Kwenta ng isang fan tungkol sa kanyang pagnood ng Bwelta Balentong 9 live!
Matagal ko na talaga gustong pumunta sa isang FlipTop event kaso nga lang wala akong mayaya dahil hindi masyadong interesado sa battle rap mga tropa ko. Nung inaunsyo ng liga sa Facebook yung Bwelta Balentong 9, dun ko naisip na pumunta nalang mag-isa. Masaya naman pag nanonood ako sa YouTube pero totoo ang sinasabi nila na iba pa rin pag live. Marami na akong napanood na mga banda kaya ngayon ay hiphop naman! Isa ata ako sa mga unang bumili ng pre-sale ticket. Ganun ako ka-excited.
Inaamin ko na sa unang kita ko sa poster ay hindi ako sobrang naenganyo. Ang mga inaabangan ko talaga ay sila Tipsy D, Mhot, Batas, BLKD, Apekz, at Loonie. Ganunpaman, bumili pa rin ako ng ticket dahil experience ang habol ko talaga. Parang sa mga napuntahan kong rock na tugtugan dati na kahit hindi ko kilala o hindi gaanong pinapakinggan ang mga nasa lineup ay pupuntahan ko pa rin. Kadalasan ang nagiging resulta ay may bago akong mga iniidolo. Paggising ko nung September 3 ay hindi na ako mapakali. Sobrang excited ko hindi ko napansin na ang lakas pala ng ulan sa labas. Sabi ni ermats na baka hindi daw matuloy pero buti at sinabi sa Facebook na umulan man o umaraw ay tuloy pa din ang battles.
Sumama ulit ang panahon pag alis ko ng bahay. Naghintay ako sandali sa katabi namin na karinderya kaso napansin ko na lagpas alas kwatro na! Tinakbo ko nalang hanggang sa sakayan ng jeep papuntang MRT. Hindi ko na papahabain pa yung kwento tungkol sa pag-commute ko. Basta pagdating ko sa Makati Central Square ay matindi ang galit ko sa ulan hehehe! Nagpatuyo ako sandal sa 7/11 tapos rekta na sa venue. Wala nang pila sa labas ng Tiu Theater kaya akala ko late na ‘ko. Pagpasok ko ay nagsasalita palang si Anygma. Sakto lang pala pagdating ko! Nakakagulat dahil akala ko ay konti lang ang tao dahil sa panahon. Patunay lang na solido ang mga fans ng FlipTop pati mga emcees nito.
Hindi ko na iisa isahin ang mga laban para hindi rin mawala ang thrill niyo pag inupload na. Paguusapan ko nalang yung mga tumatak sa akin. MAINIT yung JR Zero vs Illtimate! Medyo nagpisikalan pero napigilan naman agad. Maganda yung pinakita ng dalawa. Umaapaw ang teknikalan, komedya, at mga multi. Ang laki rin ng improvement ng delivery nila. Klaro bawat punchline at ramdam na ramdam mo yung gigil. Pwede sanang battle of the night kung wala lang nag stumble sa unang round. Panoorin niyo nalang para malaman kung sino. Tumatak din sakin ang performance ni Luxuria nung gabing ‘to. Ayos naman yung pinakita ni Harlem. Nandun pa rin yung kumpyansa niya sa entablado pati yung malulupit na anggulo niya pero mas nanaig yung pinamalas ni Lux. Mas mahapdi ang mga suntok niya at mas nakakasindak yung presensya niya. Dahil dito ay tingin ko na malaki pag-asa niyang maging kampeon ng Isabuhay 2022. Pinaka dikit na laban ng Bwelta Balentong 9 ay yung Poison 13 vs Elbiz. Masasabi ko na mas malaro si Elbiz sa tugmaan habang mas brutal naman si Poison 13. Battle of the night para sakin ‘to! Sang-ayon man ako na si Poison 13 ang panalo, hindi ako magtataka kung merong iba na ang tingin ay para kay Elbiz talaga ‘to.
Mapapansin niyo siguro sa mga video na sakto lang yung reaksyon ng crowd. May nag-iingay pa din naman kaso hindi kasing grabe ng dati. Sa opinyon ko, maganda yung ganito. Ibig sabihin ay mas tinutukan na ng crowd ang bawat matchup at alam na din nila ang kahalagahan ng mga salitang “respect the emcee”. Saludo! Ngayon, sulit ba yung pakiki digma ko sa ulan para dito? OO! Iba nga talaga kapag live kahit sa FlipTop. Dito ko mas naramdaman yung intensity ng mga laban pati yung impact ng mga linya. May epekto din yung reaksyon ng isang emcee pag nagrarap yung kalaban nila. Malalaman mo kung sino yung kampante pa din o yung kinakabahan na.
Nagkaroon pa ako ng oportunidad sa event na ‘to na makita ang ugali ng emcees pag wala sa camera. Nakakabigla na ang bait pala nila Batas, Pricetagg, Smugglaz, at iba pa. Kinabahan ako nung tinanong ko kung pwede ba magpapic tapos laking gulat ko na sobrang accommodating nila. Siguro kailangan nasa lugar din dahil sinigurado ko na break time muna bago magpakuha ng litrato. Pang huli, nagsimula ako sa venue na mag-isa pero sa gitna ng gabi ay may mga nakilala din akong kapwa fans. Meron din palang mga pumunta mag-isa lol! Ayun, napaka sayang experience at nagiipon na ako ngayon para sa October 15. Salamat sa buong FlipTop staff at sa mga rapper na kasapi ng liga! Mabuhay kayo!