Wala ka pa bang plano sa linggong ‘to? Pwes, may limang solidong hip-hop events kang pagpipilian!
Patapos na ang 2022 pero tuloy-tuloy pa rin ang galawan ng hip-hop sa buong bansa. Sa unang linggo ng Disyembre ay merong limang malupit na events na magaganap! Meron sa Makati, Pasig, Quezon City, Cebu, at Panabo. Ayos, diba? Kaya kung wala ka pang lakad, yayain mo na ang mga kapamilya at katropa at sama-sama kayong maging parte ng kasaysayan!
Magandang oportunidad din ito para sa mga hindi pa masyadong pamilyar sa eksena ng hip-hop. Dito niyo masasaksihan ang sining ng pagtanghal live. Tiyak na matutuwa ka sa enerhiya na ipapakita ng ating mga lokal na artist sa entablado. Sa mga nasanay sa battle rap, garantisadong mauunawaan mo din ang paglikha ng musika ng mga emcee.
Handpicked x TDcD Avenue (Makati)
Pagod ka ba galing sa trabaho o skwela? Pwede kang dumiretso sa Saguijo sa Bagtikan Street, Makati ngayong Huwebes at panoorin sila Dank Puffs, King Promdi, Smugglaz, Jay Flava, Rapido, Tatz Maven, at iba pa. Itong event na ‘to ay hatid sa inyo ng Handpicked at TDcD avenue. Mag-PM lang kayo sa pahina nila sa Facebook kung nais niyong bumili ng pre-sale tickets. 300 pesos ang presyo ng pre-sale habang 400 pesos naman para sa walk-in. Alas otso ng gabi magsisimula ang programa!
Full Tank 6 (Pasig)
Sa wakas! Pagkatapos mawala ng tatlong taon ay muling magbabalik ang Full Tank ng Uprising sa Sabado. Ano nga ba ‘to? Ito ay isang malaking event kung saan magtatanghal ang buong aktibong lineup ng Koponan ng Kamao. Gaganapin ito sa ArcoVia City sa Pasig at ang matindi dito ay libre lang ang entrance. Maliban sa mga mahuhusay na emcee at DJ ng kolektibo, mapapanood niyo din dito ang isa sa pinaka hinahangaan ngayon sa Cebu na si Mistah Lefty. Alas sais ng gabi palang ay simula na ng tugutgan.
Ghetto-gether (Quezon City)
Hindi magpapahuli ang Quezon City sa solidong hip-hoppan! Sa Sabado ay masasaksihan niyo ang Ghetto-gether! Mangyayari ito alas siyete ng gabi sa My Heiress Kitchenette sa Maligaya Park Subdivision. 50 pesos lang ang entrance at eto ang ilan sa mga mapapanood niyo: Destro, Yuniko, Elbiz, Pamoso, at napaka dami pang iba. Maliban sa tugtugan, meron ding freestyle battle. Walong emcee ang kailangan at kung interesado ka, may quota na 150 pesos.
Kultura Dos (Cebu)
Walang duda na ito ang isa sa pinaka malaking hip-hop event sa Cebu ngayong taon. Inihahatid ng Rapollo ang Kultura Dos! Gaganapin ito ngayong Sabado alas sais ng gabi sa Azul Tuslob Buwa sa Gorordo. 150 pesos ang pre-sale ticket at 250 naman ang walk-in. Magpadala lang ng mensahe sa Rapollo Facebook page kung gusto niyong bumili ng pre-sale. Humanda sa isang gabi ng mabangis na battle rap, emcee performances, graffiti, beatboxing, breakdancing, at turntablism. Magtatapat dito sila Pen Pluma at Ban para sa finals ng Laglag Bara 5 Tournament. Abangan niyo rin syempre ang iba pang mga duelo!
Realitee Anniversary (Panabo)
Sa ikatlo ng Disyembre ay ipagdiriwang ng Realitee Clothing ang kanilang ika-anim na anibersaryo at imbitado kayo! Hindi lang ito simpleng selebrasyon. Makakasama niyo dito ang ilan sa mga pinaka mabigat na artist sa Mindanao. Sino-sino nga ba ang mapapanood niyo dito? Sila Sak Maestro, Sixth Threat, 3Digitz, Nikki, Mac-T, Hizuka, Onlison, Don Busados, N-Flowinz, at marami pang iba. 100 pesos lang ang halaga ng entrance fee. Alas singko ng hapon ay magpapapasok na sila at alas siyete ng gabi naman magsisimula ang event. Sa Gredu Gym sa Panabo City ang venue nito.
Meron ba kaming nakalimutan ilagay dito? Pakisabi nalang sa comments section. Siguradong marami pa diyan. Kita kits nalang sa mga siguradong pupunta at sana ay patuloy niyong suportahan ang sariling atin. Grabe tong taon na ‘to kaya tapusin natin nang mas grabe pa! Mag-ingay!