General

Pinoy Hip-hop Releases Nung 2018

Walang makakatanggi na patuloy na lumalakas ang Pinoy hip-hop. Maliban sa mga malulupit na battle at event, prueba rin ang sunod-sunod na proyekto na nilabas ng mga artist. Balikan natin ang mga album, mixtape, at EP na nambulabog sa eksena nung 2018.

Ned Castro
March 11, 2022


   Gaano nga ba kalakas ang Pinoy hip-hop nung taong 2018? Ito ang prueba! Balikan natin ang mga solidong proyekto ng mga emcees sa taong ito. May iba’t ibang tunog, pero bawat isa ay nag-iwan ng marka sa eksena. Para naman sa mga hindi pamilyar sa local na hip-hop, bigyan niyo ng tsansa ang mga ‘to. Baka matripan niyo rin! 

Lexus – “Paglaya”

   Mas naging personal si Lexus sa kanyang unang album. Nakakapanibago ‘to dahil nakilala ang kanyang grupong Owfuck sa mga pang hype na kanta. Tinalakay niya dito ang iba’t ibang pag-subok na narasanan niya sa buhay at kung pano siya nakabangon mula dito. Nag-eksperimento rin siya sa mga beat. Kung  dati ay madalas siyang bumanat sa Trap na tunog, pinatunayan niya sa “Paglaya” na kayang kaya din niya sa boom bap. Mapapakinggang nang buo ang album sa Spotify.

Freek – “I'm Freek”

   Sobrang aktibo talaga ng Mula Etivac ngayon. Maliban sa mga sunod-sunod na solidong events, marami rin sa kanila ang nakapaglabas ng mga single, EP, at mixtape. Isa si Freek sa nag-release ng mixtape ngayong 2018. Ito ay pinamagataang “I’m Freek”, at walang duda na ito ay garantisadong classic.

   Mapa Hardcore o love rap, pinakita ni Freek kung gaano siya katindi mag-sulat. Walang duda na gamay niya ang teknikal na istilo. Tumatak din ang matinik niyang flow at delivery. Mabibili niyo ang “I’m Freek” sa mga gig niya o pwede rin kayo mag-pm sa kanyang pahina sa Facebook

DB – “Aether”

   Sa kanyang debut EP na “Aether”, pinatunayan ni DB na isa siya sa pinaka malakas na femcee sa bansa. Limang kanta lang, pero busog ka na sa makabagbag-damdaming lirisismo niya. May mga kantang hardcore at meron din personal na tema. Lalo pang gumanda ang mga awitin dahil sa mga napiling producer. Trap man o boom bap, mapapa tango ka sa lupit ng beats. Sa Bandcamp at Spotify niyo pwedeng i-soundtrip ang EP na ‘to. 

Abra – “Hendrix EP”

   Kakaiba ang “Hendrix EP” ni Abra dahil ito ay mula sa pananaw ng kanyang karakter sa pelikulang “Respeto”. Ganunpaman, litaw pa rin dito ang signature multi syllabic rhyming niya. Halo-halo din ang mga tema ng kanta. Merong love song, kayle rap, at isang solidong diss sa isang kalaban niya. Maliban sa Spotify, inupload rin ang buong EP sa YouTube.  

Kemikal Ali x Arbie Won – “Bukas Uulan ng mga Bara”

   Dalawang beterano sa laro ang nag-sama para sa album na ‘to. Matagal nang kilala si Kemikal Ali bilang isa sa mga nag-simulang bumanat ng multis, at mas umangat pa ang lirisismo niya dito. Si Arbie Won naman ay patuloy sa pag-gawa ng mga napaka lupit na beats. Unang beses niya sinubukan mag-Trap sa ilang mga kanta, at astig pa rin ang kinalabasan. Mag-PM lang kayo sa FB page ng Uprising kung gusto niyo ng pisikal na kopya.  

