May ilang matitinding hip-hop events ang naghihintay sa inyo ngayong linggo. Pili ka na!
Tuloy-tuloy ang hip-hoppan sa Pilipinas ngayong linggo. Wala ka bang ibang gagawin at gusto mo lang panooring mag tanghal ang mga magagaling na local artists natin? Pwes, marami kang pagpipiliang okasyon. May magaganap sa Cebu, Laguna, Makati, Las Pinas, Roxas, at Iloilo. Ang maganda pa dito ay iba’t ibang klaseng stilo ng hip-hop ang inaalay ng bawat event. Merong battle rap at meron ding solidong tugtugan.
Yayain mo na ang mga tropa at maging parte ng kasaysayan. Pwede mo ring isama yung mga kakilala mong hindi pamilyar sa musika o sa buong kultura na ‘to. Malay mo ay matripan pala nila, diba? Marami ang nagbabago ang pananaw matapos makanood nang live. Kung hindi ka naman makakalabas ng bahay, huwag ka mag alala! Meron isa dito na pwede mo mapanood sa PC o cellphone. Simulan na natin…
LowQual First Anniversary (Cebu)
Sa ika-29 ng Hulyo ay ipagdiriwang ng clothing line na LowQual ang kanilang unang anibersaryo. Gaganapin ito sa Logarta Street at magpapakitang-gilas sa entablado ang ilan sa mga respetadong artist sa Cebu gaya nila Dap, Brice, Jeper, Villadoggz, MC Ted, at marami pang iba. Puntahan niyo lang ang Facebook page ng LowQual para sa iba pang mga detalye.
Padayon at Kalayo (Roxas at Iloilo)
Isang linggo pagkatapos magtanghal sa Bicol ay lilipad naman ang Uprising Records sa Roxas para sa Padayon (Hulyo 29) at Iloilo para sa Kalayo (Hulyo 30). Tugtugtog dito ang ilan sa mga miyembero ng kolektibo: Batas, Illustrado, Kemikal Ali, Plazma, KMG, DJ Nicko, at DJ Arthug. Magpapamalas din ng talento ang mga lokal na emcee hindi lang sa pamamagitan ng mga awitin, kundi pati sa rap battle. Gaganapin ang Padayon sa Bath & Buddy Carwash Plaza habang River Queen Hotel naman ang venue ng Kalayo. 200 ang presyo ng pre-sale tickets at 300 naman para sa walk-in. Alas sais ng gabi magsisimula ang dalawang event. Bumisita sa pahina ng Uprising sa Facebook para sa impormasyon tungkol sa pre-sale.
Sunugan sa Kumu Semifinals
Hindi ka ba makakalabas ng bahay pero gusto mong manood ng malulupit na laban? I-download mo lang ang Kumu app at panoorin nang live ang semifinals ng Sunugan tournament alas sais ng gabi sa Hulyo 30. Garantisadong bakbakan ang duelo nila Yuniko at Zaki pati Ruffian at Harlem. Ang hirap sabihin kung sino ang mga klarong mananalo dahil sobrang lakas ng pinakita nila nung huling nilang mga laban. Kaabang abang din ang mga non tournament battles: Juan Lazy vs Michael Joe, JDee vs Aklas, at GL vs BLKSMT. Mukhang purong teknikalan ang mga mapapanood nating digmaan dito!
Underdog Barbershop 5th Anniversary (Laguna)
Sa mga taga Laguna, punta kayo sa Underdog Barbershop sa Hulyo 30 para sa kanilang ika-limang anibersaryo. Magtatanghal dito ang mga miyembro ng kolektibong Longhaulin na sina Six The Northstar, Eli, Railkid, Xanny Warhol, at Indio. Kasama din nila sa gabing ‘to sila Gnarrate, Space Impakto, at Slim Iv4n. Kung hindi ka pamilyar sa lugar, ito ay nasa tapat ng Rusi at Hyundai sa National Hiway, Canlalay, Binan.
Equinox Album Launch (Makati)
Inihahandog ng Pool Records ang launching ng album nila crwn at Six The Northstar na pinamagatang Equinox. Ito ay magaganap sa Karrivin Plaza sa ikalawang palapag ng Building A, 2316 Chino Roces Ave. Extension, Makati. Maliban sa siguradong matinding set nila crwn at Six The Northstar, tutugtog din dito sila Tala at Curtismith. 650 ang halaga ng pre-sale tickets habang 750 naman ang walk-in. Pwede kang bumili ng pre-sale ticket sa link na ‘to.
Madness (Las Pinas)
Pagkatapos ng Sunugan ay makikipag bakbakan ulit si Aklas sa Hulyo 31! Ito ay parte ng Madness Tour kung saan ay pupunta si Aklas sa labindalawang siyudad upang makipag duelo sa lokal na emcee. Nasa Las Pinas siya sa Linggo at ang makakatapat niya ay walang iba kundi si Antidota ng Morobeats. Uubra kaya ang mga kataga ni Antidota o mas mananaig ang stilong unorthodox ni Aklas? Malaman natin yan ngayong Linggo, Magtatanghal din sa gabing ‘to sila Hash One, Aj Kee Hong, Gerald Bato, Lhipkram, Prophecee, at iba pa. 200 pesos ang pre-sale tickets at 250 naman walk-in. Parehas may kasamang libreng beer. Bisitahin lang ang FB page ng Konstruk Bookings kung nais mong bumili ng pre-sale.
Pakisabi nalang sa comments section kung meron kaming mga nakalimutang ilagay. Sa mga siguradong pupunta, kita kits nalang! Anuman ang mapili niyo ay siguradong sulit. Huwag tayong magsawang suportahan ang kilos ng mga artist. Abangan din natin syempre ang mga susunod pa nilang plano. Mabuhay ang Pinoy hip-hop!