Eto na ang lineup ng pinamalaking Gubat event. Pag-usapan natin ang mga laban sa day 1!
Sa Setyembre 29 at 30 ay gaganapin ang sinasabing nilang Ahon ng Visayas. Ito ang Gubat 12 at oo, dalawang araw ang paligsahan na ‘to. Sa JSU-PSU Mariners’ Court ang venue sa day 1 at sa Mandaue Sports Complex naman sa day 2. Lineup palang ay nakakabusog na! Maliban sa mga bigating pangalan ay mapapanood din natin ang mga pinaka solido nung nakaraang Won Minutes. May ilang linggo pa bago ang makasaysayang okasyon na ‘to kaya pag-usapan muna natin ang mga battle. Simulan natin sa unang araw!
Shernan vs Luxuria
Galing sa mga makasaysayang laban sila Shernan (Pakusganay 7) at Luxuria (Ahon 13) kaya malamang ay ganado ulit silang makipagbakbakan sa entablado. Maraming bumilib sa pagbabalik ni Shernan sa seryosong battle rap na stilo laban kay Sixth Threat. Asahan niyo na ganyan ulit ang ipapakita niya sa Gubat 12. Syempre, hindi pa rin mawawala ang benta niyang komedya.
Talo man si Luxuria sa finals ng Isabuhay 2022, nakakabilib pa rin talaga ang ebolusyon niya bilang emcee. Malamang ang nasa isip niya ngayon ay bumawi at higitan pa ang nakaraang performances niya. Humanda sa kanyang solidong multis, teknikalan, at delivery. May posibilidad din na magpatawa siya at pumatok sa crowd.
Jonas vs Castillo
Hindi makukumpleto ang isang FlipTop event kung walang style clash! Komedya ang forte ni Jonas habang sa teknikalan naman si Castillo. Parehas pang may malakas na stage presence kaya siguradong hindi boring ‘tong laban. Maaaring sabayan ni Castillo ang kalaban niya pagdating sa jokes. Nagawa na niya ‘to dati at epektibo naman.
Maganda ang pinakita ni Jonas sa huling laban niya (Ahon 13) at malaki ang tsansa na mas hihigitan pa niya sa Gubat 12. Bumanat siya ng ilang mga seryosong bara kay Tweng nun kaya hindi rin malabong gawin niya yan dito. Ang garantisadong mangyayari sa laban na ‘to ay mag-iingay ang buong crowd hanggang sa huling segundo.
Nikki vs K-Ram
Duelo ng mga pinaka paboritong emcees ni Anygma! Lol! Exciting ang Nikki vs K-Ram dahil hindi lang sila sa komedya patok at creative kundi pati sa paglikha ng mga anggulo. Syempre, tatawa tayo dito pero mabibilib din sa mga konseptong ibabato nila. Silang dalawa yung magaling sa pagiging unpredictable sa laban. Ito yung battle na hindi na mahalaga kung sino ang mananalo o matatalo dahil lahat tayo ay magsasaya!
Murdz vs Empithri
Parehas nagpakitang-gilas sa kanilang debut battle. Si Empithri ay nag-marka sa Gubat 11 habang si Murdz naman sa Won Minutes Visayas nung Abril. Ang hirap sabihin kung sino ang mananalo dito dahil parehas silang magaling sa teknikalan at malakas ang presensya. Kung preparado sila, makakaasa tayo ng laban na purong lirikalan. Humanda din sa mga kakaibang anggulo at reference.
Crypto vs Deadline
Kaabang-abang ‘to dahil parehas may kumpyansa sa delivery at mahusay sa pagbalanse ng komedya at lirikalan. Lamang lang siguro nang konti si Deadline pagdating sa mga rektang punchlines habang sa rhyme schemes naman mas polido si Crypto. Ganunpaman, malaki ang posibilidad na maging unpredictable ‘to lalo na kung walang magpapabaya sa kanila.
Zero MB vs Kenzer
Hindi malabong maging sobrang entertaining na battle ‘to. Polido at nakakasindak ang delivery nila Zero MB at Kenzer at parehas pa silang well-rounded sa battle rap. Siguro may konting lamang si Kenzer sa jokes habang sa mabibigat na punchlines naman medyo llamado si Zero MB. Ito yung tipong laban na magdedepende nalang sa panlasa ng mga hurado kung sino panalo.
Climax vs Barbarian
Halos pantay lang sila Climax at Barbarian pagdating sa kwelang jokes, epektibong teknikalan, at kumpyansa sa pagtanghal. Maaring llamado si Barbarian kung ang usapan ay agresyon habang si Climax naman ay mas nananaig pagdating sa pagbuo ng creative na mga anggulo. Posibleng maging dikdikan ‘to mula una hanggang ikatlong round basta’t walang magchochoke.
RG vs Mimack
Kung ito nga talaga ang unang laban ng gabi, pwes, maganda ang simula ng Gubat 12. Tumatak sa Won Minutes Visayas ang well-rounded na stilo nila RG at Mimack. Sa battle na ‘to ay makakaasa tayo ng kalidad ng multis, wordplays, at punchlines at nakakabighaning mga flow. Hindi din mapagkakaila na epektibo ang kanilang delivery. Huwag na kayong magulat kung magiging sobrang dikit ang resulta nito. Nakakaexcite!
WATCH: Gubat 11
Para sa presale tickets, 500 ang presyo ng gen ad tapos 700 naman sa VIP. Mag-PM lang sa pahina ng liga sa Facebook kung nais niyong kumuha ng presale tickets. Abangan din ang mga detalye tungkol sa mga tindahan na magbebenta nito. Para naman sa gate o walk-in tickets, 700 ang halaga ng gen ad habang 900 naman sa VIP. Kung gusto mo pumunta sa dalawang araw, 850 pesos ang gen ad at 1250 sa VIP. Lahat ng ticket ay may kasamang isang libreng beer. Sulit, diba? Magkita-kita tayo sa Gubat 12 at hintayin niyo nalang ang pre-event review namin sa day 2. FlipTop, mag-ingay!