MC Spotlight

MC Spotlight: KJah

Eto ang storya ng isang makata na mula Camarin. Mas kilalanin natin si KJah!

Anonymous Staff
August 21, 2023


Posibleng nakilala niyo siya sa kanyang mga laban sa FlipTop. Kahit apat na beses lang siyang sumabak sa liga, tumatak pa rin agad ang kanyang malawak na bokabularyo at kakaibang mga anggulo. Ganunpaman, bago pa pumutok ang modernong stilo ng battle rap sa Pilipinas ay nagrarap na siya. Noon pa man ay purong Tagalog na lirisismo na may mga mensaheng nakakapukaw ng isipan na ang sinusulat at binibigkas niya. 

Mula pa sa Camarin at kabilang sa Uprising Records, alamin natin ang buong kwento ng emcee na si KJah. Kailan niya sineryoso ang rap? Paano siya nagususlat ng kanta? Masaya ba siya sa karanasan niya sa FlipTop? Ilan lang yan sa mga katanungan na sasagutin niya. Huwag na natin pahabain pa ‘to. Simulan na natin sa kanyang nakaraan…

1. Kailan ka nag simula mag rap?

Nagrarap na ako, elementary pa lang. Pero mga rap na kopya lang sa mga napapakinggang artist ng panahon ko. Nagsimula ako gumawa nang sarili, noong 2007. Nasa edad 14-15. 

2. Ano ang kwento sa emcee name mo na KJah?

Di ko masyado pinag-isipan 'to eh. Tulad din naman ng mga karaniwang pagbansag sa mga tao na bigla mo na lang tinawag nang ganon, dahil mukha siyang ganon. Lol. Yung mismong pangalan, galing sa paborito kong game na GTA. Nung nagdesisyon akong maging rapper, saktong KJAH Radio Station ang pinapakinggan ko sa ninakaw na kotse, at nasa screen mismo yung name ng radio. So naisip ko, ito na pangalan ko, game na 'to.

3. Kailan at paano ka nakapasok sa kolektibo ng Uprising?

Year 2013, pinulong kami ni Anygma sa bahay ni Kuya Kevs. Ilang taon lang mula magkakilala kami noong 2010 at naipakilala ko ang sarili ko bilang rapper, kasabay ng pagbahagi ng mga munting kanta na meron ako. Kasama ng ilan sa pangunahing roster ng Uprising. Binanggit niya yung plano para sa isang record label. Sa pagkakilala ko kay Anygma, alam ko na agad na ito yung sirkulo na hinahanap ko kung saan malaya kong magagawa yung uri ng sining na gusto ko. At syempre, Anygma na yun 'e! Wala atang hindi sasagot 'pag tinawagan ka ni Anygma. Kaya ito, Uprising pa rin mula kasalukuyan at magpakailanman.

4. Paano mo maipapaliwanag ang stilo mo ng pag-rap sa mga taong hindi pa pamilyar sayo? Ganito ka na ba bumitaw nung nag-simula ka?

Hangga't maaari, kung anumang pagkatao o karakter na meron ka. Gusto kong marinig mo sa akin ang hinahanap mong Rap music. Meaning, kumpleto rekados na artist. Anumang mood, o timpla mo para sa araw, meron ako niyan dapat. Mula pa man no'ng una, alam ko na ang direksyon ko sa style, at nahasa na lang ito nang nahasa ng panahon, kung may mga bagay man ako na hindi ko pa magawa no'ng nagsisimula. 

5. Marami ka na ring nailabas na mga album at EP. Maaari mo bang ibahagi sa amin kung ano-ano ang mga 'to?

Self-Titled EP (2008)
Hakbang mixtape (2010)
Sa Gitna ng Prusisyon LP (2013)
A.G.I.W LP (2015)
Kamao ng KanKaloo EP (2017)
Pamantayan EP w/ Juss Rye (2019)
Nakasalalay sa Letra LP (2023)
Numerous collabs

Humigit kumulang nasa isandaang kanta na rin ata pag sinumatotal.

