Ibinihagi ng isang FlipTop fan ang kanyang karanasan sa Zoning 15.
Hindi ko itatanggi na nung unang nakita ko yung poster ng Zoning 15 ay hindi ako masyadong nanabik. Wala yung emcees na inaabangan ko at handa na yung utak at katawan ko para sa Ahon. Pinilit lang ako ng isang tropa kaya pumunta ako. Salamat ulit tol dahil nilibre mo ako ng ticket haha! Lima kaming pumunta at nung nasa bus palang kami ay nakaramdam pa rin ako ng konting excitement. Syempre, FlipTop pa rin ‘to. Ilang beses na akong nakapunta sa events ng liga at masaya naman ang ala-ala ko sa lahat.
Nakarating kami sa Tiu Theater bandang alas syete ng gabi. Una naming napansin ay walang pila sa labas. Kadalasan kasi ay may makikita ka agad na mahabang pila pag dating mo ng venue. Pag pasok namin ay konti lang talaga ang tao. Tancha namin mga nasa 150-200 ang dumating. Imbis na sa entablado, ginawa nalang pit style ang mga laban. Natuwa ako dito dahil parang bumalik ako sa taong 2010 kung saan nagsisimula palang ang FlipTop. Sa YouTube palang ako nanonood nun at kadalasan ng mga event ay puro pit style o yung nakapalibot yung crowd sa emcees na naglalaban. Ang saya dahil magkakaroon ako ng pagkakataong maranasan yun ngayong 2022.
Tulad ng mga naunang piyesa dito tungkol sa mga event, hindi ko na paguusapan lahat ng battle. Ibabahagi ko nalang yung mga tumatak para sakin. Kung performances ang paguusapan, sila Plaridhel, Marshall Bonifacio, at K-Ram ang pinaka nagmarka. Hindi pinalad si Plaridhel pero siguradong may mga ilan na hindi sasang ayon sa resulta at isa na ako doon. Mas polido na ang sulat ni Plaridhel dito at mas epektibo na din ang pag balanse niya ng katatawanan at teknikalan. Kung natuwa kayo sa dati niyang mga laban, pwes, mas magugustuhan niyo ang pinakita niya dito. Ganunpaman, respeto pa rin sa naging desisyon ng mga hurado. Hindi naman mapagkakaila na malakas talaga ang stage presence ni Mastafeat at benta ang bawat joke niya.
Matagal na akong bilib kay Marshall Bonifacio. Simula nung binodybag niya si Chaliz ay lehitimong taga hanga na niya ako. Medyo lumaylay siya sa mga huling duelo niya pero walang duda na nakabawi siya sa Zoning 15. Nandun na ulit yung solidong agresyon niya at nag-improve pa lalo ang kanyang pen game at pagbuo ng anggulo. Ito yung Marshall na napanood ko nung 2017-2018! Si K-Ram naman ay galing sa sunod-sunod na talo kaya damang dama mo sa gabing ‘to yung determinasyon niyang magwagi. A-game ang pinakita niya sa laban. Patok ang kanyang komedya at masakit ang bawat punchline na binato. Malakas talaga si K-Ram kapag hindi nag-chochoke at pinatunayan niya yun dito.
2-on-2 ang nangyari sa surprise freestyle battle. Iwas spoiler ako kaya hindi ko sasabihin kung sino yung mga sumali. Ang masasabi ko lang ay napaka entertaining ng laban. Kung fan ka ng mga unang comedy battle sa FlipTop, magugustuhan mo ‘to sigurado. Meron din nag-cameo mula sa ibang liga. Nakakagulat at nakakatrauma yung ginawa niya haha! Nagustuhan ko din naman yung ibang laban. Sa totoo lang, walang battle na malamya. Nakuha ng lahat ang atensyon ko pati ng buong crowd at mas naramdaman ko yung diin ng mga bara. Yan ang maganda kapag pit style ang setting.
Hanep eh noh? Nagsimula akong hindi fan ng lineup pero pagtapos ng event ay halos tatlong oras naming pinagusapan ng tropa ang mga nangyari. Kaya madami nagsasabi na iba pa rin talaga pag live kasi totoo nga! Maliban sa mas mauunawaan mo yung mga battle ay magkakaroon ka pa ng tsansang makihalubilo sa emcees. Merong ilan na naka-apiran ko. Solid kayo mga tol! Maraming salamat din syempre kay Anygma at sa buong staff ng liga para sa isa nanamang makasaysayan na gabi. Maaasahan niyo kami ulit sa Ahon!