From A Fan's Perspective

From A Fan’s Perspective: Kumusta Yung Unibersikulo 12?

Ginanap nung Sabado ang ika-12 na Unibersikulo. Eto ang rebyu ng isang solidong fan.

Anonymous Battle Fan
July 03, 2024


(PAALALA: Yung litrato sa taas ay mula sa post ni Anygma sa kanyang Facebook page)

Nung nilabas ng FlipTop yung poster ng Uniberikulo 12, agad akong nag-PM sa kanila para bumili ng pre-sale ticket. Sinong hindi matutuwa sa ganyang lineup? Syempre, nandyan ang pagbabalik nila Tipsy D at CripLi. Naging solidong taga hanga ako ni Tipsy nung napanood ko siya live nung Ahon 3 laban kay Gin. Sobrang bumilib naman ako kay CripLi nung 2 on 2 nila sa Ahon 7. Excited din ako sa dalawang battle para sa Isabuhay. Para sakin, ito na ata ang pinaka exciting at unpredictable na tournament sa liga. Isa pang inaabangan ko ay yung mga bagong pasok sa FlipTop. Hindi ako gaano pamilyar sa stilo nila pero may tiwala ako sa husay nila. 

Mag-isa lang akong pumunta sa event. Sinubukan ko yayain yung mga tropa pero ganun talaga pag tumatanda na. Meron na silang ibang responsibilidad. Buti ako wala pang asawa. Medyo malaya pa ako haha! Ayun, sa Teacher’s Village ako nanggaling at sinalubong ako ng matinding trapik. Bandang alas syete y medya na ako nakadating at laking gulat ko na alas sais pa pala nagsimula ang programa. Totoo nga na maaga na nagsisimula ang events ng FlipTop! Huling punta ko ay bago pa mag pandemic at nung mga panahon na yun ay madalas alas nuebe o alas diyes na nagsisimula. Mabuti na rin para hindi mahirapan yung iba umuwi lalo na yung mga nagcocommute o mga galing sa malayong lugar. Mas maraming rin oras para uminom pagkatapos lol.

Sayang talaga at hindi ko napanood yung Shaboy vs Dodong Saypa at Lord Manuel vs Philos. Ang kwento ng mga nakilala ko sa venue ay patok na patok daw yung komedya nila Shaboy at Dodong Saypa at epektibo din yung pang basagan na mga bara nila. Dikdikan din daw yung Lord Manuel vs Philos. Ibang klase ang teknikalan nila at grabe rin daw yung palitan nila ng mga rekta at masasakit na linya. Excited akong mapanood ‘to sa YouTube.

Pumasok ako sa venue na may hawak na napakasarap na calamansi flavor na FlipTop Beer at gulat ako dahil napaka daming tao. Pag nandun ka, para kang nasa Ahon event. Buti nakapwesto pa ako sa bandang gitna at dun ko na nga nakilala yung mga bagong kaibigan. Tatlo ang nakilala ko at lahat sila ay pumunta din mag-isa. Yan ang isa sa mga rason kung bakit hindi ka dapat mahiyang manood ng event kahit walang kasama. Garantisadong magkaka tropa ka pagkatapos.

Unang napanood ko ay yung BLZR vs Freek. Sayang dahil may isang nagchoke sa kanila pero ganunpaman, na-enjoy ko pa rin ‘to. Purong lirikal yung laban at merong kakaiba sa pag-deliver nila ng mga linya. Yung stilo nila ay may halong balagtasan at kalye. Sana mabigyan pa sila ng mga laban. Sunod naman ay yung Bisente vs Jawz. Bakbakan ‘to grabe! Palitan ng wordplays, references, at personals at parehas silang may matinding agresyon sa pag-rap. Yang mga nabanggit ko ay hindi na bago sa battle rap pero nagawa nilang maging bukodtangi yung mga anggulo, konsepto, at tugmaan nila.

Nagkaroon ng konting technical difficulties bago ng Frooz vs CripLi. Nawalan ng ilaw kaya grabe yung init. Buti at hindi masyadong matagal. Mga limang minuto lang ata tapos bumalik na yung kuryente. Yung aircon humina na talaga dahil sa dami ng tao pero sa sobrang lupit ng mga laban ay hindi na namin napansin masyado. Mas ayos pa rin syempre kung masolusyonan ‘to sa susunod na events. Eto, pagusapan na natin yung battle. Akala ko talaga magiging one-sided pero ang kinalabasan ay sobrang dikit nito. Para sakin ay parehas silang naka A-game sa materyal. Tingin ko ay nadale lang yung isa dahil sa rebuttals at medyo kinulang siya sa bandang huli. Ganunpaman, hanep yung creativity pati rhyme schemes nila. Siguradong magiging trending ‘to. Punta naman tayo sa dalawang quarterfinals matchups para sa Isabuhay. Una ay yung Sur Henyo vs GL. Wow! Ang tindi ng pinakita nila parehas. Mas direkta yung mga banat ni Sur habang mas malaro yung pinamalas ni GL. Magkaiba man sila ng paraan magtanghal sa entablado, parehas epektibo ang presensya nila. Pareho silang A-game at siguradong mas puputok pa ‘to pag naupload na. Ganyan din ang masasabi ko sa EJ Power vs Romano. Parehas din silang preparado at “complete package” yung pinakita nila. Mas madami nga lang ditong personals at maiinit na anggulo! Masasabi kong napaka intense ng laban na ‘to at dikdikan din talaga. 

Pagusapan na natin yung main event ng gabi! Sulit ba ang matagal na paghintay sa pagbabalik ni Tipsy D? Oo! Siya pa rin yung Tipsy D na isa sa may pinaka malupit na pen game sa FlipTop. Nandun pa rin yung konespto niyang unpredictable, mabangis na rhyme schemes at syempre, matitinik na wordplays at metaphors. Welcome back! Pagdating naman kay Batang Rebelde, nakakatuwa at nakasabay siya sa stilo ni Tipsy. Alam naman natin na malupit din siya sa teknikalan, komedya, at tugmaan pero mas napakita pa niya ‘to dito. Masasabi kong isa ito sa best performance niya at sana mas maunawaan na siya pag nilabas yung video. Oo, dikit na laban din talaga ‘to.

Maraming, maraming salamat sa FlipTop, mula sa staff hanggang sa emcees, para sa isa nanamang hindi malilimutan na gabi. Hindi ko namalayan na ilang oras na pala ako nakatayo dahil sobrang ganda ng mga napanood kong bakbakan. Pagkatapos nito, susubukan kong mas dalasan pa ang pagnood live. Nga pala, totoo yung mga nabasa niyo sa social media. Inanunsyo ni Sinio habang nagjujudge siya na lalaban siya sa Bwelta Balentong. Abangan natin yan!



MORE FROM THE AUTHOR

READ NEXT