Dhictah x KMG – “Lalim at Karimlam”

   Nagsanib pwersa si Dhictah na taga Dubai na ngayon at si KMG ng Bicol para mag-bigay sa inyo ng matinding hip-hop. Maliban sa mga mabangis na istilong hardcore, nag-alay din si Dhictah ng ilang mga kanta tungkol sa mga nararanasan niya sa ibang bansa. Siguradong maraming OFW ang makaka relate sa mga awiting ito.

   Matagal nang hinahanggan ang mga beat ni KMG sa underground, pero malaki ang posibilidad na mas makikilala pa siya dito. Swak ang mga nabuo niyang tunog sa bawat tema, at nag-eksperimento din siya. Mag-padala lang ng mensahe sa Uprising FB page para sa detalye kung paano bumili ng pisikal na kopya.

Kregga – “Karo'Mata Epe”

   Mula ulit sa kolektibo ng Uprising, ito ang unang EP ng CDO emcee na si Kregga. Kung malalim ang mga binabanat niya sa mga battle, ganun din ang maririnig mo dito. Garantisadong hahanga ka sa kakaibang mga linya ni Kregga habang tumatango sa mga matitindi na beat. Hindi rin pang karaniwan ang mga konsepto ng bawat awitin ng “Karo’Mata Epe”. Gaya ng dalawang album sa taas, mag-message ka lang sa pahina ng Uprising para makakuha ng CD nito. 

M Zhayt – “Moderno”

   Hindi lang sa battle, kundi sa music din aktibo tong si M Zhayt. Sa album niyang “Moderno”, sumabay siya sa popular na istilo ngayon, at maganda ang kinalabasan. Maliban sa pag-rap, pinakita rin niya dito ang galing niya sa R&B. Swabe ang mga beat sa album, kaya tiyak na marerelax ka kapag pinakinggan mo ‘to. Spatan niyo ang “Moderno” sa Spotify o mag-pm sa FB page ni M Zhayt para sa pisikal na kopya.

Calix – “Ikugan”

   Mas trip mo ba ang agresibong hip-hop? Pwes, para sayo ang “Ikugan”. Pangatlong album na ‘to ni Calix, at ito na siguro ang pinaka personal na proyekto niya. Nilabas niya ang kanyang galit sa kamalian ng pulitiko at relihiyon pati na rin sa mga pekeng kaibigan. Maliban dyan, meron ding mga awiting tungkol sa problema niya sa relasyon. Samu’t saring istilo ng beatmaking ang ginamit dito, kaya hindi ka mag-sasawa sa pakikinig. 

Rayneman – “Ordinary Lives”

   Kung purong English rap naman ang hilig mo, nasa Bandcamp ang debut album ni Rayneman na “Ordinary Lives”. Si Rayneman ay galing sa grupong Writers’ Block, at nakilala siya sa complex niyang mga rima at tema. Sa album na ‘to, makikita mo ang makulay na mundo ng mga taong inaakala mo ay ordinaryo. Nag-rap siya mula sa sariling niyang pananaw pati na rin ng iba. Mas lalo pang lumupit ang album dahil sa mga beat at guest na napili. 

Writers’ Block Mindanao – “Mind the Now”

   Nag-sama sama ang mga miyembro ng Writers’ Block Mindanao para sa proyekto na ‘to. Samu’t saring klase ng hip-hop ang maririnig mo dito.  Merong Horrorcore, positibo, leftfield, hardcore, at iba pa. Ganun din pag-dating sa beats. Ano man ang trip mong tugtugin, siguradong maririnig mo ‘to sa “Mind the Now”. Patunay ito na sobrang lakas din ng eksena sa Mindanao. 

Skarm – “Carpe Diem”

   Hindi na aktibo si Skarm sa battle, pero napapa bilib pa rin niya ang mga tao sa kanyang musika. “Carpie Diem” ang pinakabago niyang album, at walang kupas pa rin ang istilo niya. Ipinamalas niya dito ang kanyang mga intricate na rima at konsepto pati mga mahusay niyang tunog na naiimpluwensyahan ng stilong dekada nobenta. 