6. Ano sa tingin mo ang pinagkaiba ng "Nakasalalay Sa Letra" sa mga nakaraan mong proyekto? 

Producer. Ibig kong sabihin, kung anuman ang laman ng bagong album. Matagal ko na ring kayang gawin, pero iba lang din talaga ang hanap na lyrics/konsepto ng mga tunog sa mga nauna kong likha. O masasabi ko ring, iba ang pinagdadaanan ko noon sa pinagdadaanan ko ngayon. Nasa edad din at estado sa buhay. 

7. Ano ang proseso mo sa pagsulat ng kanta?

Yung thoughts, o konsepto ng kanta. Galing yan sa araw-araw na pagharap ko sa buhay. Mga kwento ng iba't-ibang tao, tropa, pamilya, at mga personal na karanasan. Bawat tao may iba't-ibang kwento. Tinatandaan ko lahat yan, parang library sa utak ko, o para mas moderno, ala Netflix (shared account lang, mahal ng subscription e) na may halo-halong genre ng pelikula. Kapag narinig ko na yung beat, tulad din ng isang manonood, tsaka ko ilalatag o huhugutin ang kwentong naaayon sa partikular na panauhin. Pagdating naman sa flow at lyrics, makinig ka ba naman nang higit isang dekada ng pagrarap ng iba't-ibang lahi at Rapper, ewan kung wala ka pa ring matutuhan. Lol

8. Ano ang iyong top 3 na album (local at foreign)? Nakatulong ba ang mga ito sa pag-gawa mo ng mga kanta?

Local:
- Gloc 9 - Ako si…
- Death Threat - Still Wanted
- Stick Figgas - Critical Condition

Foreign:
- Common - BE
- Jay Z - American Gangster
- Lupe Fiasco - Food & Liquor

Di ko mailalagay lahat ng paborito dahil limitado, pero oo, dyan din talaga galing kung ano ang kaya kong gawin sa pagrarap. Pinagsama-samang abilidad ng Rapper, tsaka ko tinuklas yung sarili kong timpla.

9. Sino naman ang iyong top 3 na emcee (local at foreign)? Gaya ng tanong sa 8, may naitulong ba sila sa mga bara mo?

Local:
-Stick Figgas
-Gloc 9
-Konflick

Foreign:
-Jay Z 
-Nas
–Eminem

Kung mapapansin, iba nang konti yung pinaka paborito kong artist sa paborito kong album pagdating sa foreign. Meron kasing mga album na paborito kong pakinggan, tipong kumukumpleto sa akin. Meron din namang uri ng artist, na wala akong paboritong specific na kanta o album, pero hinahangaan ko LAHAT ng halos gagawin at yung kabuuan ng mismong talento.

10. Maliban sa kalidad na lirisismo ay nakilala ka din sa iyong solidong pag-tanghal sa entablado. Para sayo, gaano ka-importante ito sa pagiging emcee?

Kailangan maipakita mo yung layo ng agwat ng isang performer, sa mga nanonood. Kung halos lahat ng nanonood, kayang kaya kung anong ipapakita mo sa entablado, audition ang tawag doon, hindi show. Ipakita mo sa kanilang nasa "show" mo sila. At nandoon ka sa harap, para magpamangha, hindi para mag practice.

11. Para sayo, kumusta ang lagay ng lokal na eksena ng hip-hop ngayon?

Katulad pa rin naman ng dati. May mga ayaw kang bagay, may gusto, pero wala kang magagawa kundi tutukan kung saang eksena ka masaya. Kung may pinag-iba man, syempre mas hi-tech na tayo ngayon dahil din sa mundo ng internet. Mas mabilisan na ang usad. Kagandahan dyan, mas mabilis ding nawawala yung mga bagay na ayaw mo, hehe. 

