Pre-Event Reviews

Pre-event Review ng Gubat 11

Pang labing isang Gubat na! Ating tignan ang napaka tinding lineup.

Anonymous Staff
March 28, 2023


   Cebu, handa na ba kayo? Babalik ang FlipTop diyan sa ika-14 ng Abril para sa panibagong edisyon ng Gubat. Magaganap ang event sa Mandaue Sports Complex at pitong laban ang inyong masasaksihan. Tatlo sa duelo dito ay para sa 2023 Isabuhay Tournament. Syempre, gaya ng ibang events, huwag niyo din tutulugan ang non-tournament battles.

   Halos lahat ng paligsahan na ginanap sa Cebu ay makasaysayan. Matatapatan kaya ito ng Gubat 11? Posibleng posible yan! May ilang araw pa ang natitira bago ang sagupaan kaya pagusapan muna natin ang matinding lineup. Wag na natin pahabain pa ‘tong introduksyon. Magsimula tayo sa posibleng main event ng gabi…

Sak Maestro vs Asser

   Isa sa tatlong Isabuhay 2023 battles. Ito ang pagbabalik ni Sak Maestro sa liga pagkatapos ng lagpas tatlong taon. Alam naman ng lahat kung gaano kalupit ang pen game ni Sak. Hanggang ngayon ay kasama pa rin siya sa top 5 ng karamihan ng FlipTop fans. Pagpapabaya lang ang talagang nagpapatalo sa kanya. Dahil ito ay tournament match, sana ay makita muli natin ang A-game na Sak Maestro.

   Walang problema si Asser sa pagiging handa sa duelo. Sobrang bihira lang siya magpabaya at lagi siyang may kumpyansa sa entablado. Nandiyan pa ang kanyang nakakabighaning flow at multis pati ang kanyang epektibong character assassination sa kalaban. Asahan niyong mas gagalingan pa ni Asser sa laban na ‘to lalo na’t bigatin ang kalaban niya. Dikdikan ‘to kung parehas handa ang emcees!

Hazky vs C-Quence

   Para sa Isabuhay 2023 ulit! Sa totoo lang, napaka unpredictable nito. Kayang kaya nila Hazky at C-Quence balansehin ang komedya at seryosohan at parehas pa silang laging handa sa laban. Mas lamang lang siguro si Hazky sa presensya habang sa teknikalan naman mas mabisa si C-Quence. Malaking tsansa din na magpakita ng bago ang dalawang emcee sa kanilang rounds.

   Ang duelong ‘to ay maaaring maging style clash o banggaan ng magkaparehas na diskarte ng lirisismo. Naka depende nalang yan sa kung ano ang ipapakita nilang dalawa. Pwede kaya itong maging battle of the night? Oo naman! Ilang beses na nilang pinatunayan dati na sila ay all-around emcee na kayang sumabay sa kahit sinong kompetisyon.

Poison13 vs Prince Rhyme

   Ito ang Ikatlong tournament matchup ng gabi. Hindi porket parehas 3GS ay magiging friendly battle ito. Ilang beses na nila pinakita dati na pagdating sa entablado ng battle rap ay walang kaibi-kaibigan. Nananatiling solido ang pag-atake ni Poison13 sa stilo ng sinumang kalaban tapos nandiyan  pa ang kanyang polidong rhyme schemes at delivery. Kung preparado siya dito, tiyak malaki ang tsansa niyang manalo.

   Huwag natin maliitin ang kakayahan ni Prince Rhyme. Isa siya sa pinaka nag-improve na emcee nung nakaraang taon at mukhang ibubuhos niya ang lahat dito sa torneo. Maliban sa dagdag kumpyansa, nakita rin natin ang pag-angat ng kanyang tugmaan at pagbuo ng mga anggulo. Asahan niyo na hindi siya basta-basta magpapatalo dito. Sana ay bakbakan itong battle! 

Range vs J-Blaque

   Pagkatapos magparinigan sa Facebook ng ilang linggo, magkakaalaman sa Gubat 11 kung sino ang mas malupit na battle emcee! Hindi man ganun kaganda ang win-loss record ni Range ay garantisado namang entertaining lagi ang pinapakita niya lalo na sa katatawanan. Sana ay mas preparado siya sa Gubat 11 para manahimik na din ang haters niya. Ito naman ang pagkakataon ni J-Blaque makabawi sa performance niya nung nakaraang Gubat. Pinatunayan niya nung Ahon 13 na karapat-dapat siyang maging kampeon ng 2021 Isabuhay! Walang duda na lamang siya dito kung ang usapan ay teknikalan at agresyon. Wag lang dapat maulit yung nangyari sa kanya nung Gubat 10.

Tweng vs LilStrocks

   Posibleng ito yung laban na todo magpapaingay sa crowd. Humanda sa bentang jokes ni LilStrocks at mga kakaibang gimmick ni Tweng! Mahirap sabihin kung sino ang mananalo dito lalo na kung parehas pa nilang dinala ang kanilang A-game. Ito yung duelo na dedepende nalang sa panlasa ng mga hurado. May posibilidad din na magulat tayo sa mga baon nila dahil nakita na natin dati kung gaano sila ka-creative pagdating sa laban. Exciting ‘to walang duda!

Pen Pluma vs GI

   Syempre, hindi mawawala ang style clash! Digmaan ng isang agresibo at teknikal na si Pen Pluma laban sa patok na komedyante na si GI. Kung talagang pinaghandaan ito ng dalawang emcees ay malamang na mahihirapan din ang mga hurado dito. Gaya ng ibang mga style clash sa liga, may posibilidad na maging hati ang opinyon ng tao sa anumang maging resulta. Ang mahalaga ay makakita tayo ng dikdikan na laban mula una hanggang ikatlong round.

Ban vs Empithri

   Magtatapat ang 2019 CRBL Champion at 2022 RAPOLLO finalist na si Ban at ang 2019 SURB League Champion na si Empithri. Ito ang debut battle nila sa FlipTop kaya asahan niyo na hindi sila magpapabaya! Maganda ang labang ‘to dahil parehas silang bihasa sa katatawanan at mga pang wasakan na bara. Damang dama din ang kumpyansa sa malinaw na delivery nila. Ito ang maaaring maging isa sa pinaka dikdikan na battle ng gabi. Kaabang abang ito!

WATCH ALSO: Gubat 10

   Para sa pre-sale tickets, 400 pesos ang presyo ng Gen Ad habang 600 naman ang VIP. Kung sa gate mismo bibili, 700 pesos ang Gen Ad habang ang VIP ay 900. Lahat ng ticket ay may kasamang isang libreng beer. Makakabili kayo ng pre-sale tickets sa bagong bukas na Rapollo DaKonseptStore sa Mandaue. Ito ang address: Skina Paknaan atbang Citihardware North Road Mandaue City. Kita kits sa mga tropa diyan sa Cebu!



MORE FROM THE AUTHOR

READ NEXT