Kung nanonood ka ng FlipTop ay siguradong narinig mo na ang mga salitang ito. Ipapamahagi namin ngayon kung ano ang ibig sabihin ng bawat isa.
Isa ka ba sa mga bagong tagasubaybay ng FlipTop o battle rap? Malamang ay marami kang mga nalaman na salita. Maaaring narinig mo sa mga laban, paliwanag ng hurado, o sa comments section online. Posible din na may mga nagbigay ng maling kahulugan, kaya naisip naming gawin itong piyesa upang malaman ng lahat ang tunay na ibig sabihin ng mga ‘to.
Tandaan na ito ay unang parte palang. Kung tingin mong may nakalimutan kami, yun ay dahil meron pang mga kasunod. Ipasa niyo din ‘to sa mga kapwa fans na hindi pa pamilyar sa totoong depinisyon ng mga terminong ‘to. Wag na natin pahabain pa. Game na!
Generic
Ito yung mga uri ng linya na pwedeng ibanat sa kahit sinong emcee. Magandang halimbawa nito ay mga nanay o pangit jokes, mas magaling ako sayo lines, at yung mga brutal na atake gaya ng gun bars at horrorcore. Madalas nagagamit na anggulo ang pagiging generic dahil hindi daw rekta sa kalaban pero ilang beses nang napatunayan sa liga na hindi ito totoo. Basta creative at epektibo ang pag-sulat, yun ang mahalaga.
Style Clash
Ang style clash ay isang uri ng laban kung saan magtatapat ang dalawang rapper na magkaiba ang stilo. Kamakailan lang ay marami tayong nasaksihang makasaysayang style clash gaya ng Harlem vs Zend Luke, Pistolero vs Plaridhel, AKT vs Mastafeat, GL vs LilStrocks, at iba pa. Malaki ang posibilidad na magiging dikdikan ang ganitong klase ng duelo dahil iba’t ibang mga konsepto ang naririnig natin.
Personals
Isa siguro ‘to sa pinakaunang termino na tumatak sa FlipTop, Ito yung mga bara na naka tutok sa personal ng buhay ng tao. Dahil diyan, hindi malabong madamay ang mga tropa, kasintahan, at kapamilya. Akala ng karamihan ay hango sa katotohanan ang personals pero madalas ay imbentong kwento o pagmamalabis lamang ang mga ‘to. Si Bagsik ang aktibong emcee ngayon na mahilig gumamit ng personals.
Real Talk
Madalas ay nalalapit ito sa personals. Sinisigaw ng mga emcee ang real talk bago tumuloy sa isang sensitibong anggulo para mas mag-tunog totoo, kahit pa kathang isip ‘to. Ngayon ay ginagamit na din siya sa sarkastiko o pang satire na paraan. Sa labas ng battle, katumbas ito ng “seryoso ako”, “pwera biro”, o “ito ang katotohanan”.
Teknikal
Kapag sinabing teknikal o teknikalan sa battle rap, ito yung mga bara na talagang pinag isipan. Kabilang dito ang mga multi pati na rin ang pag-buo ng mga wordplay, metapora, reference, at iba pa. Sa madaling salita, hindi ito yung mga tipikal na insultuhan at tugmaan lang ng salita. May siyensya sa pag-sulat ng bawat linya.
Flow
Akala siguro ng karamihan na ang flow ay para lamang sa mga mabilis mag-rap. Hindi po. Ang flow ay yung paraan ng pag-rap o kung paano bumitaw ang isang emcee. Kapag dahan-dahan siyang bumanat ng mga linya, pwedeng sabihin na mabagal yung flow niya. Kung meron nag-rap nang papalit-palit ng tempo, pwedeng sabihin na siya ay may flow na kakaiba.
Multi
Sa mundo ng rap at hip-hop, ang multi ay yung pinaikling bersyon ng multisyllabic rhymes. Merong basic na tugmaan gaya ng “ako, apo”, “hilaw, ilaw”, “aso, maso”, at marami pang iba. Ang multi ay yung may nilalaman pang panloob na rima. Ito ang mga halimbawa: “mukhang aso, kulang pa ‘ko”, “malupit sa gera, maliit na pera”, “maligayang kaarawan, mapayapang nakaraan”. May mga iba na mas marami pang kayang isiksik na tugma sa isang linya.
Delivery
Ito yung paraan ng pagbigkas ng isang emcee ng kanyang bara. Merong kalmado, galit, patawa, at mahinnhin. Importante ito dahil kung kulang o walang emosyon ang isang piyesa, hindi ito magiging epektibo sa makikinig. Isipin mo nalang kapag yung kanta ay hardcore o pang diss tapos walang buhay yung pag-rap mo. Siguradong hindi tatama yung mga punchline! Pag love song naman tapos pagalit yung bitaw mo baka matakot yung kinakantahan mo.
Bars
Ang orihinal na depinisyon ng bar o bara ay yung isang linya sa isang kanta o berso sa battle. Kaya kapag sinabi 16 bars challenge, kailangan mong mag-sulat ng 16 na linya. Hindi nagtagal ay naging termino din ito para sa malupit na punchline. Imbis na “ang lupit nun” o kaya “ang ganda”, madalas na sinasabi ngayon ay “bars!”
Sa mga dati pang alam ang mga salitang ‘to, wag niyo na maliitin yung mga hindi pa naliliwanagan. Naging ganyan din naman tayo dati, diba? Sana ay nagustuhan niyo tong ginawa naming at abangan niyo nalang yung susunod na parte. Kita kits nga pala sa Unibersikulo 11! FlipTop, mag ingay!