Pagkatapos ng apat na taon, magkaka Mindfields na ulit sa Metro Manila. Eto ang ilang mga detalye!
Sa wakas! Meron na ulit Mindfields sa Metro Manila. Para muna sa mga hindi pamilyar sa event na ‘to, nagsimula ‘to bandang Hunyo ng 2010. Bagama’t may ilang mga okasyon na may freestyle battles, mas hangarin ng Mindfields ang ipresenta ang musika ng hip-hop. Samu’t saring mga solo artists at grupo na ang nakapag-tanghal dito at hindi lang mga emcee na kasali sa FlipTop. Hindi nagtagal ay umabot na rin ‘to sa iba’t ibang parte ng bansa.
Pinakahuling Mindfields na ginanap sa Metro Manila na may audience ay nung ika-10 ng Setyembre 2019 pa. Syempre, may balak ang liga na mag-organisa ng mga event sa susunod na taon pero alam naman natin na sinalakay tayo ng COVID. Nagbalik ito nung ika-13 ng Mayo 2022 sa Cebu, isang gabi bago ang Gubat 10.
Makalipas ang apat na taon ay magkaka Mindfields na ulit sa Metro Manila! Ito ay gaganapin sa ika-17 ng Nobyembre 2023 sa 88Fryer sa Timog, Quezon City. 250 pesos ang entrance at may kasama pang isang libreng beer. Para naman sa lineup, sinong hindi mabubusog sa hip-hoppan dito? Sulit na sulit ang bayad mo diyan!
Mapapanood niyo ang mga aktibong bigatin sa FlipTop na sina Pistolero, M Zhayt, Mhot, K-Ram, at Apoc pati si KJah na nag-iwan din ng marka sa liga nung 2010-2012. Tutugtog din ang isa pang emcee ng Uprising na si Kensa, ang alamat na DJ na si Supreme Fest, at ang grupong mula QC na 1109.Meron pang open mic cypher kaya sa mga rapper dyan, mapa beterano o baguhan, pwedeng pwede kayo magpamalas ng mga bara niyo! Oh, pano? Magkita-kits nalang tayo dito sa Biyernes!