First time manood nitong fan nang live. Ating basahin ang kwento ng karanasan niya sa Bwelta Balentong 11.
(Galing sa Facebook post ni Anygma yung litrato sa taas)
Unang beses namin manood live nung Bwelta Balentong 11. Kasama ko yung dalawang barkada ko na mahilig din sa battle rap. Matagal na kaming fan pero hindi lang talaga kami makapunta sa events dati dahil bata pa kami. Balak sana namin nung 2020 dahil dun na kami nakapagtapos ng senior high pero alam naman natin yung nangyari nun. Sinira ng COVID yung plano namin. Nung natapos na yung mga lockdown ay tumutok muna kami sa kolehiyo. Nung nakita na namin yung poster ng Bwelta Balentong 11, dun na namin napagkasunduan na pumunta. Nag-PM agad kami sa FB page ng liga at sumagot naman sila agad. Ngayon, kumusta nga ba yung experience namin sa event?
Kapag sinasabi nilang “iba talaga pag live”, totoong totoo yun. Pagpasok palang namin ng Metrotent Convention Center ay napangiti na agad kami. VIP yung ticket namin kaya mas malapit kami sa stage. Ang ganda ng set up parang music festival yung dating. May mga LCD screens pa kung san mapapanood mo din yung battles kaya walang problema kahit malayo ka sa entablado. Hindi rin gaano kainit kahit siksikan dahil sa dami ng aircon. Nagsimula yung programa ng 5PM at nag-ingay na kami lahat nung lumabas na si Anygma. Oo, ganun kami ka-excited lahat. Pinaliwanag niya ang mga patakaran ng event at hinype yung mga parating na laban.
Akala namin nung una na dahil siguro fist time lang namin pero nagtanong kami sa mga nakilala namin sa crowd at sangayon din sila na lahat ng laban ay maganda. Unang battle palang ay namangha na agad kami. Sa jokes nakasentro yung Don Rafael vs Keelan pero hanep yung paraan nila ng tugmaan at kakaiba ang mga binatong konsepto. Tingin namin ay magviviral ‘to. Nakakatuwa yung Dos Por Dos matchup ng pares nila Caspher at Hespero laban kayla Kenzer at Mimack. Parehas may chemistry at parehas bumanat ng creative na jokes at mabibigat na bars. Inanunsyo ni Anygma pagkatapos nito ang pagbabalik ng Dos Por Dos Tournament. Excited na kami! Sa mga hindi nakakaalam ng bracket, pinost na nila ‘to sa social media. Sa mga bagong emcees nakatutok ang torneo upang mas lalo pa silang mabigyan ng exposure. Tingin namin ay totodo sila lahat dito. Goodluck sa lahat ng mga kasali!
Maraming benta na jokes sa Manda Baliw vs Katana pero gulat din kami dahil hinaluan nila ‘to ng teknikalan at konting personalan. Madaming haymaker ang dalawang emcee at kitang kita ang kumpyansa sa pagtanghal. Abangan niyo ‘to sa video. Ganyan din ang nangyari sa Hazky vs CripLi. Epektibo ang baon nilang mga linya at ramdam na ramdam ang malakas nilang presensya. Sayang lang may nag-stumble na isang emcee pero ganunpaman, sobrang entertaining na matchup ‘to. Style clash naman yung nangyari sa M Zhayt vs Zend Luke. Bumalik sa well-rounded pen game si M Zhayt habang patuloy na nirepresenta ni Zend Luke ang leftfield na stilo niya. Maliban sa mga linya, grabe yung mga rhyme schemes at agresyon nila. Klaro man yung nanalo dito, saludo pa rin sa performance ng dalawa.
Sa Bwelta Balentong 11 ginanap ang semifinals ng Isabuhay. Kadalasan ay pukpukan ang semis at ganyan din ang nasaksihan namin dito. May nagchoke sa round 1 ng SlockOne vs Vitrum pero nakabawai naman siya. Parehas nagpamalas ng patok na komedya, brutal na personals, at matinding teknikalan. Malinaw kung sino panalo dito pero solido pa rin yung materyal nug natalo. Sadyang mas grabe lang talaga overall yung pinakita ng nagwagi. GL vs EJ Power yung masasabi namin na bakbakan mula umpisa hanggang dulo. Ito yung sinasabi ni Anygma na panalo tayo lahat. Parehas naka A-game at parehas may pinakitang bago pagdating sa anggulo at letrahan. Siguro binase nalang sa maikling stumble yung resulta. Ganun kadikit yung laban! Para samin, masaya kami kahit sino manalo sa kanila. Makasaysayang semis ‘to walang duda.
Sa main event na tayo. Ito ang digmaan ng dalawang most viewed battle emcees sa buong mundo! Kung hater ka nila o di mo lang trip yung mga pinakita nila dati, tiyak na magbabago pananaw mo dito. Ibang lebel hindi lang yung mga berso kundi yung buong performance nila. Mararamdaman mo talaga yung enerhiya nila sa bawat bitaw ng linya. Pagdating sa lirisismo, itong battle na ‘to ay may napakahusay na paghalo ng kwelang komedya at mararahas na linya. Parehas din nagpamalas ng kalidad na mga skema na tugmaan.
10PM natapos ang event at madaming nagulat dahil dati daw ay mga 12MN o kaya madaling araw na nagwawakas ang programa. Swerte namin at nakapagpicture pa kami sa ilang emcees kasama na dun si Anygma. Ang bait pala nila lahat! Ang saya din dahil ang dami naming nakilala at napagkasunduan namin na sa mga susunod na event ay sabay-sabay na kami pupunta. Oo, sobrang saya ng gabi na ‘to kaya sa mga hindi pa nakakaexperience ng live, wag na kayong magdalawang-isip pa. Sobrang sulit! Maraming, maraming salamat sa FlipTop staff at syempre sa mga emcees para sa hindi malilimutan na karanasan. Susubukan namin bumisita din sa Second Sight 13.