MC Spotlight

MC Spotlight: Inkubus

Ating kausapin ang lirisista mula sa San Pablo na si Inkubus. Ito ang bagong edisyon ng MC Spotlight!

Anonymous Staff
March 24, 2023


Halos anim na taon palang siyang nag-rarap pero nakapaglabas na agad siya ng dalawang album at isang EP kasama ang grupo niyang IWA at ilang mga solo na single. Isa siya sa mga nagrerepresenta ngayon ng hardcore hip-hop sa Pilipinas. Agad tumatak sa eksena ng underground ang kanyang mga walang kompromisong liriko at agresibong pagbitaw ng mga linya. Mula pa sa San Pablo, Laguna, siya ay walang iba kundi si Inkubus.

Ating alamin ang kwento niya dito sa panibagong edisyon ng MC Spotlight. Ano nga ba yung album na nagsilbing inspirasyon sa kanya para mag-sulat? Kumusta yung pagsali niya noon sa Process of Illumination tryouts ng FlipTop? Bakit kadalasan ganun ang tema ng mga bara niya? Masasagot ang mga yan pati iba pang mga tanong dito. Game na!

1. Kailan ka nag simula mag rap? 

Bale 2017 yun, nung unang beses akong lumaban sa Sunugan. Dun ko kinokonsidera yung simula ko kase ayon ang taon nun. Pero mga 2011 nakikinig na din talaga ako ng tagalog rap. 2017 ko lang din natripan na magsulat na ng sarili ko gawa lang dahil nakita ko na yung gusto kong tunog, dun talaga ako napasabi na alam ko na ang gusto kong gawin. Unang labas na album ng Illustrado. Mga 2017 din yun. Yun talaga naghulma ng kung anong estilo ko ngayon. Solid na gabi din yun sa BSide nung album launch nun. Umiskor ako ng CD nila tas sinoundtrip ko paguwi sa discman. Parang nabaguhan ako sa ganung klase ng pinoy hiphop, sobrang lupit ng mga berso tapos yung production saktong sakto. Pinas na pinas talaga yung dating. Basta hanggang ngayon nagrarap padin ako, ayun talaga ang alam kong simula ng lahat ng ginagawa ko sa eksena na to.

2. Ano ang kwento sa emcee name mo na Inkubus?

Wala namang malalim na kahulugan. Trip lang siguro yun ng batang ako kaya pinanindigan ko na din hehe. Para lang siguro kakaiba pakinggan.

3. IWA ang nirerepresenta mong grupo. Paano kayo nabuo at sino-sino ang mga miyembro nito?

Dalawa lang kami sa IWA, ako lirisista at taga-bitaw. Yung kagrupo ko naman sa production. Si Hirui Seki yung kasama ko dito. Tropa lang din siya ng tropa ko at nagkasalubong lang din talaga kami sa gitna. Sakto gumagawa siya ng beats habang ako naman naghahanap kasi nagsusulat nako para sa unang kanta ko nun, di ko na muna trip bumattle ng mga panahon na yun at gusto ko muna sumubok sa pag-gawa ng kanta. Hanggang sa ayon nakadalawang album na kami at isang EP hanggang ngayon sa kasalukuyan. Gawa pa rin pag may pagkakataon medyo busy lang din talaga minsan kasi may mga responsibilidad. Pero walang ayawan, magsusulat hanggat kaya. Palaging may galaw, kahit mabagal palag lang.

4. Dalawa na ang nilabas na album ng Iwa: "Balasubas" at "Kasaysayan". Ano ang konsepto ng mga 'to?

Halos magkatunog lang din naman yan, kung ano lang ginagawa namin nung nagsisimula kami ganun parin hanggang ngayon. Tungkol lang sa mga bagay bagay kagaya ng mga nakikita kong sablay sa bansa natin at sa eksena. Minsan pag trip ng utak isip topic lang tas sulat ganun. Basta hirap paliwanag, pakinggan nyo nalang para mas maintindihan nyo.

5. Ano naman ang kwento sa kolektibo niyo na Namkha?

Hindi ko alam eh. Sa Lipa, Batangas kasi sila nakabase. Ako sa San Pablo City sa Laguna. Bale nadala nalang din ako ni Hirui kasi sa Namkha talaga siya naglalabas ng mga gawa nya kahit nung wala pa kaming proyektong magkasama. 

6. Sa unang dinig ay masasabing hardcore ang iyong bagsakan. Sang-ayon ka ba na ganito ang stilo mo ng pag-rarap?

Kung pagbabasehan ay yung mga luma naming gawa sa IWA, Oo kasi mabigat yung tunog tapos may pinaglalaban yung sulat. At para sakin ganun yun at ayun ang pinaniniwalaan ko. Kasi hindi lahat may bayag para maghayag ng mga nakikita nilang mali. Pero sa solo movements ko naman bilang Inkubus sinusubukan kong tripin din yung iba pang aspeto ng tunog katulad ng chillhop kaya hindi ko alam kung ganun padin ang magiging pananaw ng listener pag nakinig nila ako lumapat sa mas kalmado na beat lalo na yung mga nakinig na ng mga nakaraang proyekto namin.

