Nandito na ang debut solo album ng 2017 Isabuhay Champion. Basahin ang aming rebyu ng Panalo Kasa ni Mhot.
Mula sa Dasmarinas, Cavite, isa si Mhot sa itinuturing na pinaka lirikal sa FlipTop. Nakapasok siya sa liga nung 2015 at makalipas ang dalawang taon ay sumali siya sa Isabuhay Tournament kung saan siya ang naging kampeon. Pagkatapos nun ay patuloy ang kanyang pag-angat sa eksena hindi lang sa pamamagitan ng battle rap kundi pati sa musika. Nung ika-25 ng Agosto 2023 ay nilabas na ang kanyang debut solo album. Sulit nga ba ang ilang taong paghintay sa proyekto na ‘to? Kasing husay ba ‘to ng mga binanat niya sa entablado ng battle rap pati sa kanyang singles? Ito ang aming opisyal na rebyu ng “Panalo Kasa”.
Lirisismo:
Puno pa rin ‘to ng mga wordplay at metapora pero hindi kasing teknikal ng mga pinapamalas niya sa battle rap. Mas pinili ni Mhot na tumutok sa mensahe at tama ang desisyon na ‘to lalo na’t importante ang mga temang tinatahak. Tungkol sa droga ang unang kanta na “Kasa”. Sa unang berso ay pinaalala niya ang masasamang epekto ng bawal ng gamot sa mga gumagamit. Saludo kay Mhot dahil imbis na magtunog sermon ay mas nakabase sa reyalidad ang mga linya. Sa ikalawang berso naman, nagbigay siya ng babala sa mga may posisyon na ginagamit ang war on drugs para sa sariling kapakanan. Sapul ang bawat rima kahit walang mura o sigaw.
Talento sa pagkwento naman ang pinamalas ni Mhot sa mga awiting “Salang”, “Yaman”, at “Siklo”. Sa “Salang”, ibinahagi niya dito ang kanyang paglalakbay sa mundo ng battle rap. Hindi lang mga tagumpay kundi pati mga samu’t saring pagsubok ang tinalakay niya dito. Personal din na kanta ang “Yaman” pero dito naman ay kwinento niya ang pinagdaanan niyang paghihirap sa buhay. Ang itinuturing niyang tunay na kayamanan ay yung mga pamilya at kaibigan na nanatili sa kanyang tabi mula noon hanggang ngayon pati yung kanyang lakas na malagpasan ang mga hadlang. Kakaibang love story naman ang hatid ng “Siklo”. Dito ibinahagi ni Mhot ang magulo niyang kabataan at kung paano siya nagbago dahil sa pag-ibig. Magaling ang pagpinta ng mga detalye sa bawat kanta. Para kang nanonood ng pelikula habang nakikinig.
Napapanahon ang kantang “Baka”. Tungkol ito sa pagkalat ng pekeng impormasyon at kung paano ito mang-uto ng tao. Magaling ang paglalarawan ni Mhot at wala nang paligoy-ligoy pa sa mensahe. May konting angas na pinakita sa “Imik” at “Dama”. Sa “Imik”, binanggit ni Mhot kung gaano makapangyarihan ang kanyang mga salita. Pinaringgan naman niya ang mga talangka sa “Dama”. Gaya ng “Kasa”, ramdam mo ang bigat ng bawat bara at agresyon kahit kalmado ang pagbitaw. Patunay ‘to sa kalakasan ng kanyang sulat.
Nakakabilib ang paggamit ng purong Tagalog dito. Ito ang prueba na talagang matalas ang ating sariling wika. Isa pang napansin namin dito ay yung malaking improvement ni Mhot pagdating sa flow. Oo, nandito pa rin yung karaniwang flow niya na hango sa tradisyonal na rap, pero may mga piyesa na kung saan bumanat siya ng may nakakabighaning ritmo. Masasabing complete package na siya bilang emcee.
Tunog:
Bawat beat sa “Panalo Kasa” ay ginawa ni Yxngvince, isang DJ mula sa Straight Hustle Music at Kulto Krew. Halong boom bap at trap ang bagsakan kaya garantisadong hindi ka mauumay kapag pinakinggan mo nang buo. Litaw ang galing ni Yxngvince sa palo ng drums pati sa pagmanipula ng samples at pagbuo ng mismong tunog. Dahil swak din sa tema ng mga awitin ang nilikhang instrumentals, mas naging klaro pa ang mga imaheng ginuhit ng mga berso. Malayo ang mararating ni Yxngvince sa larangan ng produksyon.
Konklusyon:
Isa nanamang kandidato ang “Panalo Kasa” para sa album of the year. Maliban sa tugmaan, delivery, at flow, talagang nakakamangha ang mga personal at sosyopolitikal na tema. Sa madaling salita, pinakita ni Mhot dito ang kanyang husay sa paglikha ng kanta. Kung bumilib kayo sa kanya sa FlipTop, garantisadong mas bibilib pa kayo sa kanya sa LP na ‘to. Saludo din syempre kay Yxngvince para sa pag-akda ng beats. Walang duda na mas naging epektibo ang bawat kanta dahil sa tunog. Mapapakinggan niyo na ang “Panalo Kasa” sa lahat ng streaming sites.