General

5 Bagay na Pwedeng Gawin Habang Wala Pang Event

Wala pa bang inaanunsyo na event ang FlipTop? Pwes, gawin mo muna ang mga ‘to habang naghihintay.

Ned Castro
August 16, 2023


Bwelta Balentong na ba ang susunod na event o meron ulit sa labas ng Metro Manila? Si Anygma at ang buong staff lang ang nakakaalam niyan. Habang wala pang inaanunsyo ang liga, eto ang limang bagay na pwede mong gawin para manatiling busog hindi lang sa battle rap kundi pati sa buong hip-hop. Magandang paraan din ‘to para sa mga hindi pamilyar sa kultura na mas lawakan pa ang kanilang kaalaman. Simula na natin…

5. Panoorin ang videos
Marami pang videos ang parating sa YouTube kaya abangan niyo ang mga yan. Syempre, pwede mo din balikan ang lumang battles o yung mga laban na hindi mo pa pala napapanood. Sa dami ng nakaupload online, malaki ang tsansang meron ka pang hindi nasisilayan. Maliban sa mga duelo, nandyan din ang solidong performances mula sa The FlipTop Festival nung 2020, Sound Check, Anygma Machine, DasWak, at iba pang mga segment. 

4. Panoorin ang videos ng ibang liga
Karamihan sa mga emcees ng FlipTop ay nagsimula sa mga amateur o underground na liga. I-search niyo lang ang “rap battle Philippines” at tiyak na marami kayong madidiskubreng bago sa iba’t ibang parte ng bansa. Merong iba na wala na pero mas madami ang mga aktibo pa rin hanggang ngayon. Malay mo, may mapanood kang emcee na magiging Isabuhay Champion o kaya magmamarka sa FlipTop balang araw.

3. Suportahan ang musika at iba pang proyekto ng emcees
Hindi lang sa battle rap mahusay ang mga emcee ng liga. Maliban sa pagnood ng kanilang mga laban, masusuportahan mo din sila sa pamamagitan ng pagtangkilik ng iba pa nilang mga proyekto. Pakinggan ang kanilang albums at/o singles at panoorin ang mga nilalabas nilang music videos. Lahat sila ay nag-rarap para makagawa ng musika. Yan ang nananatiling prayoridad nila sa hip-hop. Suportahan mo rin yung mga rapper na gumagawa ng vlog. Mula sa katatawanan hanggang sa seryosohang mga tema, siguradong may makikita sa YouTube.

2. Pag-aralan ang battle rap at hip-hop
Limampung taon na ang kultura ng hip-hop at sobrang makulay ang kasaysayan nito. Pag may oras ka, mag-research ka tungkol dito at garantisadong marami kang matututunan. Sa pinagmulan palang ng battle rap ay matutuwa ka na sa mga masasagap mong impormasyon. Syempre, pag-aralan mo din ang iba pang mga elemento gaya ng graffiti, DJ-ing, at breakdancing. Baka pagkatapos ay mahiligan mo din ang isa sa mga yan, diba? 

1. Pumunta sa ibang events
Hindi lang battle rap ang aktibo ngayon sa eksena ng Pinoy hip-hop. Buhay na buhay din ang tugtugan sa bawat parte ng bansa. Simpleng pag-search lang sa social media ay walang duda na makakakita ka ng tanghalan sa lugar niyo o malapit sa inyo. Kung hindi mo pa nararanasan makapunta sa hip-hop event na hindi FlipTop, ito na ang senyales para subukan mo. Grabe rin ang enerhiya dito hindi lang ng mga nagtatanghal kundi pati ang crowd. Imbitahin mo na ang mga kapamilya, tropa, o sinumang kilala mo na gusto gumimik! 

READ ALSO: FlipTop 2023: Mid-year Review

Ano pa sa tingin niyo ang pwedeng gawin habang naghihintay ng susunod na FlipTop event? Huwag kayong mahiyang mag-ambag sa comments section. Oh, pano? Magkita-kita nalang tayo sa susunod na paligsahan, ha? Enjoyin muna natin ang ibang mga galawan sa kultura. Mabuhay ang hip-hop sa Pilipinas!



MORE FROM THE AUTHOR

READ NEXT