Hangarin niya ang mag silbing inspirasyon sa kabataan gamit ang kanyang talento sa mikropono. Alamin natin ang kwento ni K-Leb sa MC Spotlight!
Laking Nueva Ecija, lumuwas siya ng Maynila nung 2016 upang ipagpatuloy ang kanyang pag rarap. Nakapag labas siya agad ng mga EP, album, at mixtape at tumatak agad sa tao ang ilan niyang kanta. Nakatrabaho na rin niya ang mga bigatin sa eksena. Kung ang hangarin ng iba ay kasikatan, ang habol naman niya ay maging gabay sa kabataan sa tamang landas.
Malalaman niyo dito ang buong kwento ni K-Leb. Maliban sa kanyang kasaysayan, naibahagi niya rin ang storya ng kanyang mga grupo, ano ang tingin niya sa Pinoy Hiphop ngayon, mga plano niya sa darating na taon, at maraming pang iba. Ito ang panibagong kabanta ng MC Spotlight
1. Kailan ka nag simula mag rap?
January 16, 2003
2. Bakit K-Leb ang napili mong pangalan? Ano ang kwento nito?
K-leb kasi madalas akong magbasa ng bible. Caleb talaga yan, isa sa sundalo ni Moises. Yung character niya kasi hindi sumusuko at palaban. Ganun din kasi ako. Kapag may gusto ako, kailangan makuha ko.
3. May nirerepresenta ka bang grupo o kolektibo? Kung meron, paano ito nabuo?
Oo, meron. Sa probinsya, may samahan kami na kung tawagin ay Lahing Kayumanggi. Dito sa Manila, isa ako sa miyembro ng Lokalidad. Nabuo ang Lokalidad dahil sa simpleng usapan namin nila Ron Henley at Pino G. Naisip namin na gumawa ng movement nung una, at yun nga pinangalanan naming Lokalidad.
4. Sa mga hindi pa pamilyar sayo, ano na ang mga nagawa mong proyekto?
Naglabas ako ng mixtape, 2015 kung san nakacollab ko ang mga artists na sina Kemikal Ali, Mistah Blaze, Krazy Kyle at Tiny Montana. Nakalabas ako ng first album, 2007, Byaheng Norte. Nakacollab ko na rin si Ron Henley sa kantang Pisi. Lately lang, naglabas ako ng EP Trilogy nitong June 21, 2019.
(UPDATE: Naglabas din si K-Leb ng bagong niyang solo album na pinamagatang “Homecoming” nung Oktubre 17, 2021.)
5. Ano ang konsepto ng album mo na "Byaheng Norte"?
Nung 2015 hanggang 2016, madalas akong lumuluwas para manood at umattend ng gigs. Umuuwi rin ako balikan pa-Norte. So naisip ko at nabuo ang album sa kakabyahe ko kaya pinamagatan ko siyang "Byaheng Norte".
6. "Pisi" ang isa sa mga kanta mo na nag-marka sa tao. Ano ang istorya sa likod ng awiting 'to?
Ang "Pisi" ay istorya ng magkarelasyon na masyado nang naging kampante sa isa't isa kaya madalas na silang hindi magkaunawaan, nawala na ang lambingan, mas pinipili na nila ang mag-away kaysa gumawa ng magandang memories. Sa kantang to, sinusubukan ni lalake/babae na pagdugtungin ang napuputol nilang komunikasyon.
7. Sino ang unang nag-impluwensya sayo na maging emcee?
Francis M., Andrew E., Nathan Jay, Loonie, Ron Henley, Krazy Kyle, D-coy, Legit Misfits, Mastah Plan, Death Threat, Bonethugs, 2Pac, Big L.
8. Ano ang iyong top 3 na album (local at foreign)? Nakatulong ba ang mga ito sa pag-gawa mo ng mga kanta?
Sa local, Yo ni Francis M., Critical Condition ng StickFiggas, Born To Kill The Devil ng Ghetto Doggs. Sa foreign, Me Against The World ni Tupac, Return of the Devil's Son ni Big L., Thug World Order ng Bonethugs. Sobrang laki ng naitulong nila saken sa pagsusulat, sa flow.
9. Sino naman ang iyong top 3 na emcee (local at foreign)? Gaya ng tanong sa 8, may naitulong ba sila sa mga bara mo?
Sa local, top 3 emcee para saken si Loonie, Ron Henley at Francis M. Sa foreign, Tupac, Big L, saka LL Cool J. Sobrang laki ng natulong nila. Dahil sa kanila, nahanap ko yung gusto kong mahanap na tunog.
10. Aktibo ka bang nanonood ng FlipTop? Sino ang paborito mong battle emcee at ano ang pinaka tumatak na laban sayo?
Nanonood ako paminsan kapag naluluwas ako sa Manila. Paborito ko si Loonie. Tumatak na laban saken yung Loonie vs Dello.
11. Nasubukan mo nang lumaban dati, posible kayang mapanood ka rin namin sa FlipTop balang araw?
Lumalaban ako dati ng battle sa probinsya. Nasubukan ko na rin lumaban sa Sunugan nitong Bad Blood kung san nakalaban ko si Lester G. Isa sa gusto kong patunayan at makamit bilang emcee ay ang makabattle sa FlipTop. Sana magkaron ng pagkakataon.
12. Kumusta ang Pinoy hip-hop ngayon?
Malakas siya. Sana magpatuloy pa ang paglakas ng Pinoy Hiphop ngayon nang sa gayon, ang mga nasa probinsya ay hindi na lumuwas ng Maynila para lang makipagbakbakan sa Hiphop dito. Pag dumating na ang araw na yon, na napapansin na sila kahit nasa probinsya lang sila, masasabi kong sobrang lakas na talaga ng Pinoy hip-hop.
13. Sa tingin mo, ano ang mga kailangan baguhin sa eksena ngayon?
Siguro kailangan na alisin yung hate. Iwasan ang mainggit sa mga nakakamit ng mga kapwa artists.
14. Ano pa ang mga maaasahan namin sayo sa mga darating na taon?
Maglalabas kami ng album sa Lokalidad. At ako rin ay working na sa aking susunod na album at mga tour na paparating.
15. Ano ang maipapayo sa mga baguhan sa larangan?
Kailangan mo lang kumilos kasi ang pangarap, kapag hindi mo kinilusan, ay mananatiling pangarap. Wag kang mapapagod o tatamarin sa tuwing dadating ang pakiramdam na yun, palagi mong isipin lahat ng sinakripisyo mo at balikan mo lang palagi kung pano ka nagsimula.
Sundan niyo lang siya sa Facebook, Twitter, Instagram, at YouTube para maging updated sa mga kasalukyan at paparating niyang proyekto. Tiyak na marami tayong mga aabangan sa kanya. Salamat muli kay K-Leb para sa interbyu na ‘to. Tuloy-tuloy lang sa pag gawa ng mga makabagbag-damdaming awitin!