Grabe din yung event na ‘to! Pagusapan natin ang mga nangyari sa ika-4 na Bwelta Balentong.
Ginanap ito nung ika-25 ng Agosto 2017, isang taon pagkatapos ng napakalupit na Bwelta Balentong 3. Sa B-Side ulit ang venue at kita naman sa attendance na ang lakas pa rin talaga ng suporta sa liga pati sa emcees. Ngayon, makasaysayan din ba ‘to gaya nung event nung nakaraang taon? Halina’t balikan ang mga kaganapan nung Bwelta Balentong 4.
Simulan natin sa tatlong quarterfinals matchups para sa 2017 Dos Por Dos Tournament. Nakakamiss eh noh? Hanep yung palitan ng tandem nila Dilim at Sibil at Damsa at Flict G. Kung sulat lang ang paguusapan, halos pantay lang naman sila. Solidong wordplays, personals, at komedya ang narinig natin dito at epektibo ang kanilang chemistry. Medyo lumamang lang talaga sa presensya at buong rap skills sila Damsa at Flict G. Bakbakan din yung nangyari sa Snob at Maxford vs Romano at J-King. Nagpamalas sila ng matitinding teknikal na lirisismo na may halong mabisang jokes at mga anggulo. Pagdating sa performance, kita naman na tumodo din sila. Mas madami lang suntok na tumagos mula sa pares nila Romano at J-King. Syempre, hindi nagpadaig ang Tipsy D at Sinio vs Pricetagg at Kris Delano. Talagang litaw ang kumpyansa nila at armado sila ng mabangis na materyal. May teknikalan, “real talk” bars, at jokes at halos lahat ito ay kumonekta. Sa dami ng haymaker at presenstasyon mas nanaig sila Tipsy D at Sinio pero ganunpaman, masasabing dikit ang labang ‘to.
Sa Bwelta Balentong 4 din nagsimula ang semi finals ng 2017 Isabuhay Tournament. Dalawang laban ang ginanap dito: Asser vs Fukuda at Apekz vs Mhot. Ang tindi nung digmaan nila Asser at Fukuda! Parehas silang bigay todo sa agresyon at bawat punchline nila ay nag-iwan ng marka. Hindi rin nakakagulat na ang lupit ng flow ni Asser pero sa gabing ‘to, lumamang ang sunod-sunod na suntok at matatalim na kataga ni Fukuda. Maraming fans ang nagsabi na Apekz vs Mhot daw ang battle of the night. Sangayon naman kami diyan. Parehas silang gigil at parehas dinala ang kanilang A-game. Nakakagulat na angles, solidong rebuttals, nakakamanghang rhyme schemes, at grabeng wordplays at metaphors ang narinig natin dito. Sobrang dikit ng laban at masasabing sa round 3 lang talaga nagkatalo. Hindi na gaanong tumatama ang mga linya ni Apekz habang si Mhot ay pabangis pa rin nang pabangis. Ganunpaman, ito yung battle na hindi kami magagalit kung iba yung resulta.
Pagusapan naman natin yung non-tournament matchups ng gabi. Mas malupit na palitan sana yung Jonas vs Invictus kung hindi lang sa ilang beses na pagpiyok ni Jonas. Buti nalang at marami pa rin siyang binitawang mga linya na nagpatawa sa crowd nang malakas. Purong teknikal ang pinakita ni Invictus dito at ibang klase yung materyal niya. Maliban sa mga mapaminsalang bara, ibang lebel yung paraan niyang tumugma. Masasabing advanced multis kung baga. Walang duda na sa kanya ang panalo dito. Napaka entertaining din ng Plazma vs LilJohn (RIP). Akala ng marami ay todo style clash ito pero nabigla ang lahat nang bumanat ng ilang epektibong jokes si Plazma. Hindi nagpahuli si LilJohn malamang. Ang dami rin niyang sobrang pumatok na linya at tumatak pa ang rebuttals niya. Kay Plazma ang battle na ‘to dahil sobrang mabisa ang pagbalanse niya ng dalawang magkaibang stilo. Salamat ulit, LilJohn, sa lahat ng classic performances mo sa battle rap.
Buhay na buhay ang crowd hanggang sa pinaka huling minuto at nalibang din sila sa tugtugan ng nag-iisang DJ Supreme Fist. Sa mga laban, kita naman na walang tapon kaya walang makakatanggi na ang Bwelta Balentong 4 ay isa nanamang makasaysayan na kabanata sa FlipTop. Kung nakapanood ka nang live, huwag mahiyang ibahagi ang mga karanasan mo sa comments section. Magkita-kita din tayo sa Setyembre 21, 2024 para sa Bwelta Balentong 11! Ang bilis ng panahon. Buti nandito at malakas pa rin ang liga. Mag-ingay!