FlipTop fan ka ba na naghahanap ng soundtrip? Ito ang 8 albums na tiyak magugusthan ng mga taga subaybay ng battle rap.
Nabitin ka ba sa mga umaatikabong punchlines sa FlipTop? Inihahandog ng piyesang ito ang 8 local albums na garantisadong magugustuhan ng mga taga subaybay ng battle rap. Makakatulong din ang listahan na ito sa mga makatang magsisimula palang makipagbakbakan sa entablado. Bagamat halos lahat ng nandito ay hindi pa nakakalaban sa FlipTop, walang makakatanggi na ang kanilang mga obra ay nagsilbing inspirayon sa karamihan ng emcees sa liga. Umpisahan na natin ang soundtrip…
8. BB Clan – Mabanges
Nilabas noong 1997, ang album na ito ang isa sa mga itinugariang pinaka malupit sa Dongalo Wreckords. Ipinakita ng 3 emcees (Ali, Simon, at Jap) ang kanilang husay sa pag-buga ng mga hardcore na liriko. Walang kahit ni isang murang nabanggit, pero ramdam mo pa rin ang sakit ng mga bara. Sa unang kanta palang na pinamagataang “Handa Na Ba”, malalaman mo na kung bakit respetado ang BB Clan bilang mga manunulat. Ang Mabanges din ang nagpakilala sa bansa ng multisyllabic rhyming na laganap ngayon sa FlipTop. “Ahead of its time” ang perpektong deskripsyon ng proyektong ito.
7. Denmark – Blind Rhyme
Nakilala si Denmark noong early 90’s sa kanyang “party rap” na istilo, pero pag dating ng 2004, ipinakita niya ang kanyang versatility bilang emcee sa album niyang Blind Rhyme. Pinatunayan niya na matindi rin siyang mang wasak ng mga rapper na itinuturing niyang kalaban. Mga awit tulad ng “Simulan Na Ang Pamamaslang”, “Takbo”, “Bwakanaaaa…”, at “Meron Ba?” ay prueba na kaya niyang sumabay kung ang usapan ay purong lirikalan.
6. Andrew E. – Porno Daw
Hindi mabubuo ang listahang ito kung wala ang maestro na si Andrew E. Marami na siyang album na nailabas, pero Porno Daw ang pinaka angkop sa mga battle rap fans. Bakit kamo? Pakinggan ang mga awiting “Showbiz Rapper”, “Top of the World (Remix)”, at “Porno Daw” para makarinig kayo ng mga linyang sapul sa kanyang mga kaaway noong panahon na yun. Hindi man siya nagbanggit ng pangalan, makikilala niyo agad ang mga pinapatamaan niya sa mga kantang nabanggit. Nandito rin ang kanyang trademark storytelling style na may halong komedya na maari maging gabay mo sa pagbuo ng kakaibang anggulo sa battle.
5. Death Threat – Wanted
Classic ang unang album ng Death Threat, pero maraming magsasabi na yung pangalawa nila ang mas “hardcore”. Sa Wanted maririnig ang “Who’z Next?”, isa sa mga unang solidong diss tracks sa Pilipinas. Kasama naman nila ang grupong Ghetto Doggs sa “Kickin Lyrics 2”, kung saan bumitaw sila ng mga mabibigat at galit na bara. Siyempre, hindi rin makakalimutan ang awiting “Ilibing Ng Buhay”. Mas lumaki ang suporta sa agresibong istilo ng Hiphop dahil sa kantang ito.
4. Genezide – Kasalanan
Parte si Genezide ng grupong Death Threat at noong taong 1999, naglabas siya ng solo album na pinamagataang Kasalanan. Nanatili sa proyektong ito ang kanyang maanagas na delivery at husay sa pagsulat ng mga barang tagos hanggang buto. Kung mga linyang mala battle rap ang iyong hanap, hindi ka mabibigo sa mga kantang “Talangka”, Lirikal”, “Kickin Lyrics 5”, at “Death Threat”. May mga awit din na positibo ang tema, patunay lang na magaling na manunulat si Genezide.
3. Don G Belgica – Sa Pagsara Ng Pinto
Binansagan na “Punchline Kid” si Don G Belgica noong parte pa siya ng Dongalo Wreckords, at pinatunayan niya ang titulong ito sa kanyang 2009 album na Sa Pagsara Ng Pinto. Hindi pa naitatayo ang FlipTop noon, pero bumabanat na si Don G ng mga kakaibang wordplays, similes, at double entendre. Madami ang sasang-ayon na kung siya’y sumali sa liga, magiging top tier siya. Sa awiting “Role Model” palang ay makikita mo na ang kanyang matinding pen game. Dapat din na mapakinggan mo ito ng buo upang mas lalo mong makuha ang konsepto. Siguradong magugulat ka sa konklusyon ng album.
2. Ghetto Doggz – Version 2.0
Sa sobrang sapul ng mga tira sa proyekto na ito, iniba ang boses ng mga emcee. Itong ikalawang album ng Ghetto Doggz ay mas nababagay sa mga taga subaybay ng battle rap dahil rekta sa mga kalabang emcees ang bawat linya. Wala man mga metaphors o references dito, nabawi naman ng mga masasakit na salita at galit na delivery. Tiyak na magugustuhan mo ang Version 2.0 kung mahilig ka sa mga battle na may “personals”.
1. Teknika Brutal – Bawal Sa Tanga
Ayaw mo ba makarining ng mga lab song o mga awiting pang pa-good vibes? Mas gusto mo ba ang mga hardcore na banat na may halong teknikalan? Pwes, itong album ng Teknika Brutal (Batas at Apoc) ay para sa iyo. Nilabas ang Bawal Sa Tanga noong 2012, at ika nga ng titulo nito, hindi ito pwede sa mga mahina ang pag-iisip. Kung tingin mo na puro mura at sigaw lang ang mga kanta, nagkakamali ka. Bawat awit dito ay puno ng mga malulupit na figures of speech na naririnig niyo rin sa mga battle nila. Sila lang sa listahang ito ang kasali sa FlipTop, at patuloy silang nakikipag duelo.
Konklusyon:
Siguradong marami pang lalabas na ganitong klaseng albums sa mga darating na taon. Kaya kung talagang sinusuportahan mo ang kultura ng Hiphop, tangkilikin mo rin ang musika. Tandaan na maliban sa pagbigay ng mga solidong battle, layunin din ng liga ang mabigyan pansin ang mga awitin ng bawat emcee.