Dahil marami nang ginanap na FlipTop events, madami na ring venue na pinagdaanan. Nagtanong kami sa ilang fans kung ano ang paboritong lugar nila.
Sa loob ng labinlimang taon ay meron nang higit isang libong laban sa FlipTop. Karamihan sa mga 'to ay nag-iwan ng marka hindi lang sa kultura ng Pinoy hip-hop kundi sa buong mundo. Syempre, hindi mangyayari ang bawat battle pati ang mismong mga event kung walang lugar na gaganapan. Ngayon ay paguusapan natin ng mga 'to.
Nagtanong kami sa ilang solidong fans kung ano ang mga pinakagusto nilang venue. Sinigurado namin na marerepresenta ang bawat dibisyon ng liga. Tandaan na opinyon nila ang mga 'to kaya kung hindi ka sangayon, hindi na kailangan makipagtalo. Simulan na natin!
Fan 1: B-Side
Nakakamiss ka, B-Side! Maliban sa ilan taon itong naging bahay ng FlipTop ay malaki rin ang naitulong nito sa hip-hop at iba pang mga genre. Madami akong mga nadiskubreng bagong artists simula nung napadalas ako dito. Ibang klase din ang nagawa ng The Collective, yung compound kung saan matatagpuan ang B-Side. Ang daming panalong kainan, may astig na tindahan ng comics, at may mga espasyo para sa mga art exhibit.
Fan 2: San Juan Gym
Kalian kaya magkakaroon ulit ng Ahon sa San Juan Gym? Una sa lahat, ang lamig dito kahit madami nang tao lol! Ikalawa at tingin ko mas importante ay sobrang laki talaga niya. Bagay na bagay para sa mga laban na kaabang-abang. Marami pang upuan kaya habang break ay pwede munang umupo at mag-relax. Mula Ahon 5 hanggang 7 ay napuntahan ko at hindi ko makakalimutan ang bawat isa.
Fan 3: Hades Bar
Naaalala niyo pa ba ‘to? Dito ginanap yung Ahon 2, ang unang Ahon na dalawang araw. Oo, mainit pero trip na trip ko set up ng venue. Sa isang warehouse nangyari yung battles tapos sa labas naman yung tugtugan. Sa pagkakaalam ko dati itong opisina ng construction company kaya ang angas ng itsura. Para kang nasa eksena na isang action movie. Sayang dahil balita ko ay hindi raw ito nagtagal. Kung isa ka sa mga nanood ng Ahon 2 live, parte ka ng kasaysayan!
Fan 4: The Tent
Marami na akong napuntahang FlipTop events pero para sa’kin, ang the best na venue ay The Tent. Sa mga hindi nakakaalam, dito ginanap yung Ahon 15! Malayo sa’min pero ayos lang bumiyahe dahil sobrang laki at komportable naman. Kahit sobrang daming tao nung Ahon 15 ay nakakaupo pa rin kami pag napagod tumayo at kahit saan kami pumuwesto ay rinig naming ang mga bara. Syempre, hindi rin namin makakalimutan yung aircon! Ang lamig! Unang beses ko magjacket sa isang FlipTop event haha.
Fan 5: Metrotent
Bwelta Balentong 11 ang unang event na napanood ko live pagkatapos ng pandemya at ang masasabi ko ay napakalupit ng experience ito. Maliban sa makasaysayang battles, napakaganda pa ng Metrotent. Maluwag, malinis, malamig, at kahit nasa likod na kami ay klaro yung mga battle. Balita ko ay sobrang ganda din daw sa The Tent pero dahil hindi ko pa napupuntahan yun, ito munang Metrotent ang paborito ko. Alam kong nagenjoy din yung mga kasama ko.
Fan 6: Tiu Theater
Iba pa rin talaga yung vibe ng Tiu Theater para sa’kin eh. Sakto lang yung laki parang teatro talaga at dahil diyan ay mas dama mo ang bawat linya. Ang lawak din ng espasyo ng entablado kaya mas lumilitaw ang galling ng emcees sa pagtanghal. Syempre, makasaysayan din ang mall kung saan ito matatagpuan, ang Makati Central Square. Kada event ay kumakain muna kami sa isa sa maraming restaurant dito.
Fan 7: CAP Center (Davao)
Espesyal ang CAP Center Davao para sa’kin. Hindi lang dahil dito ako unang beses nakanood ng FlipTop event live kundi dahil pang battle rap talaga yung venue. Hindi siksikan kahit maraming tao at kahit malayo ay nakikita ko pa rin yung emcees na nakikipagbakbakan sa entablado. Walang duda na ang dami na ring classic battles na naganap dito. Respeto sa ibang mga lugar pero dito sana ulit pagbalik ng liga sa Davao.
Fan 8: CAP Center (Cebu)
Karamihan ng mga makasaysayang laban sa Cebu ay nangyari sa CAP Center. Simula 2014 hanggang 2019, ito ang naging tahanan ng Visayas Division ng FlipTop. Naalala ko nung pinakaunang event ay hindi pa gaanong puno pero nung sumunod ay talagang dinagsa na ng solid fans. Malaki yung lugar pati yung stage, komportable, at madali puntahan. Magkaroon ulit sana ng Gubat dito.
Fan 9: Naic Covered Court
Dahil fan talaga ako ng underground hip-hop, iba pa rin yung dating sakin ng Naic Covered Court. Alam ko na nung panahon na yun yung galawan ng FlipTop kaya kuha talaga ng covered court setting yung dating ng pagiging independent o “DIY”. Dito nagsimula ang mga malulupit na hip-hoppan at sinigurado ng liga na respetuhin ang ugat nito. Isang event lang ang ginanap dito pero habang buhay nang nakatatak yan sa kasaysayan ng eksena.
Fan 10: GPP
Unang pasok sa GPP sa Mabalacat, Pampanga ay matatawa ka. Akala mo nasa debut o reception ng kasal ka dahil sa mga dekorasyon. Ganunpaman, nung pumunta ang FlipTop, hindi namin ‘to malilimutan. Maraming malulupit na battle ang nasaksihan namin at mas naging epektibo sila dahil sa venue. Malawak yung entablado kaya mas komportableng gumalaw ang emcees. Malaki rin yung espasyo namin kaya masaya ang aming “viewing experience”. Alam ko na bukas pa rin ‘to eh. Anygma, baka naman!
Kayo? Ano ang pinakamalupit na venue ng FlipTop para sa inyo o meron ba kayong mairerekumenda para sa mga susunod na okasyon? Wag mahiyang ipamahagi ito sa commens section. Abang nalang tayo ng anunsyo sa pahina ng liga sa Facebook tungkol sa susunod na event. Balita namin ay grabe daw lineup na parating! Kita-kits dun.