Basahin ang kwento ng isang fan ng nakapunta sa unang Won Minutes Luzon event ng taon!
Ako yung nagsulat tungkol sa Won Minutes 2019 dito sa website kaya salamat kay Anygma sa pagbigay ulit ng pagkakataon magkwento. Ngayon naman ay ibabahagi ko sa inyo ang mga kaganapan sa unang Won Minutes Luzon event ng taon. Oo, una dahil sabi mismo ni Anygma na dahil sa dami ng mga napiling emcees ay hindi kayang ipagsama-sama lahat sa isang okasyon. Kaabang-abang ang mga susunod pang sasalang sa liga!
Pumunta ako kasama mga kabarkada ko na kasama ko din nung 2019. Nakakatuwa lang na hanggang ngayon ay tuloy pa rin ang suporta namin sa FlipTop at sa buong hip-hop. Dati “rakista” lang kami pero nung nadiskubre namin yung FlipTop, mas lumawak ang amin pagunawa sa genre. Ayun, hindi nga lang namin napanood yung unang tatlong laban dahil late kami nakarating. Sobrang trapik sa lugar namin nun! Buti pagdating sa may West Ave ay maluwag na. Kwinento ng isang kakilala namin na nandun nang maaga na grabe daw yung tatlong battles at sila Andros, Tulala, at Caspher ang may pinaka tumatak na performance.
Walang exaggeration ‘to ah pero maaaring isa ito sa pinaka matinding event ng FlipTop. Oo, kasama na yung mga “main stage” events. Sa pito na napanood namin, lahat ay dikdikan maliban sa Antonym vs James Overman dahil may nagchoke PERO kung hindi nagkalat yung emcee, siguradong bakbakan din yun dahil hanep sana yung materyal niya. Ngayon, ano nga ba ang best battles para samin? Negho Gy vs Frinze, Saint Ice vs Hespero, Katana vs Crispy Fetus, at Meraj vs Lord Manuel. Solidong teknikalan ang nasaksihan namin sa Negho Gy vs Frinze at Saint Ice vs Hespero. Tadtad ng wordplays, metaphors, at references at maganda dito ay hindi pilit o cringe yung mga bara nila. Sa mga nagtatanong, oo, si Ice Rocks si Saint Ice at masasabi namin na mas gumaling pa siya magsulat ngayon. Yung Katana vs Crispy Fetus naman ang tingin naming pinaka kakaiba at entertaining na matchup! Mas sa komedya sila tumutok pero hindi tipikal yung jokes nila. Ganunpaman, patok pa rin ang mga linya nila at buhay ang crowd hanggang sa huling round. Brutal naman ang laban nila Meraj at Lord Manuel. Masasakit na salita at anggulo ang binato nila na tiyak ay mararamdaman mo din. Namangha din kami syempre sa pinamalas nilang mga barang teknikal at rhyme schemes. Abangan niyo pa din yung ibang matchups ha! Basta, hanep talaga tong event na ‘to.
Pagkatapos ng battles ay nagkaroon pa ng open mic kung saan nag-freestyle ang emcees sa entablado. Ang daming nag-rap nun at iba’t ibang stilo ang narinig namin. Sobrang saya! Shout outs din nga pala sa 88 Fryer. Ang ganda ng venue! Pang Won Minutes o mas “intimate” na events talaga siya at panalo yung pulutan. Subukan niyo yung “chx dinakdakan” pati crisy pata. Pangako hindi kayo magsisisi! Sarap ihalo yan sa FlipTop Beer.
Maraming salamat sa FlipTop staff, sa mga kapwa fans na nakilala, at syempre sa emcees para sa isa nanamang napaka saya na gabi. Excited na kami sa susunod na Won Minutes Luzon. Asahan niyo na pupunta din kami dun. Na-post na rin nga pala ang poster ng ika-12 na Second Sight. Tignan niyo nalang sa FB page ng liga. Syempre nandun din kami!