12. Kumpara sa era ng hip-hop na kinalakihan mo noon, ano ang pinagkaiba nito sa era ngayon? Ano ang mga na-improve nito at mga tingin mong dapat pang iimprove?

Teknolohiya rin talaga ang nakikita kong pinakamalaking pagbabago o naka-apekto sa industriya. Yung tunog, palaging may bagong tunog. Palaging may bagong mauuso. Kaya hindi ako nagugulat kung may nagsusulputang wirdo na rap, o kakaiba kung tawagin. Parte yan ng ebolusyon. Siguro, bilang fan, obligasyon mo na ring magsaliksik sa kasaysayan ng hiphop para makita mo kung gaano pa kalawak ang kultura na 'to at hindi lang manatili sa kasalukuyan o pansamantalang usap-usapan. 

13. Nasubukan mo nang lumaban sa FlipTop dati. Kumusta ang experience mo dito?

Higit isang dekada na rin ang nakalipas mula umapak ako sa entablado ng FlipTop. Masasabi kong yun ang unang pinakamalaking event na nasampahan ko na may kinalaman sa hiphop. Akala ko dati, maraming tao na ang nanonood sa amin nang live, at yun na ang todo. Fast forward, karaniwang event na lang ng liga yung tinuturing kong madaming tao. Di man ganon kahaba yung paglalakbay ko sa battle, masasabi kong naibigay ko rin ang todo ko sa mga panahong yun.

14. May balak ka bang bumalik sa battle rap o mas tutok ka na sa musika ngayon?

Tutok sa music. Hindi ko na rin kayang sabayan yung level ng rap battle ngayon sa totoo lang, napag-iwanan na ako. Pero pwede naman maging fan kaya ayos lang, hehe.

15. Aktibo ka pa bang nanonood ng FlipTop? Sino ang paborito mong battle emcee ngayon at ano ang pinaka tumatak na laban sayo?

Kadalasan, mga kapatid sa Uprising ang pinapanood ko, pinakahuli ay yung kay Zaito vs JDee. Nakakanood pa rin ng iba, pag mas may bakanteng oras, yun nga lang, bihira na ang bakanteng oras, hehe. 

Sobrang daming malupit na battle syempre, pero kung isa lang, pinakapaborito kong battle ay kay BLKD at Flict G. Panoorin niyo na lang kung bakit. 

16. Ano ang mga maaasahan namin sayo sa mga darating na buwan at taon?

Promote pa rin ng "Nakasalalay Sa Letra" album. Paparating na shows, music video, at kung ano pang available na aktibidad sa hiphop na pwede kong latagan ng talento ko. Game yan!

17. Ano ang maipapayo sa mga nagsisimula palang sa larangan?

Payo ng marami, #TuloyTuloy lang. Para sakin, wag ka na muna magpatuloy kung paulit-ulit ang ginagawa mo at walang progreso. Kailangan mo huminto minsan, at alamin kung paano ka pa aarangkada pagdating sa talento, ugali at lahat. Ang misyon ay palaging higitan ang sarili, higitan pa ang tuwa o pagkamangha ng mga taong naniniwala sayo. At kung mag-aambisyon ka na rin lang, piliin mo nang huwag maging parte o bahagi lang ng ebolusyon. Kundi, IKAW ANG MAGSILBING EBOLUSYON.

Nirebyu na pala namin ang bagong album niya na “Nakasalalay Sa Letra”. Basahin niyo nalang dito. Saludo sa mga tulad ni KJah na kahit nananatiling sobrang underrated ay patuloy pa rin sa paglikha ng solidong mga awitin. Kung nagustuhan mo ang mga obra niya dahil sa interbyu na ‘to, sana  tuloy-tuloy ang suporta mo at huwag kalimutang irekumenda din sa mga kapwa mahilig sa musikang rap. I-like to I-follow niyo lang ang pahina niya sa Facebook para maging updated sa mga susunod niyang proyekto.



MORE FROM THE AUTHOR

READ NEXT