Pre-Event Reviews

Pre-event Review ng Ahon 14 (Day 1)

Ilang araw nalang at Ahon 14 na! Pagusapan natin ang mga laban sa day 1.

Anonymous Staff
December 05, 2023


Ang bilis ng panahon! Sa susunod na linggo ay gaganapin na ang ika-14 na kabanata ng Ahon. Kung sakaling hindi ka pa pamilyar dito, ang Ahon ay isa sa kinikilalang pinakamalaking FlipTop event ng taon. Opisyal na naging year-ender event ‘to nung 2014 at simula rin nun ay lagi nang dalawang araw ang okasyon na ‘to. Nagkaroon ng day 3 nung 2015 kung saan naglaban ang mga bagong pasok sa liga. 

Disyembre 15 at 16 ang petsa ng Ahon 14 at sa Tiu Theater sa Makati Central Square ulit ang venue nito. 24 na laban ang ating masasaksihan (12 kada araw). Sa ngayon ay pagusapan muna natin ang napakatinding lineup ng day 1. Wag na natin pahabain pa. Game na…

Smugglaz vs Charron
Sobrang unexpected na matchup pero siguradong entertaining ‘to! Sa mga hindi nakakakilala kay Charron, isa siyang sikat at respetadong battle emcee sa Canada. Pangalawang beses na niya lumaban sa FlipTop. Una ay sa Tectonics 2 kung saan nagtapat sila ni Zaito sa patok na “subtitle battle”. Armado si Charron ng solidong multis, wordplays, rhyme schemes, at rebuttals. Lagi din siyang preparado at may kumpyansa kapag lumalaban. 

Syempre, hinding hindi dapat tulugan ni Charron ang makakatapat niya: walang iba kundi si Smugglaz. 2016 pa yung huling duelo niya kaya talagang kaabang-abang ang kanyang pagbabalik. Maliban sa napaka bangis na flow, walang duda na grabe rin lagi ang presensya at letrahan ni Smugglaz. Kaya niyang makipagsabayan sa anumang stilo at mautak siya pagdating sa mga anggulo. Panalo tayong lahat dito. Subtitle battle nga ba ulit ‘to? Sa event na mismo natin malalaman.

Shernan vs Sak Maestro
Digmaan ng dalawang sikat na emcee pero magkaiba ang bagsakan. Si Shernan ay nakilala sa komedya at gimmicks pero kaya din makipagsabayan sa gaspangan habang si Sak naman ay ang isa sa mga pinaka malupit pagdating sa teknikalan at tugmaan. Mukhang seryosohan tong battle na ‘to at may posibilidad maging kasing tindi ng Shernan vs Sixth Threat nung Pakusganay 7.

Sana talaga ay handa dito si Sak Maestro at marami siyang ibabanat na panibagong mga konsepto at iskema. Alam naman natin na isa siyang seryosong banta kapag naghanda. Syempre, sana preparado din si Shernan at sana higitan pa niya yung pinakita niya nun sa Davao. Maaaring maging makasaysayan ‘to kung parehas silang magtotodo.

Pistolero vs J-Blaque
Laban ng dalawang Isabuhay Champion! Underrated pa rin si J-Blaque pero sana mas marami pang humanga sa kanya sa battle na ‘to. Hindi naman mapagkakaila na nakakabilib siya pagdating sa teknikalan at komedya at lagi rin nandun ang kumpyansa niya sa entablado. Kailangan paghandaan niya nang todo ang kalaban niya sa Ahon 14 dahil hindi lang ‘to kapwa kampeon, kundi isa sa pinaka well-rounded na emcee sa Pinas.

Walang duda na grabe yung nakaraang dalawang taon ni Pistolero. Maliban sa pagiging 2022 Isabuhay Champion, kitang kita din ang ebolusyon niya sa larangan ng battle rap. Mas lumakas pa siya mag-rebatt at mas lalo pa siyang naging epektibo pagdating sa pagdurog ng stilo at katauhan ng kalaban. Asahan niyo na totodohin niya din dito!

GL vs Plaridhel
Ito ay para sa fans ng purong lirikalan. Talo man siya sa semis ng 2023 Isabuhay, litaw na litaw pa rin ang improvement ni Plaridhel. Mas tumatama na ang kanyang mga suntok at mas naging agresibo na siya sa pagbigkas. Sa Ahon 14, kailangan niyang umabante muli pagdating sa lirisismo lalo na’t matindi ang kanyang makakalaban. Tingin namin ay kaya naman niya!

Hindi rin nagtagumpay si GL sa huli niyang duelo pero ganunpaman, marami pa ring humahanga sa kanyang stilo. Isa siya sa pinakamabagsik at kakaiba pagdating sa teknikal na mga bara at sobrang creative din niya bumuo ng mga anggulo. Sigurado gusto niyang bumawi sa Ahon 14 kaya kaabang-abang ang gagawin niya.

