Ayon sa battle rap fan na ‘to, isa ‘to sa pinaka malupit na event ng liga. Balikan natin ang Zoning 2019!
May dalawang rason kung bakit hinding hindi ko makakalimutan ang Zoning 2019. Ginanap ito nung ika-29 ng Hunyo sa Tiu Theater sa Makati Cinema Square. Matagal na akong fan ng FlipTop pero hindi ako nakakanood live dahil sa trabaho. Nagsimula ako sa hotel na madalas ay panggabi ang pasok at makalipas ang tatlong taon ay lumipat ako sa barko. Sumakto sa petsa ng Zoning 2019 ang aking bakasyon kaya sinigurado ko na makakapunta ako kahit wala akong kasama! Buti nalang at sinamahan ako ng aking bayaw na sobrang fan din ng battle rap. Yan ang unang rason kung bakit espesyal sa akin ang event na ‘to. Ito ang unang beses kong makakapanood ng bakbakan sa personal! Grabe! Nung hawak ko palang yung pre-sale ticket ay excited na excited na ako.
Pangalawang rason ay syempre yung napaka solidong lineup. Simulan natin sa non-tournament battles. Oo, nakakadismaya na nagkalat si LilWeng, pero ayos lang dahil ang tindi naman ng pinakita ni Numerhus. Pamilyar na kami sa mga kanta niya kaya na-curious kami kung ano ang ipapakita niya sa battle. Ayun, kung gano siya katindi tumugma at mag-flow sa mga awitin ay ganun din sa FlipTop. Hindi niya kami binigo! Napaka entertaining din ng Tipsy D vs Zaito. Patok na patok ang jokes ni Zaito kahit hindi ganun ka-polido ang mga berso niya. Benta rin ang mga patawa ni Tipsy pero maliban diyan ay hinaluan pa niya ‘to ng mga epekitbong teknikalan. Sumang-ayon naman kasi sa desisyon ng mga hurado. Plazma vs Invictus naman ang masasabi naming pinaka underrated na laban ng gabi. Kami ay namangha sa malupit na lirisismo, brutal na mga linya, at bigay-todo nilang delivery. Ibang klaseng intensity yung ganitong laban sa live! Siguro dahil sa sobrang bigat at lalim ng mga rima kaya hindi ganun kalakas ang reaksyon ng crowd. Ito ang pinaka tumatak samin na non-tournament battle.
Pumunta naman tayo sa Isabuhay matchups. Apat ang pang torneo na battles dito kaya dun palang ay sulit na ang pagpunta namin. Para sa amin, ito ang isa sa pinaka malakas na pinakita ni G-Clown. Hindi lang bentang jokes ang binitawan niya kundi pati kalidad na wordplays at malakas na presensya. Saludo pa rin syempre kay Lhipkram sa malinis na performance pero kay G-Clown talaga ‘to. Tulad ng Numerhus vs LilWeng, ayos pa rin yung BLKD vs Poison13 dahil kahit papano ay maganda yung binanat ng isang emcee. Sayang si BLKD dito! Mataas ang ekspektasyon namin sa kanya kaso hindi siya nag-handa. Ganunpaman, inaabangan namin ang kanyang pagbabalik. Tagahanga na kami ni Poison bago nito kaya laking tuwa namin nung napanood namin siya live at preparado pa siya! Sa Lanzeta vs Sixth Threat at Apekz vs Asser naman tayo. Para samin ay kabilang ang dalawang laban na ‘to sa top 10 pinaka classic na Isabuhay battles. Hindi lang palitan ng letra at epektibong mga anggulo kundi pati solidong pagtanghal sa entablado ang nasaksihan namin dito. Sa madaling salita, nasa dalawang duelo na ‘to ang bawat elemento ng isang matinding labanan.
WATCH: Zoning 19
Pagkatapos ng Zoning 2019 ay nangako ako sa sarili ko na manonood ulit ako sa susunod kong bakasayon kaso alam na natin ang nangyari. Lumitaw ang COVID kaya matagal akong hindi nakabalik sa Pilipinas. Ngayong wala nang mga lockdown, ako’y babawi sa events. Nakakatuwang isipin na ang pangalawang paligsahan ng FlipTop na papanoorin ko live ko ay Zoning ulit. Sana ay pantayan o higitan pa nito yung 2019. Base sa lineup, tingin ko ay posiblen naman ‘to mangyari! Sa mga kapwa supporter ng liga, magkita nalang tayo sa Zoning 16!