General

Mga Prediksyon Sa FlipTop Ngayong 2024 (Mula Sa Fans)

Nakausap namin ang ilang mga solidong FlipTop fans at ito ang tingin nilang mga mangyayari ngayong taon sa liga!

Ned Castro
January 30, 2024


2024 na! Ang bilis talaga ng panahon noh? Hindi mapagkakaila na maraming makasaysayang naganap sa FlipTop nung 2023. Wala pang anumang opisyal na anunsyo si Anygma pero kaabang abang na ang mga susunod na plano. Ano kaya ang mangyayari ngayong taon? Nagtanong kami sa pitong mga matagal nang tagasubaybay kung ano ang kanilang mga prediksyon sa liga. Tandaan na personal na opinyon nila ‘to kaya kung hindi ka sangayon, wag ka na manggulo! 

Fan 1:
Tingin ko makakakita ulit tayo ng upset na mala Pistolero vs J-Blaque ngayong taon. Sigurado ako na maraming emcees ang mas ginanahan nung nakita nila ang kakaibang ginawa ni J-Blaque. Inaamin ko na isa ako sa hindi masyadong bumilib sa kanya noon pero pagkatapos ng performance niya nung Ahon 14 ay dun ko natutunan na wag dapat tutulugan ang emcees! Kaya sila nakapasok ng liga dahil meron silang angking husay sa pagrarap. Hindi rin ako magugulat kung maraming beses mangyari ‘to kaya sa mga kampante masyado na rappers dyan, ingat-ingat din. Lol! 

Fan 2:
May kutob ako na grabe yung lineup ng 2024 Isabuhay Tournament. May ilang mga bigatin na pangalan o “old god” na nagpahiwatig na sasali kaya mas tumaas pa ang excitement ko. Maliban sa mga beteranong pangalan, marami ring sasali dito na mga bago na matindi ang pinakita nung 2023. Kung matuloy yung ilan sa mga tingin kong kasama sa lineup, humanda tayo sa isang maaksyon na torneo. Sana pala magka Dos Por Dos din!

Fan 3:
Meron emcee na magpapakita ng bagong stilo sa 2024. Maaaring baguhan o kaya naman beterano ang gagawa nito at posibleng komedya o teknikal. Marami ang maiimpluwensyahan nito at marami tayong makikitang klasik na laban dahil dito. Kung ako ang tatanungin mas gusto ko makakita ng bagong atake na seryoso pero ayos lang naman kung may katatawanan pa rin. Ang mahalaga ay maangat pa nito lalo ang antas ng battle rap.

Fan 4:
Tingin ko merong “old god” na magiging aktibo ulit ngayong taon. Baka may isa o dalawa na sasali sa Isabuhay tapos magpapakita ng bago. Posibleng may isa dito na mamaliitin ng tao sa una dahil ang tagal na niyang wala pero gugulatin niya ang lahat. Yung tipong magwawala siya sa entablado at todo bigay ang magiging reaksyon ng crowd. Aabangan ko ‘to!

Fan 5:
Hula ko ay makakanood ulit tayo ng isa o dalawang English Conference battle sa FlipTop. Kumusta na kaya sila SinCity, Protégé, Skarm, at iba pa? Si Loonie at Sak Maestro tingin ko halimaw yan sa English battle. Si Charron grabe yung pinakita sa Ahon 14. Baka may iba pang international emcees diyan na gustong dumayo dito. Sila Thesaurus at Illmaculate ilang beses nagparamdam dati na gusto raw nila lumaban sa Pinas. Baka itong taon na mangyari yan. Tectonics 3 game na! 

Fan 6:
Magkakaroon ng bagong pakulo ang FlipTop. Pwedeng bagong event, bagong lugar na bibisitahin, o kaya naman sobrang kakaibang matchup o matchups. Kung hindi naman bago, baka magkaroon ulit ng Dos Por Dos, Royal Rumble, o kaya 5 on 5. Hindi ko sinasabing sawa na ako sa 1 on 1 ha pero ayos din sana kung makakita tayo ng iba’t ibang uri ng battles. Ang dami ko na agad naiisip na dream matches!

Fan 7:
Kutob ko na mas gaganda pa ang produksyon sa mga darating na events. Nanood ako ng Ahon 14 live at sobrang nabilib ako sa presentasyon. Ang “epic” na agad ng pakiramdam pagpasok ko palang ng venue. Tingin ko na yun ang simula ng pag-upgrade ng liga sa live events. Nung nakaraang taon din ay nilagyan nila ng timer ang videos kaya mukhang may bagong pakulo ulit sila ngayon sa mga uploads pagkatapos ng Ahon 14.  

READ ALSO: 2023 Year in Review

Kayo? Ano sa tingin niyo ang mga magaganap sa 2024? Ilagay niyo lang sa comments section. Sa ngayon, enjoyin muna natin ang mga uploads at abangan ang anunsyo. Sundan ang pahina ng liga sa Facebook para manatiling updated. Suportahan din natin syempre ang musika at iba pang proyekto ng mga FlipTop emcees. Magandang araw sa inyo!



MORE FROM THE AUTHOR

READ NEXT