Ano balita sa nakaraang Won Minutes Luzon event? Basahin natin ang kwento ng isang fan.
Introduction:
Unang event ko ‘to na pinanood live pagkatapos ng Ahon 14. Ngayon lang kasi medyo lumuwag ulit ang sked at isa ako sa mga natuwa sa nakaraang events ng Won Minutes Luzon at Visayas. Ang daming bagong emcees na sigurado akong magiging idolo din ng karamihan pag mas pumutok pa ang pangalan. May ilan na din na sumabak na sa main stage at ayon sa mga fans na nakapanood ay hanep daw ang pinakita nila. Excited na ako mapanood sa video ang mga yan!
Ayun, nung Sabado ginanap yung Won Minutes Luzon 3 at pumunta ako dun kasama ang 3 kong tropa na matagal na ding taga hanga ng battle rap. Kagaya ko, inaabangan din nila ang mga susunod na haligi ng FlipTop. Maaga kaming nakarating at swerte namin dahil nagkaroon kami ng oportunidad makipag picture at konting kwentuhan sa emcees. Hindi rin kami nainip dahil nandun naman si Supreme Fist nagpapatugtog ng mga solidong hip-hop. Nagsimula ng bandang alas nuebe ang programa.
Best battles:
Eto yung battles na tingin namin ng tropa ay dikdikan talaga. Ibig sabihin nito ay malakas yung pinakita ng dalawang emcees at walang na-bodybag. Sa totoo lang, lahat naman ng laban sa lineup ay nagustuhan namin. Walang tapon seryoso pero eto yung mga masasabi naming nagmarka samin agad. Simulan natin sa Sensei vs Blizzard. Mas sa komedya naka sentro yung duelong ‘to pero kakaiba yung pinamalas nila at litaw na litaw ang kanilang rap skills. Hindi na kami magugulat kung isa ito sa pinaka trending sa lineup pag nilabas na sa YouTube. Siguradong tatatak din sa marami yung Tulala vs Crispy Fetus. Halong komedya at leftfield na stilo ang pinamalas nila at makikita mo talaga yung kanilang creativity hanggang sa pinakahuling bara.
Fans kami ng purong lirikalan at yun ang nasaksihan namin sa Atoms vs Catriyu. Maliban sa solidong teknikalan, ang dami naming narinig na masasakit na linya. Grabe yung palitan at kahit may konting stumble yung isang rapper ay hindi ‘to masyado nakaapekto sa kalidad ng laban. Oo, “smurf account” battle yung Freak Sanchez vs Ghostly at para iwas spoiler ay hindi nalang namin sasabihin kung sino sila. Ang masasabi lang namin ay parehas silang tumodo dito! Salpukan ng teknikal pati mga brutal na linya mula una hanggang ikatlong round. Abangan niyo yan!
Best performances:
Punta naman tayo sa indibidwal na performances na hanggang ngayon ay pinaguusapan pa rin namin. Sobrang nakabawi si Hempphil sa pagkatalo niya sa Won Minutes Luzon 2. Ibang klaseng lirisismo at agresyon yung pinakita niya dito. Nagimprove siya sa lahat ng aspeto at masasabi naming handa na siya sa main stage. Unang round palang ni Val ay makikita mo na agad na iba yung stilo niya. Meron siyang sariling flow at malupit yung pagbalanse niya ng mga konsepto. Konting hasa pa sa delivery at garantisadong magiging banta siya sa liga.
Conclusion:
Sulit ang pagpunta namin sa Won Minutes Luzon 3. Ang ganda ng battles at masaya kami dahil nakilala namin ang bagong henerasyon ng FlipTop. Syempre, hindi rin namin malillimutan yung surpresa sa Freak Sanchez vs Ghostly. Marami din kaming nakilalang bagong kaibigan at gumawa na kami ng GC para sa susunod na event ay sabay-sabay na kaming pupunta. Kaya kung hanggang ngayon ay pinagiisipan mo pa rin kung dapat bang manood ka nang live, ang masasabi lang namin ay isang malakas na OO! Shout outs din nga pala sa venue na 88 FRYER. Ang sarap ng foodtrip niyo! Sa sisig at dinemonyong manok palang sulit na. Hanggang sa muli!