Solidiong hip-hoppan ba ang hanap mo? Eto ang mga na gaganapin sa mga darating araw.
Nananatiling aktibo ang eksena ng Filipino hip-hop. Ngayong linggo at sa susunod ay may mga malulupit na event na gaganapin sa iba’t ibang parte ng bansa. Kung ikaw ay taga Cebu, Iligan, Cagayan De Oro, Tondo, o Bacolod, humanda sa makasaysayang tugtugan at tambayan! Syempre, mas masaya kung isasama mo rin ang tropa, pamilya, at mga ka-barangay.
The Gathering 3 (Cebu)
Nagsanib pwersa ang 6G Music Inc at Rapollo upang ibigay ang event nagngangalang “The Gathering 3”. Gaganapin ito sa ikalawa ng Hulyo sa Holic Live na nasa Ground Floor ng Mango Square Mall, General Maxilom Ave, Cebu City. Dalawampu’t dalawa ang magtatanghal. Ilan sa mga mapapanood mo ay sila Mistah Lefty, Dave Dela Cruz, Dyha, Lumadz, K9, at marami pang iba. Dito mo malalaman kung gaano kalakas ang eksena sa Cebu. 300 pesos ang bayad tapos may libreng beer na.
Kinumo (Iligan at Cagayan De Oro)
Bibisita ang ilan sa mga miyembro ng kolektibong Uprising sa dalawang lugar sa Mindanao para sa “Kinumo”. Sa July 1, magaganap ito sa Midpark Food District sa Iligan City. Para naman sa July 2, ang tanghalan ay mangyayari sa Gamba Music Sports and Music Bar sa Cagayan De Oro. Tutugtog dito sila Batas, Kemikal Ali, Illustrado, Plazma, Kregga, DJ Arthug, at DJ Nicko habang si Anygma naman ang magsisilbing host. Magpapamalas din ng talento ang mga lokal na artists ng parehong siyudad. 200 ang presyo ng pre-sale tickets habang 350 naman ang walk-in. Mag PM lang kay Ryan Mueco (Iligan) o sa Sumagupa Krew (CDO) kung nais bumili ng pre-sale.
As One (Davao)
Sa July 9 at 10, inihahandog ng City of Thorns ang “As One”, dalawang araw na pagtitipon-tipon ng hip-hop at hardcore punk. Sa Big Eye Resto Bar (katabi ng Isaac T. Robillo Hospital) ang venue at higit apatnapu ang nasa lineup. Para sa hip-hop, mapapanood niyo ang Kalawakan Krew, Budguy$, Sick Rhymes, Sak Maestro, at iba pa. Magpapakitang gilas din ang ilan sa mga bigatin na graffiti writer sa Davao. Syempre, suportahan rin natin ang mga tutugtog na hardcore na banda, lalo na’t parehas lang ang ating pinaglalaban. 400 pesos ang tickets para sa dalawang araw habang 250 naman kada araw na walk-in. Magpadala lang ng mensahe sa pahina ng City of Thorns para sa iba pang detalye.
Bawal Bastos (Tondo)
Sa mga taga Maynila, syempre meron din para sa inyo! Inihahatid ng Sotsab Gang at Tondo Tribe ang event na “Bawal Bastos”. Ito ay magaganap sa July 9 sa Gamban Court, Tondo. Higit trenta ang performers at meron pang palaro ng FGFS pati feeding program. Sino ang mga masasaksihan mo sa entablado? Sila OG Sacred, Pistolero, Riding in Thundem, Cash Koo, Kknack, at madami pang iba. Huwag kang magalala kung kulang ang budget dahil libre naman ang entrance. Ang saya, diba?
Uprise (Bacolod)
Papatunayan ng “Uprise” sa July 9 na talagang malakas ang eksena ng hip-hop sa Bacolod. Ang festival na ‘to ay gaganapin sa Benjamin Hall Open Grounds sa 4th Street Lacson at may dalawampu’t isang performers. Mapapanood niyo sa entablado si Al James pati ang ilan sa mga mabagsik sa Bacolod tulad nila Aero, A.D., Mastamine, Wasted Youth, Bud Boy$ at iba pa! Tatlong klaseng tickets ang pagpipilian: Gen AD (450 pesos), VIP (950 pesos), o VVIP with Meet and Greet (1500 pesos). Lahat ng ito ay may kasamang isang libreng inumin. Puntahan lang ang pahina ng Uprise sa Facebook para sa karagdagang detalye.
Pakilagay nalang sa comments section kung meron man kaming nakalimutang banggitin. Sa mga walang gagawin diyan, wag na kayo mag dalawang isip pa! Iba talaga ang pakiramdam na pinapanood mo ang mga artist na nagtatanghal live. Isa din yang paraan upang magpakita ng suporta hindi lang sa tumutugtog, kundi pati sa buong kultura. Kita kits nalang!