General

Mga Prediksyon Sa FlipTop Ngayong 2025 (Mula Sa Fans)

Ano kaya ang mga mangyayari sa FlipTop sa 2025? Basahin natin ang prediksyon ng ilang supporters.

Ned Castro
January 15, 2025


Grabe yung 2024, noh? Ang daming battles, events, at iba pang mga pangyayari sa FlipTop na talagang makasaysayan. Maaaring sabihin na isa ‘to sa pinaka magandang taon ng liga. Dahil diyan, mataas ang ekspektasyon ng marami ngayong 2025. Nagtanong kami sa anim na solidong fans kung ano ang mga prediksyon nila sa taon na ‘to. Opinyon nila ‘to at hindi ibig sabihin ay siguradong mangyayari kaya wag na silang kontrahin pa. Pwede ka rin magbigay ng mga sariling prediksyon mo sa comments section. Magsimula na tayo…

Fan 1:
Sa tingin ko tatapatan ng 2025 Isabuhay yung nakaraang taon. Ibang klase yung 2024 eh kaya sa palagay ko ay sisiguraduhin ni Anygma na magiging mas exciting itong paparating. Sana magkaroon din pala ulit ng Dos Por Dos. Sobrang na-enjoy ko yung 2024 at sana ganun ulit yung tema yung puro mga bagong emcees dahil mas naging unpredictable yung buong torneo. Ayun, tingin ko mas grabeng Isabuhay yung susunod at baka may Dos Por Dos ulit. Let’s go! 

Fan 2:
Kutob ko babalik ang English Conference sa 2025. Kutob ko lang! Syempre, 15th anniversary ng liga ngayong taon kaya malamang marami silang pinaplano. Hula ko talaga na kasama yung English Conference sa mga plano na yan. Hindi siguro isang buong event kundi isa o dalawang laban lang kada event. Kung marami ang susuporta, baka gumawa ulit sila ng Tectonics. Ang daming mahusay na English emcees ngayon kahit sa labas ng FlipTop. Anygma, baka naman! 

Fan 3:
Mukhang maraming old gods na babalk sa 2025! Ilang beses na silang hinamon at ilang beses na rin sila nagpaparamdam sa events at social media. Tingin ko ngayong taon mas magiging aktibo na sila. Malamang ginanahan sila nung nakita nila kung gaano kalakas ang emcees ngayon. Hindi sila magpapatalo diyan! Grabe, iniiisip ko palang naeexcite na ako. Sino kaya sa tingin niyo yung mga babalik?

Fan 4:
Mas marami pa mula sa Won Minutes ang puputok ngayong taon. Ang dami pang deserving na mapabilang sa main stage at palagay ko ay mabibigyan sila ng oportunidad sa 2025. Hula ko rin na magkakaroon ulit ng ilang Won Minutes. Ganyan karami ang mga baguhang malakas. Kung hindi man magka Won Minutes, sana may mga ipasok na promising. Syempre, ang mas mahalaga ay sana mas suportahan pa sila ng mga manonood. Lahat ng mga iniidolo natin ay nagsimula bilang rookie din.

Fan 5:
Magkakaroon ng bagong meta! Dark humor na nga ba? Posibleng posible pero baka may iba pang ibabanat ang emcees na talagang tatatak sa bawat manonood. Challenge din sa kanila ‘to dahil sa dinami-dami ng pumatok na istilo, paano kaya sila gagawa ng kakaiba? Kaabang-abang ang mga ipapamalas nila sa darating na events.

Fan 6:
May kutob ako na magkakaroon ulit ng Calabarzon at Central Luzon na event. Shout outs lagi sa Metro Manila, Visayas, at Mindanao Divisions pero syempre, nakakamiss din yung ibang lugar. Ang daming classic na battles sa Kataga, Aspakan, at Gapo de Gulat. Dahil 15 years na ang FlipTop sa 2025, palagay ko ay susubukan ulit nilang mag-organisa sa Calabarzon at Central Luzon. Sa mga may ari ng venue diyan magparamdam kayo kay Anygma!

READ ALSO: FlipTop 2025 game?

Mangyayari kaya ang mga’ to? Ang magagawa lang natin ngayon ay mag-hintay! I-enjoy muna natin ang uploads habang nag-aabang. Sobrang dami pang mga nakapila na laban mula Second Sight 13, Pakusganay 8, Gubat 14, at Ahon 15. Huwag natin palampasin ang mga ‘to. Kita-kits nalang sa susunod na events, ha? Mag-ingay!



MORE FROM THE AUTHOR

READ NEXT