Ating pag-usapan ang ilan sa mga negatibong naidudulot ng tsismis. Kailangan na mawala ang ganitong pag-uugali.
Mayroong rapper na maliban sa kanyang husay tumula ay marami na siyang naiambag sa eksena. Ang mga awitin niya ay nag-impluwensya sa mga kabataan na umiwas sa masasamang elemento at tumungo sa tamang landas. Napatawa at napabilib niya ang bawat manonood sa kanyang mga battle. Lahat ng ito ay binalewala nang siya ay nasangkot sa iskandalo. Sa isang iglap, mas kumalat ang kanyang pangalan, ngunit pinalitan ng poot ang mga puri. Ang mga taga hanga ay nagpalit ng anyo at sumali sa paninira sa kanya kahit hindi pa alam ang buong istorya.
Pamilyar ba sa inyo ang scenario na ito? Hindi man kami magbanggit ng mga pangalan, siguradong mayroon na kayong ideya sa mga makatang nakaranas nito. Isa pang mapait na reyalidad, saka lang pinapansin ng mga “news outlets” ang hip-hop kapag may masamang nangyayari. Hindi bale nang kulang sa research, basta mauna lang lagi sila sa pagiging updated. Bakit nga ba ganito? Simple lang ang sagot: napakadami pa ring mga tsismoso’t tsismosa.
Babanggitin ng iba na “ganyan talaga eh”, pero tama ba na hayaan niyo nalang? Mas pipiliin niyo bang manaig ang mga tsismis kaysa sa galaw ng eksena? Ang masklap pa dito, kahit tapos na ang lahat, mas pipiliin pa ring pag-usapan ang nangyari. Nasaan ang mga maiingay kapag nag-lalabas ang mga rapper ng matinding proyekto? Bakit hindi binabalita ang mga malulupit na event na naganap o magaganap pa lamang? Walang duda na ang tsismis ay isa sa mga malubhang sakit ng bansa ngayon.
Hindi ibig sabihin na ayos lang gumawa ng masama, basta’t magaling na emcee ka. Ang nais lang iparating nito ay habang wala pang sapat na impormasyon, huwag muna kayong mang-husga kaagad. Kung talagang mabigat ang nagawang pagkakamali at napatunayan na, doon niyo sabihin lahat ng gusto niyo o hayaan nalang dumating ang karma. Kung ang isyu naman ay naresolba agad at nagsilbing leksyon sa artist, bigyan siya ng pagkakataong i-ahon muli ang sarili niya. Tao lang ang mga emcee, sila’y nagkakamali din.
Iwasan niyo din sana ang maniwala agad sa mga nakikita sa TV o internet. Tandaan na sa panahon ngayon, madali na lamang manipulahin ang balita lalo na kung tungkol ito sa taong sikat o may pangalan na. At syempre, huwag na kayong makisawsaw. Baka dahil diyan ay mas lumaki pa ang isyu at hindi na matapos. Ikalat ang mga kanta, gigs, at battles imbis na mga tsismis mula sa kung sinu-sino. Sa ganyang paraan ka makakatulong sa pag-angat ng kultura. Doon naman sa mga aktibo lang kapag may iskandalo, hindi kayo “fan”, kayo ang lason sa eksena. Kung sakaling bumagsak ang hip-hop sa Pinas, yun ay dahil sa pag-uugali niyo.
Ngayon, mumurahin mo pa rin ba ang “idol” mo dahil lang nabalitaan mong may nagawa siyang mali? Paano kung inosente pala siya, bait-baitan ka ulit? Sana kahit papaano ay minulat ka ng piyesang ito. Kahit sa labas ng hip-hop, makikita mo na wala talagang magandang naidudulot ang pag-kalat at pakikinig sa tsismis. Malapit na mag 2022, oras na para baguhin ang ganyang klaseng pag-iisip.