General

2022: Makasaysayan na Taon

Grabe yung taong 2022. Balikan natin ang mga pangyayari!

Anonymous Staff
January 05, 2023


   Ayun, bagong taon nanaman. Sa sobrang daming nangyari ay hindi natin napansin na 2023 pala. Hanep eh noh? Bago tayo tuluyang magpaalam sa 2022, balikan muna natin ito saglit lang. Makasaysayan ang taon na ‘to at sigurado kami na marami sa inyo ang sasang-ayon dito, kahit yung mga hindi na aktibo na supporter. Magsimula tayo sa buwan ng Abril…

   Sa wakas! Pagkatapos ng halos dalawang taong paghihintay ay pwede na ulit makanood ang fans live. Ginanap ang Second Sight 10 nung ika-23 ng Abril sa Tiu Theater, Makati.  Sa labas palang ng venue ay damang dama mo na ang kasiyahan ng mga taga hanga pati mga emcee. Solido naman ang quarantine battles pero wala pa rin talagang tatalo sa enerhiya ng live audience. Buti naman at mahusay ang pinakita ng mga kasali sa lineup! 

   Sa Tiu Theater din nangyari ang Zoning 14 at 15, Bwelta Balentong 9, at Unibersikulo 11. Kakaiba ang Zoning 15 dahil bumalik ulit ang FlipTop sa pit style na setup. Parang nasa 2010-2011 ulit tayo nung gabing ‘to. Dahil dito ay mas naunawaan pa ang lirisismo ng mga emcee. Marami naman ang nagsasabi na Unibersikulo 11 daw ang event of the year. Maari! Literal na walang tapon na laban dito at grabe yung reaksyon ng crowd mula umpisa hanggang dulo. Malakas ang mga hiyaw at palakpakan pero alam din nila kung kalian tatahimik bilang respeto sa mga kasali. Ang lupit niyo!

   Nung Mayo ay bumalik ang FlipTop sa Cebu para sa dalawang event: Rapollo Mindfields (Mayo 13) at Gubat 10 (Mayo 14). Hindi nagpatalo ang mga taga suporta ng liga at hip-hop dito. Talagang tinutukan nila ang performances at battles at bigay na bigay ang kanilang reaksyon sa mga nagtanghal. Sa madaling salita, isa pa rin sa pinaka solidong crowd ang Cebu. Siguradong babalik ang FlipTop diyan sa 2023! Sana’y makadayo din sa Davao, Cavite, Pampanga at iba pang mga lugar. Sa mga organizer diyan, mag-PM lang kayo.

   Syempre, hindi mawawala sa usapan ang Ahon 13 nung Disyembre 16 at 17. Makasaysayan ‘to agad dahil meron na ulit mga fans na nanood at naikasa na ang pinaka inaabangan na dream match ng lahat. Sobrang saya nung day 1! Ramdam yung enerhiya ng audience at halos lahat ng battle ay nagpaingay ng venue. Ganun din naman sa day 2, lalo na’t dito ginanap ang Isabuhay finals pati ang Sinio vs Apekz (na trending pa rin hanggang ngayon). Nagkaaberya nga lang dahil sa napaka daming tao. Nagbigay na ng pahayag si Anygma tungkol dito kaya hindi na namin ito papahabain pa. Basahin niyo nalang at sana ay maunawaan niyo. Abangan niyo pa rin yung mga duelo sa YouTube. Posibleng higitan o tapatan nito ang kalidad ng Unibersikulo 11.

   Manigong bagong taon ulit sa inyo at maraming salamat sa patuloy niyong pagsuporta sa liga. Asahan niyo na mas marami pang surpresa ngayong taon. Maliban sa mga battle, suportahan niyo din ang musika at iba pang mga proyekto ng emcees. Kaabang abang ang mga mangyayari sa 2023. Hanggang sa muli. FlipTop, mag-ingay! Mabuhay ang Filipino hip-hop!



MORE FROM THE AUTHOR

READ NEXT