General

2023 Isabuhay Finals: Sino Ang Magkakampeon? (Ayon Sa Fans)

Nagtanong kami sa ilang mga fans ng FlipTop kung sino ang tingin nilang mag-uuwi ng kampeonato sa 2023 Isabuhay Finals.

Ned Castro
November 01, 2023


At eto na nga! Nalaman na natin nung Bwelta Balentong 10 kung sino ang magtatapat sa finals ng 2023 Isabuhay Tournament. Sa mga hindi pa updated, ito ay isang SPOILER WARNING para sa inyo. Wag niyo na kayo tumuloy dito kung ayaw niyo muna malaman. Hintayin niyo nalang sa YouTube yung resulta ng laban nila Hazky at Plaridhel sa semis. Sa susunod na talata ay sasabihin na namin kung sino ang kabilang sa finals.

Ayun, sa Ahon 14 ay maghaharap sila Hazky at Invictus. Nagtanong kami sa anim na solidong fans ng FlipTop kung sino ang tingin nilang mag-uuwi ng 100k grand prize pati ang kampeonato. Sinigurado namin na patas ang bilang ng mga bumoto sa parehong emcees. Hindi na rin namin ibibigay ang pangalan ng fans bilang respeto sa kanilang privacy. Simulan na natin…

Fan number 1: Hazky
Simula nung unang round ng Isabuhay Hazky talaga ako. Kita talaga yung ebolusyon ng stilo niya at pumapalag na din siya pagdating sa teknikal. Napansin ko pa na palakas siya nang palakas kada round at mukhang sa finals niya mas totodohin pa. Saludo kay Invictus syempre pero kung pagdating sa pagiging “total package”, tingin ko si Hazky ang llamado. 

Fan number 2: Invictus
Sige, hindi masyado nagpapatawa si Invictus, pero ilang beses na niya pinatunayan sa mga laban niya na epektibo ang kanyang seryosohang mga sulat. Tingin ko dudurugin niya ang jokes ni Hazky sa finals at mananaig ang kakaibang mga konsepto at tugmaan niya. Malaki ang tsansa na maging sobrang dikit ‘to pero ang prediksyon ko ay si Invictus ang magwawagi. 

Fan number 3: Hazky
Ito opinyon ko lang ha! Pag battle rap kasi ang pinaka importante ay “well-rounded” o balanse ka. Malupit sumulat si Invictus pero tingin ko ay hindi ‘to sapat para sa rapper na kagaya ni Hazky. Oo, benta ang pagpapatawa ni Hazky, pero pinakita din niya na kaya niyang sumabay sa durugan. Isa siya sa mga masasabi kong henyo sa “style mocking”. I-eexpose niya ang bawat kahinaan ng isang purong teknikal na emcee.

Fan number 4: Invictus
Para sakin talaga ang battle rap ay durugan ng pagkatao. Oo, may mga nagpapatawa, pero mas epektibo pa rin yung mga linya na pumapaslang. Simula pa nung debut niya ay idol ko na talaga si Invictus. Isa siya sa mga ilan na nagtaguyod ng purong lirisismo sa FlipTop. Tantsa ko na may matindi siyang gagawin sa finals at magiging dominante siya sa tatlong round. Excited na akong masaksihan siyang magtanghal at maging kampeon!

Fan number 5: Hazky
Komedya? Check! Bars? Check! Stage presence? Check! Polidong delivery? Check! Ano pa hahanapin mo kay Hazky bilang emcee? Siya yung tipong kayang kaya dumurog ng anumang stilo dahil sa kanyang creativity. Kahit yung pagsuot niya ng costume ay sinisigurado niya na rekta pa rin sa kalaban. May gimmick man o wala, alam mong kalidad ang ipapakita ni Hazky. Sa tingin ko sa finals ay ibibgay niya ang pinaka mabangis niya at dahil diyan siya ang magiging kampeon ng Isabuhay.

Fan number 6: Invictus
Madalas nananaig sa battle rap yung may balanse na stilo pero tingin ko pagdating sa 2023 Isabuhay Finals, babalik sa purong lirisismo ang kampeonato. Si Invictus yung emcee na sobrang galing sa teknikalan hindi na niya kailangan pa sumunod sa uso. Kayang kaya niya mangwasak ng bungo gamit ang malawak niyang bokabularyo at nakakakilabot na pagbigkas. Wala akong galit sa mga rapper na nagpapatawa pero gusto ko naman makakita ng isang gaya ni Invictus na mag-kampeon at tingin ko talaga ay mangyayari yun sa finals.

WATCH: 2023 Isabuhay

Kanino kayo pinaka sumang-ayon? Sabihin niyo lang sa comments section. Hindi pa namin alam ang petsa at venue ng Ahon 14 kaya abangan nalang natin ang mga detalye tungkol dito. Sundan niyo lang ang opisyal na pahina ng liga sa Facebook para maging updated. Abangan niyo rin syempre yung upload nung isa pang semis na laban. Gaya ng Invictus vs JDee, ang tindi din ng palitan sa duelong ‘to! Napaka unpredictable ng torneo nung mga nakaraang buwan at siguradong magiging makasaysayan ang katapusan nito. Kita kits sa finals!



MORE FROM THE AUTHOR

READ NEXT