Jonas vs K-Ram
Kung merong todo teknikal na laban, syempre meron ding puno ng katatawanan! Kilala sila Jonas at K-Ram hindi lang sa kanilang komedya, kundi pati sa mga creative na konsepto nila sa laban. Dahil Ahon ‘to, garantisadong maghahanda sila at wag na kayo magulat kung magiging malakas ang reaksyon ng crowd. Asahan niyo rin na maraming linya dito ang tatatak sa madla sa matagal na panahon. Kailangan lang talaga nila maging preparado para maging entertaining ang battle.

Poison13 vs Asser
Posible tong maging battle of the night kung hindi magpapabaya ang dalawa. Maliban sa mababangis na rhyme schemes ay hindi rin magpagkakaila ang galing ni Poison13 sa teknikalan at personalan. Kalidad din ang pen game ni Asser at mas nagiging epektibo pa ‘to dahil sa polido niyang delivery at unpredictable na flow. Dikdikan ang inaasahan namin dito at tingin namin ay mabibigay naman nila ‘to! Goodluck sa mga hurado!

Zaki vs Manda Baliw
Gusto mo ba ng matinding style clash? Para sayo ‘to! Laban ng isang batikan sa jokes na si Manda Baliw at isang lirikal na emcee na si Zaki. Sa mga huling laban ni Manda Baliw ay bumabanat na rin siya ng seryosohang mga linya at tumatama ang mga ‘to. Kaya na rin magpatawa ni Zaki na hindi pinapabayaan ang agresibong delivery at teknikal na pen game niya. Malaki ang tsansa na makakakita tayo ng dikit na laban!

JDee vs Vitrum
Parehas nakilala sa kanilang creativity sa pagtanghal. Maganda ang pinakita ni Vitrum sa huli niyang laban kay Ruffian kahit talo siya. Nandun pa rin yung solidong presensya niya at mas naging epektibo pa lalo ang kakaiba niyang komedya. Hindi man siya pinalad sa 2023 Isabuhay, litaw pa rin ang galing ni JDee sa pagiging well-rounded. Maliban sa nakakasindak niyang delivery, nananatiling malakas ang kombinasyon niya ng katatawanan at lirikalan. Dikdikan ‘to!

Slockone vs Mastafeat
Humanda sa laughtrip na laban! Kilala sila Slockone at Mastafeat sa patok nilang jokes at kakaibang mga tema. Mukhang paghahandaan nila ‘to at posibleng magsingit din sila ng mga barang pang wasakan. Nagawa na ‘to ni Slockone nung nagtapat sila ni CNine sa Second Sight 11 at maraming bumilib. Makakaasa din tayo ng solidong rebuttals na magmamarka sa mga manonood. Huwag lang talaga silang magpapabaya dito! 

Sirdeo vs Bagsik
Galing si Bagsik sa pinakauna niyang panalo sa FlipTop kaya malamang ay gusto niya ulit sundan ‘to! Alam naman natin na mahusay siya sa personals pero maliban diyan, nakakabilib din ang paraan niya ng pagtugma. Malamang ang plano niya dito ay sirain ang pagkatao ng kalaban niya. Syempre, hindi basta-basta magpapadaig si Sirdeo. Galing din siya sa panalo at kita naman na gusto niyang bawiin yung ginawa niya sa Ahon 13. Posibleng magseryoso siya ulit dito pero hindi mawawala ang unorthodox jokes at gimmicks niya.

Prince Rhyme vs Ruffian
Kahit nabigo siya sa unang round ng 2023 Isabuhay, walang duda na ang laki ng inimprove ni Prince Rhyme. Mas delikado na ang kanyang pen game at mas naging polido ang kanyang tugmaan. Dahil Ahon ‘to, asahan niyong totodohin ulit niya. Unang taon palang ni Ruffian sa FlipTop pero tumatak na agad siya sa madla. Nagmarka ang kanyang mga wordplay, metapora, at punchlines at ramdam na ramdam ang kanyang agresyon sa bawat linya. Humanda sa isang lirkal na bakbakan!

CNine vs Karisma
Kung ito talaga ang unang laban ng gabi, mukhang sulit agad ang ticket! Lamang si CNine pagdating sa komedya at rebuttals habang sa teknikalan at personalan naman mas nananaig si Karisma. Ganunpaman, wag na tayong magugulat kung magpapakita sila ng bagong atake lalo na’t “total package” ang stilo nila. Unpredictable ang mangyayari dito pero kung parehas silang preparado, may potensyal maging kandidato ‘to para sa battle of the night. 

READ ALSO: Let’s Take It Back: The Very First Ahon Event

1250 pesos ang presyo ng ticket sa isang araw at may kasama tong dalawang libreng beer. Tandaan na limited lang ito at WALANG WALK-IN kaya bumili ka na. Mag-PM ka lang sa opisyal na pahina ng liga sa Facebook. May mga binebentang tickets din sa tindahan ng BranDead / HYPEBEAT, Black Manila, BAD Crib, at sa Meek and Chill. Para sa kanilang address, makikita niyo ‘to sa FB page nila. Para sa mga nakabili na, magkita-kita nalang tayo sa Disyembre 15 at 16. Ahon 14, mag-ingay! Abangan ang pre-event review ng day 2.

Related Topics:
Battle rap Ahon 14 Day 1 FlipTop


MORE FROM THE AUTHOR

READ NEXT