Pre-Event Reviews

Pre-event Review ng Second Sight 11

Second Sight na! I-rebyu natin ang lineup ng pinaka unang event ng liga sa 2023.

Anonymous Staff
March 01, 2023


   Handa na ba kayo? Eto na ang unang FlipTop battle event ng taon! Sa ika-18 ng Marso 2023 ay gaganapin ang Second Sight 11. Oo, ikalabing-isang kabanata na ‘to. Bilis talaga ng panahon eh noh? Sa Tiu Theater sa Makati Central Square ulit ang venue at may walong laban tayong masasaksihan. Tatlong battle ang para sa Isabuhay at yung lima ay non-tournament. Yung isa dito ay surprise freestyle battle at sa event mismo niyo lang malalaman kung sino ang mga kasali.

   Espesyal din ang Second Sight 11 dahil may mga mapapanood tayong bagong mukha. Nagpakitang-gilas na sila sa mga underground na liga kaya deserving silang mapabilang sa FlipTop. Ngayon ay pagusapan muna natin ang bawat duelo sa gabing ‘to. Sabihin niyo lang sa comments section kung ano ang prediksyon niyo.

Zaito vs J-King

   Isa sa tatlong laban para sa Isabuhay 2023 at posibleng main event ng Second Sight 11. Alam naman natin kung gaano kalupit si Zaito lalo pag naghanda siya kaya sana talaga ay preparado siya dito. Hindi ka naman mabibigo kay J-King dahil madalas ay isang daang porsyento ang binibigay niya. May potensyal maging classic na kombinasyon ng lirikalan at katatawanan ‘to kung parehas hindi magpapabaya.

G-Clown vs Illtimate

   Para sa Isabuhay din ‘to at may potensyal maging battle of the night! Laging may baon na kakaiba si Illtimate habang nananatiling polido ang kanyang teknikal na sulatan. Kailangan lang niya mag-adjust sa delivery dito dahil alam naman natin ang kakayahan ng kalaban niya. Maliban sa mabangis na pagbigkas, grabe rin talaga ang lirisismo ni G-Clown. Kaya niyang mag-seryoso o magpatawa nang hindi nagtutunog pilit at malawak ang kaalaman niya sa mga elemento ng battle rap. Kaabang abang ‘to!

JDee vs Castillo

   Isabuhay 2023 matchup ulit! Kung usapang sulat, halos pantay lang ang husay nila. Kayang kaya nilang makipagsabayan sa tekninkalan at brutalan pero hindi din dapat tinutulugan ang kanilang komedya. Pagdating sa presensya, parehas silang todo agresibo sa pagbitaw at lagi silang may kumpyansa sa entablado. Mas lamang siguro sa delivery si JDee habang sa pagbuo naman ng anggulo nananaig si Castillo.

CNine vs Slockone

   Mukhang laughtrip na laban ang maaasahan natin dito. Epektibo lagi ang pagpapatawa nila CNine at Slockone. Parehas silang witty at madalas ay saktong sakto ang kanilang comedic timing. Maganda rin kung mag-seryoso sila nang konti sa ilang bara para lang mas maging unpredictable. Ganunpaman, anuman ang mangyari, tiyak entertaining ‘to.

WATCH ALSO: Second Sight 10

Manda Baliw vs Vitrum

   Malaki rin ang tsansa nitong maging battle of the night. Kaabang abang ang Manda Baliw vs Vitrum dahil sobrang unpredictable nito. Komedya ang istilo ni Manda Baliw pero madalas ay hindi ‘to pang karaniwan at mas nagiging epektibo pa lalo dahil sa mabenta niyang deadpan delivery. Si Vitrum naman ay kayang balansehin ang seryoso at katatawanan at kadalasan ay orihinal ang mga anggulo’t atake niya. Sana parehas silang handa para dito!

Class G vs Lax Hartis

   Laban ng Motus Battle Pedestal 2022 Champion (Class G) at Pulo Titulo 2022 Champion (Lax Hartis). Si Class G ay nakilala sa kanyang nakakasindak na presensya at teknikal na mga linya habang si Lax Hartis naman ay tanyag sa kanyang mga malulupit na multi at balanseng stilo ng pagsulat. Sa mga hindi pa pamilyar sa kanila, garantisadong marami sa inyo ang tatawagin silang idol pagkatapos niyo silang mapanood.

Ruffian vs Karisma

   Ang kampeon ng FRBL 1UP Tournament at finalist ng Sunugan Sa Kumu 2022 (Ruffian) laban sa finalist ng Pulo Titulo 2022 (Karisma). Creative si Karisma pagdating sa mga metapora at ibang klase din ang kombinasyon niya ng seryosong bara at jokes. Purong teknikalan naman ang hatid ng mga sulat ni Ruffian at todo lagi ang kanyang agresyon sa pagbigkas ng mga linya. Gaya ng sinabi namin sa Class G vs Lax Hartis, maaaring mong makita ang mga bagong iidolohin dito.

READ ALSO: 6 Na Bagay Na Pwede Mong Gawing Habang Naghihintay Ng Bagong Video

   500 ang presyo ng presale tickets habang 700 naman para sa walk-in. Parehas may kasamang libreng beer. Mag PM lang sa pahina ng liga sa Facebook kung nais niyong bumili ng presale. Mag-aanunsyo din sila ng ilang mga tindahan kung saan pwedeng makakuha. Para naman sa mga naaberya nung Ahon 13, merong binanggit si Anygma na pambawi promo. Ihanda ninyo ang inyong mga litrato’t detalye at mag-message din sa FB page ng FlipTop. Sigurado ka na bang pupunta? Kung oo, pwes, magkita nalang tayo sa Second Sight 18! 



MORE FROM THE AUTHOR

READ NEXT