Hinukay mula sa kailaliman ng lupa
Ang tone toneladang sangkap na iba't ibang uri
Para sa petrolyo, para sa transportasyon
Para sa mga kagamitan
Para sa kuryenteng kailangan
Ng mga kabahayan, pagawaan,at telekomunikasyon
Upang mapagkonekta ang sangkatauhan
Makapagbahagi pa sa buong kalawakan
Mga salita at larawan, mga karanasan
Ang proseso'y bumuo ng matinding init
Naglabas ng dambuhalang maitim na usok
Ang nguso sa tuktok ng mga gusali
Umakyat sa langit, nagdagdag galit
Lalong nagpakahayok humigop mula sa iba't ibang bahagi
Sapa, ilog, lawa, karagatan
Mga sisidlang naiwan nang may tubig pang laman
Pataasin pa ang temperatura
Palakasin pa ang hangin, paikut ikutin
Hanggang maging isang nagwawalang amasona
Walang pake sa madadaanan ng mga bigwas nya
Pinaglapit ng mga pisi ang mga residente ng planeta
Pero bakit di madama pulso ng mundong umaruga sa kanila
Nagpapakaligaya sa tila walang hangganang teknolohiya
Di namalayan na ang kalikasan ay nauubusan din ng pasensya
Ilang buhay pa ba ang kailangang tangayin ng rumagasang baha?
Ilang tahanan pa ang kailangang lamunin ng mga dambuhalang alon?
Ilang gusali pa ang kailangang hampasin ng ipo ipong mapanira?
Ilang bangkay pa ang ni hindi makakaranas na maikahon?
Ilang oras pa kailangan mong gugulin dyan bago ka maliwanagan
Na nasa mga kamay mo ang mismong kasalanan?
Ika'y ginawang kasangkapan ng mga gumagawa ng kasangkapan.
Kagutumang mapabango/ ng pinagkagastusan mo ang iyong pangalan.
Reyalidad na yan ng buhay? Di na mapipigilan?
Di kayang tutulan? Di kayang wakasan?
Hindi mo kayang maging sandata ng pagbabago?
Balat mo'y di itinadhana sa mga sugat na matatamo?
Takot kang lumaban sa sangkutan ng naglalakihang kompanya at pamahalaan?
Kailan ka matatauhan? Gumising ka, hoy!
Walang espadang nahubog nang di dumadaan sa nagbabagang apoy!