MC Spotlight

MC Spotlight: Shrink

Isa nanamang emcee na matunog ngayon sa eksena ng underground. Kausapin natin si Shrink!

Anonymous Staff
August 26, 2022


Nainspira siya magsulat nung napanood niya ang mga laban sa FlipTop. Unti-unti niyang pinag-aralan ang kultura at dahil dito ay naisip niyang mas seryosohin pa ang paglikha ng musikang rap. Ngayon, meron na siyang nilabas na dalawang solo album at isa kasama ang kapwa niyang makata na si Cobs. Hangarin niya maliban sa maipakita ang kanyang husay ay magbigay ng inspirasyon sa mga tao na maging matatag sa kabila ng mga pagsubok.

Para sa bagong MC Spotlight, alamin natin ang kwento ng emcee na si Shrink. Isa siya sa mga lirisista na kasalukuyang nagrerepresenta ng underground hip-hop sa Pinas. Huwag na natin patagalin pa. Mag-simula na tayo.

1. Kailan ka nag simula mag rap? 

2010 high school ako nung napanood ko yung FlipTop, natripan ko agad, nag-rrap battle kami sa skwela kapag lunch break o uwian nun. May mga ilan akong schoolmate na natripan yung ganun. Sumusulat na din magmula nun at nakapag record ng unang kanta nung 2013 "Alagad ng Batas" yung title (kulit nun eh haha) kasama ko si Reverse o mas kilala na Godzilla din. Sobrang fan boy niya at eventually naging ako na din sa buong KAMPO, nakilala ko si Batas at dun din kami nakiki-record nun haha.

Pero para sakin trip trip pa lang din nung mga oras na yun. Tas parang mga 2017 ko na sinusubukan mas gumawa or mas nagkakaron na ako ng inspirasyon para sumulat ng kanta. Nakagawa ako ng 2-3 tracks na punchline rap nun pero di ako kumportable i release or hindi ko matapos bilang project. 

Fast fwd sa 2019, dito ko na mas sineryoso o naisip na ituloy yung pangarap ko na magkaron ng album, nasa isip ko nun kahit isang album lang kuntento na ako. Pero nung nasimulan ko eh kumbaga dun nagbukas yung pinto para makaisip pa ako ng mga ideya pano pa ako magpapatuloy mag-rap

2. Ano ang kwento sa emcee name mo na Shrink? 

Nahihirapan talaga ako mag isip ng emcee name nun pero naisip ko yung Shrink dahil informal na tawag to sa psychologist/psychiatrist tas naiisip ko na yung mga naisulat ko bilang Shrink eh therapeutic sakin in a way na na-oorganize niya yung thoughts ko o nasasalin ko yung saloobin ko dun at mga opinyon o bagay na gusto ko isigaw, tas ayun nagagamot niya ako somehow.

Ganun din sa pwedeng makarinig posible din o iniisip ko na may pwede matulungan yung mga kanta o mga ideya sa kanta ko, so ganun din. Parang ganun haha at isa ding dahilan eh Psychology Major ako, so naisip ko na bakit nga di na lang yun 

3. Kabilang ka sa Bisyonaryos pati Ruckus Records. Paano ka nakasali dito?

After ko gawin yung album na Buhay 7, gustong gusto ko na agad gumawa, gusto ko agad palitan yung gawa ko haha nag reach out ako sa mga kasabay kong emcee, online, tas si Cobie pinaka sumwak sa mga trip ko d lang sa hiphop, so nangyare nagtuloy-tuloy yung usapan namin kahit internet lang na gumawa ng album bilang grupo.

Yung Ruckus after nung Bisyonaryos project ata naisip namin na tuloy-tuloy pa din kaming gagawa kaya napagisipan na pangalanan na lang din yung ginagawa naming galaw. Alam ko si O'Prime nakaisip ng Ruckus na pangalan hehe

4. Ano ang konsepto ng mga solo album mong "Buhay 7" at "Lamat"?

Yung "Buhay 7" naisip ko yun nung nalaman/inaral ko yung Numerology, nagandahan ako dun lalo nung time na yun, nagre-resonate sa akin nung binabasa ko siya. Mas nakilala ko sarili ko o mas naisip kong di pala ako nagi-isa at may mga taong katulad ko din kumbaga mag isip, mas nagkaron din ako ng kumpyansa na mag express dahil dun or isa sa rason yun. Life path number 7 daw ako so parang POV of a life path number 7 siya na uniquely sakin o sa sarili kong experience

Yung "Lamat" naman, yung mga tracks dito mas personal sakin, dami ko napag-daanan sa tatlong taon, parang tinalo nun yung remaining years sa dami ko natutunan nung 2019-2022 pakiramdam ko kakapanganak ko lang. From euphoria to depression and everything in between, lalo nung quarantine. So habang nasa roller coaster ride ako ng buhay ko, ginagawa ko yung mga track na yan pag nagkakaroon ako ng konting breathing room. Kaya din siya Lamat dahil sa quote or idea na "There is crack in everything, that's how the light comes in" at the same time yun din pakiramdam ko sa bawat tracks ko dito, cracks/experiences ko siya, good or bad, na maghuhulma o magpapakita ng growth/pagkatao/light na nakatago sa akin. Honoring every chapter kumbaga ng journey ko by openly sharing my experiences thru music... and that liberates me! Ganun siya para sakin.

5. Sa mga hindi pa pamilyar sayo, paano mapapaliwanag sa kanila ang stilo mo sa pagsulat?

Style ko sa pagsusualat hmmm.. di ko masyadong iniisip o di ako partikular kung ano ba dapat style ko, kung ano lang yung natural sakin, pero sakin may intensyon ako na makapag iwan ng magandang ideya o makatulong sa iba kung paano siya nakatulong sakin, omens ba na pwede sundan. Sakin kasi dami ko natutunan na bagay sa mga verse sa references or kwento ng mga pinakikinggan ko tas ayun nagkakaron ako ng drive to be a better person dahil dun. Tas ayun I try to keep it hiphop pa din kahit personal man o seryoso yung sinusulat ko. 