Rudic – “Adikblues”

   Maliban sa mga duelo niya sa FlipTop, nagpapamalas din si Rudic ng talento sa mga kanta. Mapapakinggan ang kanyang mga obra sa EP niyang “Adikblues”. Halong lirikalan at personal na awitin ang maaasahan mo dito. Kitang kita ang pag-angat ni Rudic pag-dating sa sulatan. Hindi ka rin magsisisi sa mga beat mula sa iba’t ibang mga producer. 

Bawal Clan – “Paid in Bawal”

   Pangpa-hype ba ang gusto mo? Ito ang album na para sayo. Buong pwersa ang grupong Bawal Clan sa album na ‘to, at bawat miyembro ay nagkaroon ng pagkakataon ipakita ang galing sa mikropono. Siguradong papatok din ang mga Trap at boom bap na beat. Karamihan ng mga kanta dito ay pang wasakan, pero meron ding mga swabeng R&B na tunog. 

Because – “Heartbreak SZN”

   Kung Trapsoul ang usapan, si Because ang madalas nangunguna sa listahan. Ngayong taon, nilabas na niya ang kauna unahan niyang album na pinamagataang “Heartbreak SZN”. Hindi lang siya nag-rap dito. Pinakita rin niya ang kanyang galing sa pag-kanta ng R&B. Mapapakalma ka naman ng mga beat na bagay na bagay sa tema ng bawat kanta. 

Peaceful Gemini – “Middle of Nowhere”

   Isa pang femcee ang nagpakita ng galing ngayong taon. Ang debut album ni Peaceful Gemini ay mapapakinggan sa YouTube, at bawat awitin ay may positibo na tema. Kahit mas hilig mo ang hardcore na banatan, bibilib ka pa rin sa flow at mga bara ni Peaceful Gemini. Hindi rin mapagkakaila na solidng boom bap ang mga beat dito. 

Gold Souls – “Alibi”

   Ang Gold Souls ay pinamumunuan nila Kawika Godwit at Gorilla Weird, dalawang miyembro ng grupong GSM. Kung nakilala ang GSM sa mga mala Punk Rock na awitin, tumutok naman ang Gold Souls sa mas personal at spiritual na mga kanta. Gamit ang iba’t ibang malulupit na beat, bumitaw sila ng mga linya na garantisadong tatatak sayo. Mabibili mo ang CD na ‘to sa mga gig nila o sa kanilang Facebook account.

   Itong album ay alay nila kay Alibi, isang tropa nila na napatay nung 2017. Hindi pa rin nahuhuli ang mga may salarin hanggang ngayon. Kung meron man kayong impormasyon, maari niyong ipaalam sa pahina na ‘to. Rest in peace ulit sayo, Alibi! Makakamit mo ang hustisya baling araw. 

Ejac – “Ritwal”

   Hindi lang si Freek at DB ang nagpakitang gilas sa Mula Etivac sa 2018. Nag-labas rin si Ejac ng kanyang solo EP na nag-ngangalang “Ritwal”. Mula sa pag-pili ng tema hanggang sa pag-akda ng mga linya, kitang kita dito ang improvement niya. Maganda rin ang mga beat na may halong makabago at makaluma na istilo. 

Crispy Fetus – “Kabihasnan”

   Halong horrorcore at leftfield naman ang binigay satin ni Crispy Fetus sa EP niyang “Kabihasnan”. Hindi lang madudugong linya ang binanat niya dito. Bumitaw din siya ng madilim na komedya, at naging epektibo ito.  Sinabi na namin sa aming review na ang proyektong ‘to ay hindi para sa lahat, pero kung bukas ang isipan mo sa talagang kakaibang hip-hop, i-play mo na ‘to sa Bandcamp o Spotify. Kung usapang beats, meron dito para sa mga maka luma at mga mas new school.

   Ang saya, diba? Ramdam na ramdam ang dedikasyon ng mga hip-hop artist sa Pinas nung 2018 hanggang ngayon. Hindi rin kami magugulat kung hindi kumpleto ang listahan na ‘to. Meron ba kaming nakalimutan banggitin? Sabihin niyo lang sa comment section. Siguradong mas madami pa tayong maririnig sa 2022.



MORE FROM THE AUTHOR

READ NEXT