Pre-Event Reviews

Pre-event Review ng Ahon 14 (Day 2)

Excited ka na ba para sa Ahon 14? Ating i-rebyu ang lineup ng day two!

Anonymous Staff
December 07, 2023


Napagusapan na natin yung lineup ng Ahon 14 day 1. Ngayon naman ay talakayin natin ang mga solidong duelo na magaganap sa day 2! Dito mangyayari ang finals ng 2023 Isabuhay Tournament at meron pang 11 battles na may malaking tsansang maging makasaysayan sa larangan ng Pinoy hip-hop. Kilala ang Ahon hindi lang sa year-ender event ng FlipTop, kundi sa isa sa pinaka malaking okasyon ng liga. 

Sa mga hindi pa nakakaalam, Disyembre 16 ang petsa ng day two at sa TIU Theater ulit ang venue nito. Gaya rin ng unang araw ay 3:00PM magbubukas ang gates at 5:30PM naman magsisimula ang programa. Excited na ba kayo? Kami rin! Simulan na natin i-rebyu ang lineup…

Mhot vs Sayadd
Grabe ‘to! Sagupaan ng dalawa sa pinaka lirikal sa FlipTop. 2021 pa yung huling laban ni Mhot kaya siguradong ganado ulit siyang makipagbakbakan sa entablado. Nakilala siya sa “baliktaran” na iskema pero maliban diyan, walang makakatanggi sa bangis ng kanyang mga wordplay, metapora, at rektang atake. Bawat linya na binubuga niya ay puno ng kumpyansa kaya laging tumatama ang mga ‘to. Nakakaexcite makita ang gagawin niya sa Ahon 14.

Pagdating sa palaliman, makakaasa ka ng kalidad ng mga berso kay Sayadd. Samahan mo pa ng nakakasindak na agresyon ang kanyang matatalas na kataga at garantisadong mawawasak ang entablado. Hindi man siya pinalad sa nakaraang dalawang battle niya, marami pa rin ang humahanga sa kanyang kakaibang lirisismo. Panalo tayong lahat sa duelong ‘to!

Hazky vs Invictus
Eto na ang finals ng 2023 Isabuhay Tournament! Dito ay makakanood tayo ng malupit ng style clash. Kitang kita naman ang ebolusyon ni Hazky bilang well-rounded na rapper. Oo, nagpapatawa pa rin siya, pero sobrang epektibo na rin niya pagdating sa teknikalan at gaspangan. Dahil diyan, mas naging unpredictable na ang atake niya. Para ‘to sa kampeonato kaya malamang ay ibibigay niya ang lahat dito.

Walang duda na hanep din ang pinakita ni Invictus sa torneo. Pinatunayan niya na epektibo pa rin ang purong teknikalan niya na stilo habang mas bumabagsik pa ang kanyang multis at delivery. Siya yung tipong emcee na hindi kailangan mag-adjust ng sulat para manalo sa laban. Kaabang-abang ang mga materyal niya sa Ahon 14. Anuman ang maging resulta nito, mukhang instant classic ‘to. 

MZhayt vs Marshall Bonifacio
Kung ang usapan ay lirisismo, alam mong solb ka dito! Isa si Marshall Bonifacio sa may pinaka underrated na pen game sa liga pero ito na ang pagkakataon niyang mas umangat pa sa FlipTop. Kailangan  mas higitan pa niya yung performance niya nung Ahon 13 at iwasan niyang mag-choke o mag-stumble dito. Kapag preparado siya, may tsansang makakita tayo ng upset win!

Hindi basta-basta ang makakalaban ni Marshall. Katapat niya ang nag-iisang Isabuhay, Dos Por Dos, at Process of Illumination Champion sa FlipTop. Habang tumatagal ay mas lalo pang lumalakas ang mga bara pati presensya ni M Zhayt. Kaya niyang magpatawa at magteknikal at ramdam mo lagi ang intensity niya kapag nagtatanghal. Mukhang mas lulupitan pa niya sa Ahon 14. 

Lhipkram vs Goriong Talas
Napaka interesting na matchup ‘to! Oo, nababalot siya ng kontrobersiya, pero hindi natin maitatanggi na grabe ang improvement ni Lhipkram. Nananatiling solido ang kanyang multis at nadagdagan pa ‘to ng patok na komedya, unpredictable na teknikalan, at malinis na delivery. Kung usapang total package na emcee, tiyak na kabilang na si Lhipkram dun. Siguradong mas gagalingan pa niya sa Ahon 14.

Hindi pinalad si Goriong Talas sa Isabuhay nung nakaraang taon pero nakakabilib pa rin ang pinakita niya sa torneo. Makamandag pa rin ang kanyang malalalim na kataga at tumatagos lagi ang kanyang agresibong pagbigkas. Minsan ay bumabanat din siya ng konting komedya at pumapatok ang mga ‘to. Wag na kayo magulat kung may ipapakita siyang bago sa Ahon 14. Solidong laban ‘to!

