Pre-Event Reviews

Pre-event Review ng Bwelta Balentong 10

Ika-sampung kabanata na ng Bwelta Balentong! Ating I-rebyu ang matitinding battles na magaganap.

Anonymous Staff
September 27, 2023


Isang linggo pagkatapos ang garantisadong makasaysayan na event sa Cebu ay babalik ulit ang liga sa Metro Manila para sa ika-sampung kabanata ng Bwelta Balentong. Kung matanggal ka nang fan ng FlipTop, alam mo na maraming mga matitinding sagupaan ang naganap sa event na ‘to. Ganyan din kaya ngayong taon? Kung titignan mo ang lineup, mukhang posibleng posible yan!

Ikapito ng Oktubre 2023 ang petsa at ito’y mangyayari ulit sa Tiu Theater sa Makati Central Square. Maliban sa Isabuhay semis ay talagang kaabang abang din ang pitong non-tournament battles. Tiyak na lirikalan, tawanan, personalan, at wasakan ang makikita natin dito. May ilang araw pa bago ng paligsahan kaya tignan muna natin ang matchups…

Hazky vs Plaridhel
Ang huling laban para sa 2023 Isabuhay Tournament. Gaya ng mga huling laban sa torneo, napaka unpredictable din nito. Hindi mapagkakaila na si Plaridhel ang isa sa pinaka nag-improve sa liga ngayong taon. Mas lalo pang tumindi ang mga sulat niya at mas ramdam na ang kumpyansa niya sa pagtanghal. Beterano ang makakatapat niya kaya dapat ay todohin niya dito.

Ibang klase ang pinakita ni Hazky sa torneo na ‘to. Oo, bentang benta ang kanyang komedya pero grabe rin siya kapag nag-seryoso. Asahan natin na mas lulupitan pa niya sa semis. Lamang pa rin siya kung presensya ang usapan pero syempre, huwag natin mamaliitin ang kalaban niya. Kung parehas silang handa, matik na classic ‘to. 

GL vs Lhipkram
Ang co-main event ng gabi! Ibang klase yung pinakita ni GL nung 2022 kaya mataas ang ekspektasyon ng tao sa pagbabalik niya sa battle rap ngayong taon. Llamado siya pagdating sa purong teknikalan at kakaibang mga anggulo at alam naman natin na lagi siyang handa kapag sumasabak sa entablado. Nakakaexcite masaksihan ang mga gagawin niya sa labang ‘to.

Lamang naman si Lhipkram sa patok na jokes at agresyon. Huwag din natin maliitin ang kakayahan niya sa mga wordplay at metapora. Kapag preparado siya, humanda sa isang solidong performance. May tsansa na maging battle of the night o baka battle of the year ‘to lalo na kung isang daang porsyento ang ibibigay ng dalawang emcee.

J-King vs Sirdeo
Mahirap sabihin kung ano ang saktong mangyayari dito pero sigurado na maraming mga bara at gimmick na magpapatawa at/o manggugulat satin. Magaling sa pag-balanse ng nakakatawa at pang gasapangan na mga linya si J-King at malamang ay ipapamalas niya rin yan dito. Pagdating naman sa “theatrics” at kakaibang komedya, si Sirdeo ang mahusay diyan. Malamang ay mababanggit dito ang nangyari sa Ahon 13. Ano kaya ang mga atake nila? Sa Bwelta Balentong 10 natin malalaman yan.

Batang Rebelde vs Manda Baliw
Hanep na matchup ‘to! Sa Zoning 16, oo, patok pa rin ang jokes ni Manda Baliw pero bumitaw din siya ng ilang mga malulupit na barang teknikal. Kailangan niya panatilihing epektibo ang ganitong balanse na stilo dahil ganyan umatake ang kalaban niya. Walang kupas si Batang Rebelde sa paghalo ng bars at jokes at mas polido na ang delivery niya ngayon. Wag na tayong magulat kung maging todo dikdikan ang battle na ‘to.

C-Quence vs Zaki
Ito ang pinaka posibleng maging dikit na laban. Halos pantay lang sila C-Quence at Zaki pagdating sa content. Well-rounded ang mga sulat nila at kadalasan ay mabisa ang kanilang rebuttals. Nagkakaiba lang talaga sila sa delivery. Si Zaki yung mas agresibo habang kalmado naman bumitaw si C-Quence. Hindi malabong maging kandidato ‘to para sa battle of the night kung totodohin nila at magpapakita ng mga bagong atake.

Vitrum vs Ruffian
Interesting na matchup! Hindi man nagwagi si Vitrum nung huli ay madami pa rin humanga sa kanya dahil sa kanyang kakaibang teknikal na istilo at kumpyansa sa pagbuga. Nakakapag jokes na din siya at madalas ay benta ang mga ‘to. Galing din sa talo si Ruffian pero tulad ni Vitrum ay nakuha pa rin niya ang respeto ng battle rap fans. Malaking banta hindi lang ang kanyang pen game kundi pati ang kanyang presensya. Bakbakan ‘tong battle na ‘to walang duda!

Emar Industriya vs Class G
Maaaring sabihin na style clash ito. Bagama’t parehas silang marahas umatake, magkaiba pa rin sila ng pamamaraan. Mas direkta at “ma-punchline” si Class G habang sa leftfield at mala spoken word na stilo naman nakatutok si Emar Industriya. Sa delivery at kumpyansa naman, parehas silang solido at nakakasindak. Ramdam mo ang bawat linya nila kapag silang bumubuga. Goodluck nalang sa mga hurado lalo na kung parehas A-game ang ipapakita nila. 

Bagsik vs Karisma
Kung ito nga ang unang battle ng gabi, aba matindi ‘to! Wala pang panalo si Bagsik sa liga pero hindi maitatanggi na laging kalidad ang pinapakita niya. Polido ang kanyang multis, malinaw ang delivery, at masakit ang mga binabato niyang bara. Nakuha ni Karisma ang unang panalo niya nung Zoning 16 at walang duda na ang lupit na pinamalas niya dun. Mas lumakas ang kanyang presensya at ramdam mo ang impact ng bawat suntok. Mukhang todo letrahan at sakitan ng damdamin ‘to! 

READ ALSO: 8 Best Bwelta Balentong Battles

Para sa tickets, 600 pesos ang presyo ng pre-sale habang 800 naman para sa walk-in. Parehas may kasamang isang libreng beer. Kung nais mong kumuha ng pre-sale, mag-PM ka lang sa opisyal na pahina ng FlipTop sa Facebook. Abangan niyo rin diyan ang mga detalye tungkol sa mga tindahan na magbebenta. Pano? Magkita-kita nalang tayo sa Bwelta Balentong 10, ha? FlipTop, mag-ingay!



MORE FROM THE AUTHOR

READ NEXT