Kulang ang isang piyesa para talakayin ang mga maling akala tungkol sa liga. Kaya gumawa kami ng kasunod upang mas lalong maliwanagan ang mga manonood, lalo na yung mga nagsisimula palang.
Nung nakaraang taon ay nag-labas kami ng piyesa tungkol sa mga maling akala sa FlipTop. Kulang pa yun, kaya naisip naming gumawa ulit ngayon ng pangalawang kabanata. Eto ang pitong karagdagang bagay na tingin ng karamihan ay katotohanan, pero hindi pala. Ang layunin nito ay mulatin ang mga taga hanga sa galawan hindi lang ng liga, kundi pati mga battle emcee. Basahin, unawain, at ipasa sa mga kapwa manonood.
7. Basta “real talk”, totoo na
Hanggang ngayon, marami pa rin ang naniniwala agad sa mga personal na anggulo ng mga rapper. Maaaring may bahid ‘to ng katotohanan, pero kadalasan ito’y exaggerated na bersyon lamang. Dito lumalabas ang pagiging creative ng mga emcee pag-dating sa pag-kwento.
Wala yan pinagkaiba sa mga tula, maikling kwento, o nobela na nababasa niyo. Ginagamit ng mga manunulat ang kanilang imahinasyon para mas maging makulay ang nilalaman nito. Kaya iwasan na ang pagiging tsismoso’t tsismosa pag makakarinig ng “real talk”.
6. Importante ang standing
Aanhin nga ba ang magandang standing kung wala namang mga linya o mga laban na tumatak? Diyan palang ay dapat alam niyo nang hindi talaga mahalaga ang win-loss record sa FlipTop. Mas importante pa rin ang kalidad ng mga bara pati ang overall performance ng emcee. Basta’t nakapagbigay ka ng makasaysayan na laban, panalo ka na dun!
5. Mangyayari agad ang laban pag may hype
Hindi porket nagparinigan sila sa Facebook o sa kani-kanilang battle ay maghaharap na sila agad. Titignan muna ng liga kung may potensyal na maging classic ang laban na ‘to. Pangit naman kung pinagtapat agad sila tapos hindi pala isang daang porsyento ang ibibgay nila. Syempre, nasa mga emcee din yan kung kalian nila gusto mag-laban talaga. Tandaan niyo na marami rin silang ibang proyekto na inaatupag.
4. Wack agad pag puro pagpapatawa
Mababasa mo kaagad sa mga komento sa YouTube at Facebook ang ilang mga kritisismo sa mga komedyang banat. Sasabihin nila na mababaw ‘to masyado at hindi bagay sa battle rap. Una sa lahat, walang pinagbabawal na stilo dito. Seryoso, nakakatawa, o halo-halo man ang mga bara ng isang emcee, basta mahusay ang pag-akda, pwede yan sa liga.
Isipin mo, milyon-milyong tao ang nanonood sayo, paano mo sila papatawanin lahat? Matinding creativity talaga ang kailangan para maging epektibo ang mga jokes, kaya huwag basta bastang mamaliitin ito. Huwag niyo rin itanggi na hindi kayo kailanman natawa sa mga banat nila Sinio, Zaito, Shernan, Andy G, at marami pang iba. Kung mawawala ang mga komedyante sa liga, hindi na magiging versatile ang mga laban.
3. Takot yung mga hindi na lumalaban
Gaya ng binanggit namin sa ika-5, may ibang mga proyektong pinagkakaabalahan ang mga emcee. Paulit-ulit ring sinasabi ni Anygma na hindi lang sa battle rap umiikot ang Hip-hop. Baka may ginagawang album, mixtape, EP, o kanta ang idolo niyo kaya hindi muna siya lumalaban.
Nandiyan din syempre ang mga responsibilidad sa labas ng eksena. Posibleng kinailangan munang magpahinga sa battle ang emcee upang alagaan ang pamilya niya. Hindi lahat ng rapper ay kayang pag-sabayin ang lahat ng mga yan, kaya konting konsidersayon nalang.
2. Ayos lang lumagpas sa oras
Alam naman nating lahat na maraming emcee ang hindi sumusunod sa napagkasunduang oras sa battle. Ang hindi lang alam ng karamihan ay may kaparusahan ‘to. Nababawasan ng malaking halaga ang talent fee ng isang rapper kapag siya’y nag-overtime sa duelo. Matagal na ‘tong patakaran sa FlipTop, pero ang dami lang talagang pasaway!
1. Galit ang FlipTop sa ibang mga liga
Sa mga hindi masyado pamilyar sa eksena, marami nang liga sa iba’t ibang parte ng bansa ngayon. Iniisip niyo siguro na masama ang loob nila Anygma sa mga ‘to, pero hindi yan totoo. Karamihan nga sa mga kasalukuyang aktibong emcee sa FlipTop ay nag-mula rin sa ibang liga. Minsan ay dumadayo pa talaga ang presidente para manood ng mga bagong saltang makata.
Ang hindi lang gusto ng mga bumubuo ng FlipTop ay yung pag-gaya sa logo, pangalan, at galawan nila. Siyam na taon nang nabubuhay ang liga, pero hindi pa rin nawawala ang mga lumalabag sa copyright law. Maaring hindi pa alam ng mga nangonogpya ang batas o talagang hangarin lang nila mambastos. Sana nalang ay tumigil na sila ngayong taon.
Hanggang dito nalang muna tayo. Siguradong marami pa kaming maling akalang hindi nabanggit, pero saka na ulit yun. Maraming salamat sa pag-basa at abangan nalang ang susunod na pasabog ng liga. Mag-ingay!