Pre-Event Reviews

Pre-event Review ng Zoning 16

May petsa na ang ikalabing-anim na Zoning! Pag-usapan natin ang mga laban dito.

Anonymous Staff
July 05, 2023


Pagkatapos ng solidong mga event sa Cebu at Davao ay muling babalik ang FlipTop sa Metro Manila para sa ikalabing-anim na kabanata ng Zoning. Hulyo 22, 2023 ang eksaktong petsa nitong paligsahan at Tiu Theater sa Makati Central Square ulit ang magsisilbing venue. Humanda sa isa nanamang gabi ng lirikal na bakbakan!

Walong laban ang magaganap: apat para sa quarterfinals ng Isabuhay at apat na non-tournament battles. May ilang linggo pa bago natin ‘to masasaksihan kaya habang tayo ay naghihintay, talakayin muna natin ang napakatinding lineup. Ating simulan sa posibleng main event ng gabi…

Sak Maestro vs Hazky
Ibang klaseng Hazky ang napanood natin sa unang round ng Isabuhay. Mas nabalanse na niya ang komedya at teknikalan at lumakas pa lalo ang kanyang presensya. Dahil mabigat ang susunod na makakalaban niya, sana ay matinding performance ulit ang ating makikita. Kampante naman kami na totodohin niya ‘to.

Underrated ang mga binitawang linya ni Sak Maestro nung Gubat pero hindi maitatanggi na isa pa rin siya sa may pinaka solidong pen game sa liga. Ngayong nasa quarterfinals na siya ng tournament, sana ay isang preparadong Sak ang mapapanood natin ulit. Alam naman natin ang mangyayari pag nag-handa siya: purong lirisismo!

Zaito vs JDee
Kung napanood niyo si Zaito nung Second Sight 11, alam niyo na ang nangyari. Pinatahimik niya ang lahat ng nagsabing magkakalat lang siya sa laban. Pinatunayan niya na halimaw pa rin siya sa entablado kapag nag-handa. Sa second round ng torneo, kung mas hihigitan pa niya ang nakaraang performance, may pag-asa siyang manalo. Syempre, hindi dapat siya makampante!

Walang duda na sobrang lupit din ng pinakita ni JDee sa Second Sight 11. Maliban sa kanyang makamandag na mga bara at polidong delivery, nakakamangha din ang pag-halo niya ng freestyle at written. Madalas siyang preparado sa duelo kaya asahan natin na gagalingan niya dito. Posibleng maging sobrang entertaining na battle dahil sa mga potensyal na anggulo.

Poison 13 vs Plaridhel
Gusto niyo ba ng lirikal na laban? Mukhang ito ang ibibibigay sa atin nila Poison 13 at Plaridhel. Hindi maitatanggi na bihasa si Poison 13 hindi lang pagdating sa linyahan at delivery kundi pati sa pag-atake ng stilo ng kalaban. Basta’t manatili siyang consistent at may kumpyansa, posibleng makuha niya ‘to, pero syempre, huwag niyang tutulugan ang kalaban!

Abangan niyo yung laban ni Plardihel sa Pakusganay 7! Mas polido na ang kanyang pen game pati pag-bigkas ng mga berso. Huwag na kayong magulat kung isang daang porsyento ulit ang ipapakita niya sa quarterfinals. Malaki ang tsansa na maging sobrang dikdikan ang sagupaang ‘to. Nakakaexcite!

Invictus vs Illtimate
Isa pang laban para sa mga mahilig sa teknikalan. Nananatiling brutal ang mga rima ni Invictus at unpredictable pa ang kanyang mga iskema. Isama mo pa ang kanyang delivery na talaga namang nakakasindak. Asahan niyong mas hihigitan pa niya dito lalo na’t para ito sa tournament. Posibleng magpakita rin siya ng panibagong atake.

Hanggang ngayon, isa pa rin si Illtimate sa pinaka underrated na emcee sa FlipTop. Sana dito na mas maunawaan ang kanyang teknikal na istilo at pagbuo ng mga kakaibang anggulo. Gaya ng dati, delivery nalang talaga ang kailangan pa niyang iimprove. Kung tumodo siya dito, pwede ulit tayong makakita ng upset victory.

Zaki vs K-Ram
Laban ng bentang komedya at agresibong stilo! Hindi makukumpleto ang isang FlipTop event kung walang style clash. Malupit yung pinakita nila Zaki at K-Ram sa huli nilang laban kaya garantisadong mas lalo pa nilang gagalingan dito. Si Zaki ang lamang kung ang usapan ay agresyon at teknikalan habang sa anggulo at jokes naman mas nananaig si K-Ram. Sobrang unpredictable nito. Sana parehas silang preparado.

Ruffian vs Class G
Sobrang bangis ng pinakita nila sa kanilang debut kaya mataas ang ekspektasyon ng mga tao sa kanilang digmaan. Magtatapat sa Zoning 16 sila Ruffian at Class G, dalawa sa pinaka inaabangan na baguhan sa liga. Halos parehas ang kanilang atake: brutal na delivery at matalas na lirisismo. Dito magkakaalaman kung sino ang mas solidong emcee. Anuman ang maging resulta, kung parehas mahusay ang performance ay siguradong madadagdagan pa ang kanilang mga taga hanga! 

CNine vs Manda Baliw
Humanda sa laughtrip na engkwentro. Kilala sila CNine at Manda Baliw sa sobrang patok nilang komedya at matinding rebuttals. Parehas pa silang galing sa panalo kaya siguradong gagawin nila ang lahat para gumanda pa lalo ang record nila. Dahil kakaiba ang pag-sulat nila ng jokes, mahirap sabihin kung ano-ano ang kanilang mga anggulo. Isa lang ang garantisadong mangyayari: magiging entertaining ito mula una hanggang huling round. 

Onaks vs Karisma
Talo man si Karisma sa kanyang debut battle ay nakuha pa rin niya ang respeto ng crowd. Madami ang namangha hindi lang sa kanyang paggamit ng mga metapora at pag-balanse ng nakakatawa at brutal na linya kundi pati sa malakas na presensya niya sa entablado. Mukhang mas totodohin pa niya sa Zoning 16 para makabawi sa pagkatalo. Second Sight 10 pa yung huling battle ni Onaks at ang tindi din ng ginawa niya dun. Mas polido na siya sa teknikalan at kitang kita ang kumpyansa niya sa pag-bigkas ng mga bara. Nanalo siya nung huli kaya malamang ang hangarin niya ay madagdagan pa ito. Mukhang dikdikan ‘to kung walang magkakalat! 

Nasa litrato sa taas ang QR code para sa online reservations ng tickets. Wag kalimutang I-PM ito sa opisyal na pahina ng FlipTop sa Facebook. Kung nais niyo namang bumili ng pisikal na pre-sale tickets, nasa FB rin ng liga ang lahat ng mga detalye. 750 pesos nga pala ang halaga ng pre-sale habang 1000 naman para sa walk-in. Parehas itong may kasamang isang libreng beer. Imbitihan mo na ang mga kapamilya, tropa, at kapwa taga hanga at magkita-kita tayo sa Hulyo 22. Zoning 16, mag-ingay oh!



MORE FROM THE AUTHOR

READ NEXT