General

Kahulugan Ng Mga Sikat Na Termino Sa FlipTop (Part 7)

Nasa part 7 na tayo! Eto pa ang ilang mga termino na malamang ay narinig mo na sa FlipTop.

Ned Castro
May 28, 2024


Labing-apat na taon na ang FlipTop at dahil dito ay napakaraming mga salita na ang mga nauso. Kung hindi ka pamilyar sa mga kahulugan nito, hayaan niyo kaming ipaliwanag sa iyo. Pang pitong kabanata na nga pala ‘to kaya kung nais mong basahin yung iba, eto ang una, pangalawa, pangatlo, pang-apat, panlima, at pang-anim. Wag kalimutang ipamahagi din ‘to sa mga kakilala mong bagong fan palang ng FlipTop o yung hindi pa masyadong mulat sa mga termino dito. Simulan na natin…

Meta
Iba ang opisyal na kahulugan ng meta pero sa mundo ng battle rap, ang ibig sabihin nito ay yung kasalukuyang mga trend. Nung unang taon ng FlipTop, ang masasabing meta ay komedya pati multisyllabic rhymes. Hindi nagtagal ay nauso din ang wordplays, references, at marami pang iba. Line / style mocking ang kasalukuyang karaniwan na ginagamit na stilo pero marami na ring lumalabas na bagong atake na malaki ang tsansang maging meta.

Premeditated rebuttal
Kadalasan ang rebuttals sa battle rap ay freestyle, pero kapag sinabing premeditated, ito yung pinaghandaan na ng emcee. Maaaring may inaaasahan siyang mga anggulo o linya ng kalaban kaya’t nagsulat siya ng posibleng pangontra sa mga ‘to. Syempre, kung hindi umakma sa konteksto ng laban yung hinandang rebut, hindi na dapat ‘to ibanat at dun na papasok yung rebuttal na on the spot pinagisipan.

Dark horse
Posibleng narinig mo na ‘to kapag pinaguusapan ang Isabuhay o Dos Por Dos. Ang simpleng paliwanag ng dark house ay yung hindi mo inaasahan na mananalo sa isang kompetisyon. Sila yung hindi gaano sikat o wala pa masyadong nagmamarka na performance na biglang gugulatin ang madla pagkatapos ibigay ang isang daang porsyento. Marami na tayong nasaksihang mga dark horse dito sa liga kaya huwag na magtataka kung magkakaroon din sa torneo ngayong taon.

Rap ability
Pagdating sa pagrarap, hindi lang kailangan na magaling ka magsulat. Dapat kapani-paniwala ang pagbigkas mo, polido ang iyong bitaw, at nakokontrol mo ang daloy ng tanghalan. Kung nagagawa mo lahat yan, pwes, solido ang iyong rap ability. Sa madaling salita, ang rap ability ay kombinsayon ng iba’t ibang elemento ng pagpapamalas ng talento ng isang emcee. 

Four bar set up
Narinig mo na siguro yung four bar set up hindi lang sa battles kundi pati sa judging at mga diskusyon tungkol sa lirisismo. Maaaring ito ang isa sa pinaka tradisyonal na paraan ng pagsulat ng mga rap na berso. Yung unang tatlong bara ang magisisllbing set up ng pang-apat, o yung tinatawag na punchline. Kailangan mahusay at syempre konektado ang pag akda ng tatlong bara upang maging epektibo ang pamatay na suntok. Marami rin namang gumagawa ng two bar set up lang at meron ding iba na haymaker na agad ang isang linya. Nakadepende pa rin yan lahat sa diskarte at creativity ng emcee. 

READ ALSO: Pre-event Review ng Zoning 17

Meron ba kaming nakalimutan? I-share niyo lang sa comments section at isasama namin ang mga ‘to sa part 8. Ngayong Sabado na nga pala ang susunod na FlipTop event na Zoning 17. Sa mga may tickets na, magkita-kita tayo doon! Sa mga wala pa, pwede kayo mag walk-in pero meron ding available pa na pre-sale tickets. Mag-PM lang sa pahina ng liga sa Facebook kung gusto mong bumili. Nagpopost din sila diyan ng iba pang mga options na pwede mong pagbilhan. 



MORE FROM THE AUTHOR

READ NEXT