General

8 Bagay Na Sana Mangyari Pagdating Ng Live Events

Malapit nang bumalik ang live events sa FlipTop! Eto ang 8 bagay na sana mangyari pag may crowd na.

Ned Castro
March 11, 2022


   Sa wakas! Mukhang malapit na ang pagbabalik ng live events sa FlipTop! Higit dalawang taon na tayong umasa lang sa YouTube. Marami din namang masayang ala-ala sa pag-nood ng mga nakaraang paligsahan online, pero iba pa rin talaga pag live. Ngayon palang ay yayain niyo na ang mga tropa, pamilya, kapitbahay, at sino pang mga interesado!

   Habang hinihintay natin ang opisyal na petsa, eto ang 8 bagay na sana mangyari pag may crowd na ulit. Sabihin niyo lang sa comments section kung ano pa ang pwedeng idagdag sa listahan na ‘to. Simulan na natin…

8. Matinding Isabuhay tournament ulit!

   Walang audience yung nakaraang dalawang Isabuhay. Sayang dahil madaming makasaysayang duelo ang naganap. Sa mga kasali ngayong taon, galingan niyo pa lalo! Meron nang mga fans na manonood sa inyo live kaya dapat ay higitan niyo yung mga solidong laban nung 2020 at 2021. Nakaka pressure ba? Dagdag gasolina yan para sa performance niyo!

7. Nationwide events

   Hindi maitatanggi na marami tayong napanood na classic na bakbakan mula sa Aspakan, Gubat, 082 Magnitude, Kataga, at iba pa. Sana sa 2022 ay makabyahe na ulit ang liga sa iba’t ibang parte ng bansa. Maliban sa matitinding emcees, nakakamiss din ang malakas na reaksyon ng crowd. Konting tiis nalang! Mukhang may pinaplano na sila Anygma para sa muling paglakbay.

6. Mas madaming kandidato para sa battle of the year

   Syempre, hindi ito mawawala sa listahan! Sunod-sunod ang mga malakas na laban nung nakaraang dalawang taon kaya sana ay madagdagan pa pag may audience na. Manatili rin tayong bukas sa mga bagong stilo ng pagsulat at pagbigkas. Siguradong may mga masasaksihan pa tayong kakaibang atake sa 2022!

5. Dumagdag pa ang mga solidong style clash

   Harlem vs Zend Luke, Apoc vs Poison 13, at AKT vs MastaFeat. Ilan lang yan sa mga style clash na tumatak nung quarantine battles! Kung grabe na yung reaksyon nun, pano pa kaya ngayong may mga fans na sa venue? Sana ay marami pang ialay na ganitong klaseng engkwentro ang FlipTop ngayong taon. Sulit ang bayad sa ticket dito!

4. Patuloy na pag unawa sa teknikalan

   Isa sa pinaka magandang naidulot ng quarantine battles ay ang mas lumaking pag unawa ng tao sa teknikal na sulatan. Dahil siguro sa mas “intimate” na kapaligaran ng venue kaya mas nabigyan pansin ang kadalasang tinutulugan na mga bara dati. Ngayong babalik na ang live events, sana ay patuloy ang malawakang pagsuporta sa ganitong klase ng lirisismo. Oo, nandyan sila BLKD, Tipsy D, Batas, Lanzeta, Invictus, pero marami pang mga teknikal na makata ang karapat dapat na mabigyan ng atensyon.

3. Won Minutes

   Bago ng pandemya ay binuo ang event na tinatawag na Won Minutes. Simple lang ang konsepto nito: ang pagbabalik ng isang minutong rounds sa FlipTop. Maliban sa mga bagong salang na emcee, lumaban din dito ang ilang mga beterano na matagal nang hindi nakikipag duelo. Marami ang natuwa dito kaya sana ay bumalik ito para mas marami pang makilala na rapper sa liga.

2. Mas madami pang maging aktibo na emcee

   Maraming emcee ang hindi lumaban nung quarantine battles. Merong busy sa negosyo, pamilya, musika, o iba pang mga proyekto at meron ding nag-iingat dahil sa pandemya. Ngayong unti-unti nang nawawala ang COVID, hiling ng karamihan ay may mas marami pang emcee ang bumalik sa pag-battle. Malay natin baka lumaban na ulit ang ilan sa mga bigatin sa liga! Abang-abang nalang tayo.

1. Enerhiya!

   Ano nga ba ang pinaka nakakamiss sa FlipTop nung nagka pandemya? Yung reaksyon ng lahat ng mga nanonood sa venue! Walang makakapantay sa hiyaw at tawa ng mga taga hanga sa bawat laban. Sa pagbalik ng live event, muling inaasahan ng staff at emcees ang buong enerhiya niyo! Matagal tagal din kayong hindi nakanood live kaya ibigay niyo ang isang daang porsyento niyo basta tandaan na “react accordingly”. 

   Magkita-kita tayo sa unang live event ng taon! Saludo din sa inyong lahat dahil nanatiling solido ang inyong pagsuporta sa liga pati sa buong eksena ngayong pandemya. Tuloy-tuloy na sana ang paglaho nitong virus. Tumutok nalang sa opisyal na pahina ng liga sa Facebook para sa mga anunsyo. FlipTop, mag ingay!



MORE FROM THE AUTHOR

READ NEXT