General

Bakbakan Na: Ang Quarterfinals ng Isabuhay 2023

Tuloy ang laban para sa Isabuhay 2023! Talakayin natin ang lineup ng quarterfinals ng torneo.

Ned Castro
June 15, 2023


Ayun! Tapos na ang unang round ng 2023 Isabuhay Tournament. Naganap ang huling dalawang laban sa Pakusganay 7 at balita ko ay kaabang abang daw ang mga ‘to. Ngayong nandito na tayo sa ikalawang yugto ng paligsahan, mas magiging mainit pa ang bakbakan! Walong emcee ang natitira at bawat isa ay ganadong makaabot sa finals.

Habang wala pang inaanunsyo na event, ating pagusapan muna ang lineup ng quarterfinals. Mukhang unpredictable nanaman ang mga darating na sagupaan at siguradong maraming mga kandidato para sa battle of the year. Simulan natin sa may pinaka nakakagulat na performance nung Second Sight 11...

Zaito


Ibang Zaito ang nasaksihan natin nung unang round! Hindi siya nagkalat at maliban sa komedya ay tinodo din niya ang kanyang pang seryosohang mga bara. Dahil diyan ay nakuha niya ang unanimous decision na panalo. Kung hihigitan pa niya ang ganitong performance sa quarterfinals, asahan nating mauulit ang nangyari sa Second Sight 11.

Illtimate


Bagama’t kontrobersyal ang panalo niya kay G-Clown, hindi mapagkakaila na bago sa pandinig ang mga linya ni Illtimate. Masasabing underrated pa rin siya pagdating sa stilong teknikalan. Siguro kailangan nalang niya mas gawing pulido pa ang pag-deliver para mas makuha agad ng tao ang kanyang mga bara at/o konsepto. Kung totodohin niya, malakai ang tsansa niyang mag-wagi sa susunod na round.

JDee


Grabe ang pinakita ni JDee sa laban niya kay Castillo. Pinaghalo niya ang freestyle at written at epektibo ang bawat suntok. Wala rin kupas ang kanyang delivery. Nagiging mas masakit ang kanyang tugmaan dahil sa nakakasindak niyang pag-bigkas. Basta wag lang siya magpapabaya at syempre, kung may ipapakita pa siyang mga bago, posibleng manalo siya sa quarterfinals.

Hazky


Solido ang performance ni Hazky nung Gubat 11. Gaya ng kay Zaito, napakahusay ng paghalo niya ng mga barang nakakatawa at seryoso. Grabe din yung dagdag agresyon sa kanyang delivery. Madalas handa si Hazky sa laban kaya wag na kayo magulat kung mas preparado pa siya sa susunod. May posibilidad din na magpakita siya ng kakaibang atake.

Poison13


Palakas nang palakas si Poison13 at mukhang wala siyang balak huminto. Nananatiling epektibo ang pag-breakdown niya ng stilo ng kalaban at walang makakatanggi na sobrang pulido ng flow at delivery niya. Ito na kaya ang tao kung saan siya’y magkakampeon? Hindi yan malabong mangyari lalo na kung hihigitan pa niya ang nakaraan niyang performances.

Plaridhel


Ayon sa mga tropa sa Davao, sobrang laking improvement daw ni Plaridhel nung Pakusganay 7. Alam na natin na malupit siya mag-teknikalan pero mas umangat pa daw lalo ang pen game niya. Maliban diyan, mas agresibo na siya mag-bitaw ng mga kataga. Mukhang seryoso si Plaridhel sa torneo na ‘to kaya huwag na tayong magulat kung maging dominante siya.

Invictus


Underrated daw ang salpukan nila Sayadd at Invictus sa Pakusganay 7 pero siguradong mas mauunawaan ito sa video. Mas madami at mas madiin daw ang punchlines ngayon ni Invictus at nananatiling mapaminsala ang kanyang agresyon. Yari ang susunod niyang makakalaban kung hindi siya magpapabaya at patuloy na magiging makamandag ang kanyang pen game.

Sak Maestro


Kontrobersyal din ang desisyon sa nakaraan niyang laban pero ganunpaman, walang kupas pa rin ang sulat pati presensya ni Sak Maestro. Marami pa rin ang nagsasabi na siya ang magkakampeon at malaki ang posibilidad niyan basta’t wag lang siya mag-stumble. Syempre, kailangan din niyang patihimikin ang mga naging kritiko niya sa kanyang laban kay Asser. Tingin ko mas lulupitan pa niya sa susunod!

WATCH: Isabuhay 2023

Abangan niyo nalang sa opisyal na pahina ng FlipTop sa Facebook ang bracket pati ang petsa ng mga susunod na event. Talagang nakaka excite ang mga darating na buwan! Kayo? Ano sa tingin niyo ang mangyayari sa quarterfinals ng Isabuhay? Sabihin niyo lang sa comments section.



MORE FROM THE AUTHOR

READ NEXT