Nagtanong kami sa ilang mga solidong fans ng FlipTop kung ano ang tingin nilang mangyayari sa 2024 Isabuhay ngayong nasa quarterfinals na tayo.
Tapos na ang unang round ng 2024 Isabuhay Tournament. Ang bilis ng panahon, noh? Ginanap ang huling mga laban sa Gubat 13 nung ika-20 ng Abril. Ngayong nasa quarterfinals na tayo ng torneo, ano kaya ang mangyayari? Nagtanong kami sa ilang mga solidong sumusuporta sa liga kung sino ang tingin nilang magkakampeon. Para manatiling patas, sinigurado namin na mababanggit ang bawat emcee. Hindi na namin sasabihin ang pangalan ng fans bilang respeto sa privacy nila.
Hindi pa nauupload ang mga duelo sa first round kaya kung ayaw mo ng SPOILERS, pwes, wag mo na ituloy ang pagbasa nito. Para naman sa mga updated sa nangyari, huwag na natin ‘to patagalin pa. Tignan na natin ang kanilang mga prediksyon…
Fan number 1: GL
2024 ay ang taon ni GL! Maraming mga kasalukuyang meta ang galing sa kanya at isa siya sa mga dahilan kung bakit mas lumaganap ang teknikalan na sulat kaya tingin ko ay karapat-dapat na siyang makatanggap ng pinaka malaking karangalan sa FlipTop. Naniniwala akong kayang kaya niya ‘to at malaki tsansa na dominante siya hanggang sa finals! Umaaasa rin ako ng panibagong konsepto sa kanya.
Fan number 2: Sur Henyo
Underrated pa rin si Sur Henyo para sakin. Isa siya sa pinaka epektibo pagdating sa well-rounded na stilo at sobrang creative niya sa pagbuo ng mga anggulo. Mukhang dito sa tournament niya ipapakita ang kanyang buong pwersa bilang emcee. Hindi na ako magugulat kung marami siyang ipapamalas na mga bara o tema na tatatak sa mga tao at maguwi ang kampeonato.
Fan number 3: EJ Power
Prediksyon ko? Mula first round hanggang finals ay bodybag lahat kay EJ Power. Ang lupit ng paghalo niya ng komedya at seryosohan at lalong lumalakas ang teknikal na mga bara niya. Inaasahan kong totodohin niya talaga dito sa torneo at marami siyang gugulatin na fans, kapwa emcees, at pati na rin mga haters. Excited akong makita ang mga gagawin niya! Balita ko hanep daw siya nung Gubat 13.
Fan number 4: Romano
Sa palagay ko, sa beterano mapupunta ang kampeonato ngayong taon! Isa si Romano sa pinaka paborito kong emcees sa FlipTop dahil maliban sa mahusay na kombinasyon niya ng katatawanan at rektahan ay napakatindi ng freestyle ability niya. Kaya niyang balewalain ang malalakas ng linya ng kalaban sa pamamagitan ng solidong rebuttals. Grabe yung pinakita niya sa Second Sight 12 at tingin ko ay mas lulupitan pa niya sa mga susunod!
Fan number 5: Ruffian
Si Ruffian ang FlipTop rookie of the year ng 2023 para sakin. Teknikalan na may halong “street style” ang pinaka paborito kong panoorin sa battle at si Ruffian ang pinaka magaling ngayon sa ganyan. Napanood ko siya live nung Second Sight 12 at base sa pinakita niya diyan, malaki ang tsansang siya ang magkakampeon ngayong taon. Tingin ko ay ilang beses din siyang magiging performance of the night!
Fan number 6: SlockOne
Inaamin ko na 3GS hater ako dati pero isa si SlockOne sa nagbago ng pananaw ko. Oo, benta sakin ang jokes niya pero nung hinaluan niya ng teknikalan, dun ko siya mas hinangaan. Isa pang nakakabilib sa kanya ay yung delivery niya na laging polido. Kung hihigitan pa niya ang nakaraang performances niya, wag na kayong magulat kung siya ang magiging kampeon.
Fan number 7: Vitrum
Sa opinyon ko, si Vitrum ang most improved emcee ng 2023 at pagdating sa 2024 Isabuhay Tournament, siya ang magkakampeon. Ito ang naging prediksyon ko nung napanood ko siya sa Second Sight 12 laban kay Marshall Bonifacio. Kung bumilib kayo kay Vitrum nung Ahon 14, mas matindi pa pinakita niya nung Second Sight 12. Maliban sa solidong jokes at teknikalan, mas klaro na ang delivery niya at ramdam na ramdan ang kanyang kumpyansa.
Fan number 8: G-Clown
Kung usapang bars, jokes, flow, at aggression, nakay G-Clown yan lahat. Siya na siguro ang pinaka underrated na emcee dito sa lineup at dahil ako yung tipong laging sumusuporta sa underdog, kay G-Clown ako sa torneo na ‘to. Kailangan lang niya manatiling consistent at magpakita ng bagong atake sa mga linya. Ibang klase tong si G-Clow kapag gigil at preparado. Hindi na din ako magtataka kung marami siyang battle of the night dito. Nakakaexcite!
READ ALSO: The Famous Battling Styles in FlipTop (Part 3)
Kayo? Sino ang tingin niyong magiging Isabuhay Champion dito sa updated lineup? Huwag mahiyang ibahagi ang inyong opinyon sa comments section. Wala pang anunsyo kung kalian magsisimula ang quarterfinals. Abangan nalang natin sa opisyal na pahina ng liga sa Facebook. Suportahan muna natin ang pangalawan Won Minutes Luzon event na mangyayari ngayong Sabado sa Quezon City. Nandito ang mga detalye.