Frooz vs Fukuda
Maaaring isa ito sa mga pinaka mahirap i-predict na laban sa Ahon 14. Lamang si Fukuda sa teknikal na sulatan at solidong agresyon habang si Frooz naman ang llamado sa balanse na stilo at mas malarong pagbigkas. Kaninong stilo kaya ang magwawagi? Ito yung laban na tiyak mahihirapan ang judges lalo na kung parehas pa silang tumodo. Huwag na huwag niyo tong tutulugan! Sa mga hurado, goodluck sa inyo!

Zend Luke vs Emar Industriya
Marami ang nag-aabang ng laban na ‘to. Bakit? Dahil sila ang kinikilalang pinaka matindi sa FlipTop ngayon pagdating sa leftfield o unorthodox na lirisismo. Maliban sa kakaiba at makabagbag-damdaming liriko, malaking banta din ang agresyon ng delivery nila. Medyo lamang si Zend Luke pagdating sa multis habang sa mga konsepto naman medyo nananaig si Emar. Humanda sa mabangis na duelo ng mga alagad ng sining.

Harlem vs Sur Henyo
Isa tong solido na matchup! Magtatapat ang dalawang emcee na magaling magbalanse ng stilo. Kaya nila Harlem at Sur Henyo makipag sabayan sa jokes, teknikalan, at todo personalan. Parehas pa silang may baon na matinding multis at kumpyansa. Ang mananalo sa battle na ‘to ay yung magpapakita ng pinaka mabisang well-roundedness. Mas lamang din ang emcee na magpapamalas ng bago at epektibong diskarte. Pwede maging battle of the night ‘to kung walang magpapabaya.

Batang Rebelde vs Castillo
Dalawang emcee na sobrang underrated pagdating sa sulat at presensya. Llamado si Batang Rebelde kung experience ang paguusapan pero syempre, wag niya mamaliitin si Castillo. Parehas silang galing sa talo kaya asahan niyo na mas gagalingan pa nila dito. Humanda sa umaatikabong mga wordplay, reference, katatawanan, at maaaring ilang mga brutal na bara. Siguradong maraming quotables ang mabubuo dito. Sana pagkatapos ay mas marami pang umunawa sa kanilang skills.

Onaks vs Kenzer
Beterano laban sa baguhan! Ibang klase ang improvement ni Onaks sa multis pati sa teknikal na bagsakan. Talo siya nung huli niyang laban kaya garantisadong gagawin niya ang lahat para makabawi sa Ahon 14. Galing naman sa panalo si Kenzer kaya malamang gusto niyang maranasan ‘to ulit! Tumatak agad ang polido niyang delivery at mabisang kombinasyon ng nakakatawa at seryosong mga linya. Maaaring maging dikdikan at entertaining na salpukan ‘to!

Class G vs 3RDY
Parehas nag-iwan ng marka sa eksena ng underground battle rap. Sila Class G at 3RDY ay mga kampeon sa liga na Motus at sa wakas, magtatapat na sila sa entablado ng FlipTop. Halos parehas sila ng atake: purong lirikalan na may malarong multis at sapat na agresyon. Kung hindi mo pa sila kilala, ang masasabi lang namin ay humanda sa posibleng pahabol na kandidato sa battle of the year. Huwag niyong mamaliitin ang mga ‘to!

Sickreto vs Murdz
Lirikal na galing Mindanao laban sa lirikal na galing Visayas. Ang pinagkaiba lang siguro nila sa pag-atake ay mas direkta si Sickreto habang mas malaro naman si Murdz. Anuman ang mangyari, siguradong matutuwa dito ang fans ng iba’t ibang tayutay at elemento ng battle rap. Parehas din silang may solidong delivery at asahan niyo na mas aangasan pa nila sa entablado ng Ahon. Wag magulat kung maging todo dikdikan ‘to!

Empithri vs RG
Magsisimula ang day two sa engkwentro ng dalawang bagong pasok sa FlipTop na may matinding pen game! Halos magkaparehas sila Empithri at RG sa diskarte sa laban. Kaya nilang magpatawa, magseryoso, at magpakitang gilas sa teknikal na stilo. Mas lamang nang onti si Empithri sa presensya pero wag niyang mamamliitin si RG dahil baka sa Ahon 14 na niya ibigay ang kanyang isang daang porsyento. Kung ito nga ang unang battle ng day two, mukhang magwawala na agad ang crowd.

READ ALSO: From A Fan’s Perspective: Ahon 2

1250 pesos ang halaga ng ticket sa bawat araw at may kasama pa itong dalawang libreng beer. Muli, limited lang ‘to at WALANG WALK-IN. Mag-PM na sa pahina ng liga sa Facebook para makabiili. Maaari rin kayong bumili ng tickets sa mga tindahan na ‘to: BranDead / HYPEBEAT, Black Manila, BAD Crib, at Meek and Chill. Nasa Facebook page nila ang kanilang mga address. Kung nakakuha ka na ng tickets, kita kits nalang tayo dun. Ahon 14, mag-ingay oh!

Related Topics:
Battle rap Ahon 14 Day 2 FlipTop


MORE FROM THE AUTHOR

READ NEXT