7. Ano ang proseso mo sa pagsulat ng kanta?

Kalabit lang para sa beat, kung anong matripan ko sa mga tabi nila lalapatan ko ng sulat. Hanggang sa matapos ko at mairecord tas yun release na. Ganun lang, pondo lang talaga ang nagpapakumplikado minsan. Wala naman kasing studio na malapit dito kaya dumadayo pa talaga ako ng Batangas para lang makagawa. Salamat pala sa mga nakinig na ng mga gawa namin, pampagana yan para samin!

8. Ano ang iyong top 3 na album (local at foreign)? Nakatulong ba ang mga ito sa pag-gawa mo ng mga kanta? 

Sobrang dami hindi kasya sa tatlo. Baka nga sa susunod na pagkakataon na mabasa ko ito iba na ang pananaw ko pero sino ba? Sa local ayun nga sana di magmukang bias kasi puro Uprising release lang talaga napasok sa isip ko. Unang labas nga ng Illustrado sabi ko kanina, Puro EP ng Teknika Brutal at naglalaban yung Ganti ng Patay, Gatilyo at Loob ng Kabaong ni Apoc sa pangatlo. Classic lahat yan tapos sa foreign di nako magbigay ng album sabihin ko nalang kung sino pinakikinggan ko kasi lahat sila may magagandang gawa tulad ng syempre Cypress Hill, Onyx, DAS EFX, Ugly Duckling, JMT, Pharcyde, BlackStar, NBN, RTJ tsaka mga gawa ni DJ Premier at marami pang iba. Madami padin akong hindi alam pero ayan talaga ang mga tumatak sakin. At oo malaki ang tulong nila sa pagsusulat ko dahil sa naibibigay nilang vibe kapag pinakikinggan ko sila.

9. Sino naman ang iyong top 3 na emcee (local at foreign)? Gaya ng tanong sa 8, may naitulong ba sila sa mga bara mo? 

Sa local si Kemikal Ali solid yan, Sayadd syempre tsaka si Batas. Sa foreign siguro B-Real, KRS One tsaka si Vinnie Paz.

10. Para sayo, kumusta ang lagay ng lokal na eksena ng hip-hop ngayon?

Malakas medyo huminto lang ang galaw ng lahat nung nakaraan pero mukhang bumubwelo na naman ulit lahat pabalik. 

11. Kumpara sa era ng hip-hop na kinalakihan mo noon, ano ang pinagkaiba nito sa era ngayon? Ano ang mga na-improve nito at mga tingin mong dapat pang iimprove?

Mas madali siguro gumawa kasi halos lahat may gamit na ngayon. Mas may access na ang karamihan. Yun nga lang minsan yung iba basta nalang makagawa, nawawala na yung kalidad. Yun lang naman napapansin ko. Pero sabagay kahit dati pa naman daw marami na ding supot.

12. Nakapag-tryouts ka na dati sa FlipTop. Kumusta ang experience mo dun?

Ayos lang naman din. Medyo kabado pa nun, siguro naman sa susunod mas kapa ko na. Hindi din naman ako nagmamadali, kung para sayo naman ang isang bagay e makukuha mo basta kilusan mo lang at wag mong sukuan. Basta hindi ko alam kung hanggang san ako dadalhin ng ginagawa kong to. Enjoy lang.

13. Balak mo bang subukan ulit ang battle rap kung may pagkakataon?

Oo naman, hindi na tinatanong yan. Kung ayan na ang pinto nyan sisipain ko na ng malakas.

14. Aktibo ka pa bang nanonood ng FlipTop? Sino ang paborito mong battle emcee at ano ang pinaka tumatak na laban sayo?

Minsan nanonood padin, lalo na pag trip ko yung lumalaban. Inaabangan ko talaga palagi si Sayadd at si Sak Maestro. Sa bago naman si Zend Luke ok din.

15. Ano ang mga maaasahan namin sayo sa mga darating na buwan at taon?

Music lang naman palagi, D.I.Y music videos target din. Syempre bagong album sa IWA, kolabong proyekto kasama si KMG, at yung solo album ko na collab sa iba't ibang producers na baguhan at beterano. At kung mabibigyan nako ng pagkakataon makipagkatayan sa mas malaking liga e tatanggapin ko syempre at pipilitin kong hindi ko kayo mabigo.

16. Ano ang maipapayo sa mga nagsisimula palang sa larangan?

Katulad lang din ng mga sinasabi sakin ng mga nauna sakin. "Gawa lang nang gawa.", nakikita ko naman yung pag usad din ng ginagawa ko kaya alam ko ding may napupuntahan kaya ayun lang masasabi ko sa inyo, ituloy nyo lang. Normal lang na panghinaan, maumay at tamarin minsan pero palaging babalik at susulat. Panindigan mo at isabuhay!

Maliban sa streaming sites, maaari mo ring pakinggan ang mga album ng Iwa sa Bandcamp page ng Namkha. Para naman sa music videos at mga solo na kanta, bisitahin mo lang ang kanyang YouTube channel. Manatiling updated sa iba pang mga galawan ni Inkubus sa kanyang pahina sa Facebook. Sana ay mas lalo pang suportahan ang ganitong klaseng tunog kahit tingin niyo ay hindi swak sa inyong panlasa. Malay niyo matripan niyo din pala! Syempre, maraming salamat ulit kay Inkubus para sa solidong kwentuhan. Mabuhay ang Filipino hip-hop!



MORE FROM THE AUTHOR

READ NEXT