6. Ano ang proseso mo sa pagsulat ng kanta?

Smoke at soundtrip, tas naghahanap ako ng beat na sakto sa pakiramdam ko, tas dun ko na iniisip lahat ng gusto ko sabihin sa mismong oras na yun

7. Ano ang iyong top 3 na album (local at foreign)? Nakatulong ba ang mga ito sa pag-gawa mo ng mga kanta? 

Local: 

Walang Kompromiso - Dhictah

Ang Ulan At Ang Delubyo - Plazma

Hanggang Kamatayan - Illustrado

Foreign:

Four Owls - Natures Greatest Mystery

Pharcyde - Labcabincalifornia

Outkast - Aquemini

Top 3 paborito ko sa ngayon soundtripin mga to. Nakatulong mga to at yung iba pa, inspirasyon! Madami pang iba na hiphop at non-hiphop din tumulong talaga sa pag-gawa ko ng kanta at paraan ko sa pag sulat. Para sakin musika o artist ang pwede kong maituturing na GODS dami nilang mensaheng pinasa sakin na gumabay sakin noon at gumagabay parin sakin hanggang ngayon. 

8. Sino naman ang iyong top 3 na emcee (local at foreign)? Gaya ng tanong sa 7, may naitulong ba sila sa mga bara mo? 

Local:

Apoc

Dhictah 

Illustrado

Foreign:

Four Owls (VERB T, BVA, LEAF DOG, FLIPTRIX)

Possessed ng Rhyme Asylum

Big L

Madami pa talaga eh, Sobrang laki ng tulong at influence sakin ng Four Owls at ng iba pa kahit non hiphop dami ko paboritong artist. pero sa hiphop Four Owls para sakin ang Wu Tang ko, trip na trip ko paano sila mag sulat, sinusubaybayan at hinukay ko din mga solo albums nila. Tapos sa lokal buong KAMPO talaga trip ko na style at tunog lalo nung tumanda ako, trip na trip ko din lahat ng solo album nila.

9. Ikaw na ang namamahala ngayon ng clothing line na Bomb Shelter. Kumusta ito? Meron bang mga bagong paparating?

Oo pero kay Batas parin yung mga ideya dito. May ilan pang stocks dito sakin ng Bomb Shelter. Walang bagong paparating sa ngayon pero siguro kung maisip ni Mark na maglabas ng bago, pwede.

10. Ngayong pandemya, ano ang mga pinagkakaabalahan mo?

Trabaho ako bilang real-estate VA, tas nagsisiumula din bilang Property Specialist sa SMDC. Work-out pakundisyon, mabuting bisyo, basketball, basa ng libro, movies at series, sulat, mag trip gumawang beats, aral ng kung ano-anong di ko pa alam/nagagawa, maglinis, at madaming soundtrip!

11. Para sayo, kumusta ang lagay ng lokal na eksena lalo na ngayong pandemya?

Malakas!

12. Kumpara sa era ng hip-hop na kinalakihan mo noon, ano ang pinagkaiba nito sa era ngayon? Ano ang mga na-improve nito at mga tingin mong dapat pang iimprove?

Parehong pakiramdam pa din, nagevolve lang din yung mga pinaguusapan sa kanta. Nag improve yung quality at quantity! Daming albums! 

13. Aktibo ka bang nanonood ng FlipTop? Sino ang paborito mong battle emcee at ano ang pinaka tumatak na laban sayo?

Mismo. Paborito kong battle emcee si Batas talaga. Pero inaabangan ko din battles ni Sayadd, Gorio, Apoc, Plazma, Dhictah, at Towpher din. Sa bago si Zend Luke, Zaki at Vitrum.

Di ko maisip ano tumatak na laban sakin, lahat naman.

14. May balak ka rin bang maging battle emcee o mas gusto mong tumutok lang sa musika?

Meron tingin ko magugustuhan ko din bumattle. Actually, nag-pasa ko sa pinakahuling process of illumination.

15. Ano ang mga maaasahan namin sayo sa mga darating na buwan at taon?

Gigs hanggang may pagkakataon! Meron kami ni Cobs sa Sept 3 sa Ingay Likha. Tapos videos muna siguro sa ngayon pang promote ng kalalabas ko lang na album which is yung "Lamat" nga nasa YouTube o Spotify na yan, sana pakinggan niyo. At syempre bagong proyekto na agad. Sumusulat sulat na ako ulit para makagawa ulit ng bago. Madami pa ako pangarap bilang artist. 

16. Ano ang maipapayo sa mga nagsisimula palang sa larangan?

Payo ko siguro eh makinig ng madaming album kahit hindi hiphop at wag single. Saka subukan lang gumawa ng gumawa. Maging responsable pa din sa pang-araw araw na buhay, hasain ang sarili, mag basa at mag-aral ng sa skwela at sa iba pang bagay. Mas magegets niyo yung mga artist o yung mensahe ng mensahe na nakakainspira talaga gumawa at mag give back. Haha sabi nga ni Dhictah "di pwedeng mahal mo lang, tsong dapat alam mo rin!"

Mapapakinggan sa streaming sites ang mga proyekto ni Shrink pati ng Bisyonaryos at Ruckus Records. Syempre, abangan din natin ang mga susunod pang ilalabas. Tuloy lang sa pagsuporta ng ating mga local artists, mapa mainstream o underground. Maraming salamat ulit kay Shrink sa pagbigay ng oras para dito! 



MORE FROM THE AUTHOR

READ NEXT