Hip-Hop Events

Tara Na!: Hip-hop Events Ngayong Linggo (Hulyo 20-24)

Naghahanap ka ba ng malupit na hip-hoppan ngayong linggo? Pili ka lang dito sa mga events na paparating!

Ned Castro
July 19, 2022


    May ilang solidong hip-hop events ulit na magaganap ngayong linggo. Kung wala kang gagawin at gusto mo lang makanood ng kalidad na tugtugan, pwes, pili ka lang ng isa diyan. Oo, masaya rin naman pakinggan ang mga kanta ng ating lokal na artists, pero iba pa din kapag napapanood mo sila sa entablado nang harapan.

   Sa ika-20 hanggang 24 ng Hulyo ay may pito kang pagpipilian. Ang maganda pa dito ay mangyayari ang mga ‘to sa iba’t ibang lugar sa Pinas. Meron sa Quezon City, Rizal, Cavite, Bicol, at Cebu. Tignan mo baka merong malapit sa inyo…

Do It Wednesdays (Quezon City)

   DJ set mula kay Jiggawho ng Locked Down Productions at MC performance naman mula kay Plazma ng Uprising Records ang masasaksihan mo bukas sa Do It Wednesday. Ito ay gaganapin sa INT.Bar / EXT.Cafe sa loob ng Cubao Expo. Pwede kang magpareserba ng lamesa sa Facebook o Instagram page ng venue. Maaari mo din silang I-contact sa numero na nakalagay sa poster. 

Karaba (Bicol)

   Sa mga taga Bicol, humanda sa dalawang araw na walang kompromisong hip-hoppan! Ang Karaba ay magaganap sa Hulyo 22 sa Comfort Zone (Naga) at Hulyo 23 sa Volcanoes Food Corporation Bar and Restaurant (Tabaco City). Tutugtog ang ilan sa mga miyembro ng Uprising: KJah, Apoc, Emar Industriya, Kensa, Tatz Maven, KMG, at DJ Supreme Fist. Magpapamalas din ng talento ang mga lokal na artist mula sa dalawang lugar. Si Anygma nga pala ang host ng dalawang event. 200 pesos ang presyo ng pre-sale habang 300 naman para sa walk-in. Puntahan mo lang ang pahina ng Uprising sa Facebook para sa iba pang detalye tungkol sa pre-sale.

Makatahanan Records 7th Anniversary (Cavite)

   Ang Makatahanan Records ay isang respetadong studio at label sa Cavite. Sa Hulyo 23 ay ipagdiriwang nila ang kanilang ika-pitong anibersaryo sa Ingay Likha sa Imus. Sasalang sa entablado ang ilan sa mga artist na nakasama ng Makatahan tulad nila Mhot, Tulala, Mensahero, Bukodtangi, Rawman, Space Impakto, Kulto Krew, at marami pang iba. Iba’t ibang stilo ng hip-hop ang mapapanood mo dito kaya siguradong sulit na sulit ang 100 pesos na entrance fee. Congrats nga pala sa Makatahanan Records!  

Hazky Birthday Bash + Local Assembly (Antipolo)

   Taga Rizal ka ba? Pwes, imbitado ka sa selebrasyon ng kaarawan ni Hazky sa Hulyo 22 sa Padi’s Point Circumferential sa Antipolo! Hindi lang ‘to party kundi pagtitipon din ng ilan sa mga pinaka malupit na artist sa Rizal at iba pang mga siyudad. Ilan lang ‘to sa mga emcee at grupo na mapapanood mo: Jonas, Thike, No Mannas, Yogang, Tres Diablos, Riding in Thundem, Oxsmugg, Pablito Pilipino, at Supremacy Gang. Animnapu’t tatlo ang nasa lineup kaya ano pa ang hinihintay mo? Bili ka na ng ticket! 100 ang halaga ng pre-sale habang 150 naman ang walk-in. Puntahan mo nalang ang pahina ng No Manas sa Facebook para sa impormasyon kung paano bumili ng pre-sale. Bago pala namin makalimutan, maligayang kaarawan sayo, Hazky! 

Sugbohol (Cebu)

   Makasaysayang pagtitipon ang hatid sa inyo ng Sugbohol sa ika-23 ng Hulyo. Kolaborasyon ito ng dalawang respetadong liga sa Bohol (LURE) at Cebu (Rapollo). Maliban sa mga solidong rap battle, mapapanood mo din magtanghal ang ilang mga malulupit na emcee mula sa dalawang probinsya. Ang Sugbohol ay mangyayari sa Azul Tuslob Buwa sa Gorordo Ave. 150 pesos ang entrance fee. Sulit na sulit!

Andaksan 4 (Cainta)

   Balik Rizal ulit sa Hulyo 24! Inihahandog ng Floodway Rap Battle League ang Andaksan 4. Mangyayari ‘to sa Aleguay Bar sa Cainta at may siyam na laban kang masasaksihan. Nandito ang FlipTop emcees na si K-Ram at Onaks at iba pang mga kilalang pangalan sa eksena ng battle rap tulad nila Mandaw Baliw, BLZR, Da Vinci, Chanel, at Dave Denver. Bakbakan ‘to panigurado! Malay mo yung ibang mga lalaban dito ay sasalang sa FlipTop balang araw! May malulupit na performances din dito mula sa No Mannas, Tres Diablos, Yo Gang, Riding in Thundem, at madami pa. 200 ang presyo ng pre-sale tickets at 300 naman sa walk-in. Bisitahin lang ang FB page ng Floodway Hiphop Movement kung nais mong bumili ng pre-sale.

   Para mas masaya, wag mong kalimutang yayain ang mga tropa at pamilya. Posibleng matripan din ‘to ng mga kakilala mong hindi masyadong pamilyar sa kultura. Ganyan ang nagagawa ng live! Pakilagay nalang pala sa comments section kung sakaling meron kaming hindi nabanggit. Sa mga siguradong pupunta, kita kits mga tol! Tuloy-tuloy lang sa pagsuporta!



MORE FROM THE AUTHOR

READ NEXT