General

2024 Battle of the Year Sa Ngayon (Mula sa Fans)

Nagtanong kami sa mga solidong FlipTop fans kung ano ang battle of the year sa ngayon. Basahin ang mga sagot nila.

Ned Castro
June 25, 2024


Malapit na tayo sa kalahati ng 2024 at ang dami na agad makasaysayang battles mula sa FlipTop. Naisip naming magtanong sa ilang mga sumusuporta sa liga kung ano sa tingin nila ang battle of the year sa ngayon. Tandaan na personal na opinyon nila ‘to kaya kung hindi ka sangayon, wag ka nang mang-away! Sinigurado rin namin na walang sagot na mauulit para mas maging malawak ang listahan. Magsimula na tayo…

Fan 1: Poison13 vs EJ Power

Napanood ko ‘to live at dun palang ay grabe na yung experience. Buti naman at malupit din yung kinalabasan sa video. Kahit maraming beses nang lumalaban si Poison13, para sakin ay hindi pa rin nawawala yung husay ng mga sulat niya. Trip ko talaga yung teknikalan niya pati yung kanyang agresibo at polidong delivery. Si EJ Power naman ang pinaka nag-improve pagdating sa pagiging well-rounded. Benta pa rin ang jokes niya pero sobrang tindi na din niiya sa mabibigat na linya. Isama mo pa ang kanyang charisma at kumpyansa sa entablado! Talagang dikit na laban na ‘to at ito ang paborito ko sa first round ng Isabuhay.

Fan 2: M Zhayt vs Emar Industriya

Inaasahan ko talaga na line at style mocking ang magiging anggulo ni M Zhayt dito kaya laking gulat ko nung sinabayan niya stilo ng kalaban tapos kalidad pa yung materyal niya. Fan ako ni Emar bago pa siya maging aktibo sa battle rap at laking tuwa ko na mas nauunawaan na siya ng tao ngayon. Bakbakan talaga tong laban na ‘to at kung ako tatanungin, ayos lang din kung naging draw ang resulta nito. Sana din ito na ang simula ng mas maraming purong Tagalog at purong lirikalan na duelo sa FlipTop!

Fan 3: Kregga vs Mistah Lefty

Malaking shout outs kay Kregga at Mistah Lefty para sa pagrepresenta sa’ming mga Bisaya! Salamat din sa FlipTop dahil nilagyan nila ng subtitles para mas lalong maunawaan ng iba. Dito pinakita kung gano katalas at kalawak ang lenguaheng Bisaya. Maliban sa purong lirisismo, nagpamalas din ang dalawang emcees ng epektibong pagbigkas at nakakamanghang flow. Pinakita ni Kregga ang kanyang pagiging beterano sa ganitong sining habang si Mistah Lefty naman ay nag-iwan agad ng marka kahit unang beses palang niya sumalang sa liga. Sana mas dumami pa ang views nito dahil deserve nila! 

Fan 4: Romano vs 3rdy

Eto ang unang laban nung Second Sight 12 at winasak na agad nila Romano at 3rdy yung venue. May ilang mga linya nga lang si 3rdy na tinulugan ng tao pero ganunpaman, sobrang bumilib ako sa metaphors, rhyme schemes, at mga anggulo niya. Pagkatapos nito, wag na kayo magulat kung mas lalo pa siyang lalakas. Si Romano naman ay parang hindi nagpahinga sa battle rap nang matagal. Sapul pa rin lahat ng punchlines niya at ramdan na ramdam mo ang enerhiya niya sa bawat buga. Hindi man siya sobrang teknikal, nabawi naman siya sa mga bara na rekta. Mas naexcite ako sa Isabuhay dahil dito.

Fan 5: Sur Henyo vs JR Zero

Pansin ko underrated tong laban na ‘to pero para sakin, ito ang pinaka paborito ko sa unang round ng Isabuhay 2024. Bagama’t parehas well-rounded ang mga bara nila Sur Henyo at JR Zero, magkaiba ang paraan nila ng pag atake. Mas tumutok sa flow at teknikalan si JR habang sa agresyon at direktang haymakers naman si Sur. Bilib din ako sa pinakita nilang creativity sa angles nila. Nahirapan ako mamili kung sino ang talagang nanalo pagkatapos ng tatlong round. Ganun kadikit yung battle. Sana hanggang finals ay ganitong mga dikdikan ang makikita natin.

Fan 6: SlockOne vs Ruffian

Hindi pa ‘to nauupload pero pag nilabas na, siguradong magiging viral ‘to. Tingin ko sasangayon sakin yung ibang mga nanood live. Basta, ibang lebel yung lirisismo nitong battle. Merong ditong nagbabagang wordplays, metaphors, references, at personals at bawat isa ay tumatak sa crowd. Pareho din silang todo bigay sa pagrap sa entablado kaya ramdam mo talaga yung intensity mula round one hanggang round three. Kung hater ka o hindi gaanong bilib sa dalawang emcees, garantisadong magbabago ang pananaw mo dito. Sa sobrang dikit ng laban ay walang na akong pake sa resulta. Ito yung battle na sinasabi ni Anygma na panalo tayong lahat.

Kayo? Ano ang battle of the year para sa inyo sa ngayon? Sabihin niyo lang sa comments section. Matagal pa matatapos ang taon na ‘to kaya asahan natin na marami pang mga dikdikang laban na darating. Ngayong Sabado na ang Unibersikulo 12 at kung titignan mo ang lineup, malaki ang tsansa na magkaroon din ng ilang mga kandidato para sa battle of the year. Bili ka na ng ticket kung wala ka pa! 



MORE FROM THE AUTHOR

READ NEXT