gumaling ang kanyang flow pati pen game. Asahan niyo na patuloy pa ang pag angat niya.

3. Shernan

   Oo, creative ang mga gimmick niya sa battle, pero hindi rin mapagkakaila ang husay ni Shernan sa pag-sulat ng jokes. Laging konektado sa battle ang costume niya, at ramdam na ramdam ang bawat punchline dahil sa malupit niyang delivery. Kung yung ibang mga anggulo niya ay hiram lang sa social media o san man, nilalagyan niya ‘to ng panibagong twist kaya benta pa rin sa crowd.

2. Sinio

   Si Sinio ang isa sa mga pinaka kilalang battle emcee sa buong bansa. Gusto niyo ng prueba? Lahat ng laban niya ay may higit isang milyong views na. Agad pumatok ang mga sarkastiko pati mga straight-to-the-point niyang jokes. Nandyan din ang hindi maintatangging galing niya sa pag-rebutt. Gaya ni LilJohn at Dello, kaya niyang ibalik at gawing mas matindi ang mga rimang binato ng kalaban. Kahit mga seryosong anggulo ay nagagawa niyang katatawanan. Sobrang hirap nun!

1. Zaito

   Kapag siya’y isang daang porsyento sa laro, asahan niyong tatawa kayo mula simula hanggang katapusan ng bawat round niya. Si Zaito lang ang naka-master ng weirdong uri ng komedya sa liga. Ito yung stilo na pag ibang emcee ang bumuga ay hindi gaano papatok sa tao. Mabangis din siya sa self-deprecating humor at sa pag-freestyle. Huwag niyo nang itanggi na pag may laban si Zaito, naeexcite kayong lahat.

   Tingin mo ba na kulang o dapat bawasan ang listahang ‘to? Sabihin mo lang sa comments section. Pwede ka rin gumawa ng sarili mong piyesa. Kung hindi mo pa sila napapanood, pwes, simulan mo na! Siguradong magiging sulit ang oras mo. Suportahan mo rin ang kanilang mga proyekto sa labas ng battle rap.



MORE FROM THE AUTHOR

READ NEXT