General

Kahulugan Ng Mga Sikat Na Termino Sa FlipTop (Part 2)

Ito na ang ikalawang parte! Alamin ang tunay na kahulugan ng ilang mga salita na madalas mabanggit sa liga.

Ned Castro
October 12, 2022


   Nung nakaraang linggo ay binigay namin ang kahulugan ng ilan sa mga salitang madalas niyong naririnig sa FlipTop. Ngayon, inihahatid namin ang ikalawang parte! Tandaan na ang mga terminong ito ay hindi lang ekslusibo sa liga. Ginagamit din ang mga ‘to sa ibang aspeto ng hip-hop. Hindi na namin papahabain pa. Simulan na natin… 

MC / Emcee

   Sa usapang events, ang MC o “master of ceremonies” ay ang nagsisilbing host ng programa. Nagsimula ang MC sa hip-hop bilang taga hype ng mga tao sa party at tagapakilala ng mga DJ. Hindi nagtagal ay naging kasingkahulugan na rin ito ng rapper. Masasabing MC yung pormal na salita habang emcee naman yung impormal. Kaya kung may nakita kang bumibitaw ng mga bara sa entablado, kalye, o kung saan man, emcee sila.

Wack

   Simple lang ang depinisyon ng salitang wack. Ito ay hindi maganda o walang dating kaya pag may taong sinabihan ka nito, mag-handa ka ng rebut kasi iniinsulto ka niya. Madalas itong ginagamit hindi lang sa mga battle o diss tracks kundi pati sa mga diskusyon lalo na sa online. Ang nakasanayang kabaligtaran ng wack ay dope. 

Bodybag

   Nakapanood ka na ba ng battle na sobrang durog yung kalaban o nakarinig ka na ba ng diss track na talagang binulgar lahat ng baho ng emcee? Bodybag ang tawag dun! Sa madaling salita, ang bodybag ay yung klarong pagkatalo ng isang rapper o manlalaro. Pwede rin ‘tong magamit sa labas ng battle rap o beef. Pag sobrang ginalingan ng isang artist, pwedeng sabihin na binodybag niya yung kanta o yung berso.

Anagram

   Ito yung pagpapalit-palit ng mga letra ng isang salita para makabuo ng bago. Halimbawa nito ay yung kasal magiging sakal, paksa magiging sapak, kita magiging akit, at napaka dami pang iba. Oo, kasama na dito yung baliktaran na pinasikat ng 2017 Isabuhay Champion na si Mhot. Paalala nga pala, hindi ito nagsimula sa hip-hop. Ayon sa mga eksperto, panahon pa ng Sinaunang Gresya nung ito’y naimbento. 

Unorthodox

   Unorthodox ay yung stilo na hindi nakasanayan ng karamihan. Kung meron isang emcee na piniling tumugma ng mga salita sa loob ng linya imbis sa dulo, masasabing kakaiba yun. Unorthodox din yung mga rapper na hindi striktong sumusunod sa tempo pagdating sa flow o sa beat. Marami sa FlipTop ang kilalang ganito kagaya nila Emar Industriya, Aklas, Zero Hour, Dosage, Kial, at Zend Luke. 

Horrorcore

   Ito ay subgenre ng hip-hop kung saan yung mga tema ng liriko at tunog ay brutal o malagim. Sila Plazma, Sayadd, Goriong Talas, Batas, at Apoc ang ilan sa mga emcee na nagrerepresenta o nagrepresenta ng ganitong stilo sa battle. Kadalasan ay agresibo ang paraan ng pagbigkas ng mga bara dito at importante ang pagiging klaro ng mga imaheng ginuguhit ng bawat bara.

Pen game

   Ang pen game ay yung paraan ng pagsulat ng isang rapper. Pag puro wordplay at metapora ang ginagamit niya, maaaring sabihin na meron siyang teknikal na pen game. Ganun din sa iba pang mga stilo. Kung puro jokes, pang comedy yung pen game niya. Hindi pa kasama ang delivery, flow, at presensya dito. Sulatan lang ang sakop ng terminong ito. 

   Hanggang dito nalang muna tayo. Marami pang ibang mga salita kaya abangan nalang ang ikatlong kabanata. Muli, kung may mga naisip din kayo, wag kayong mahiyang ilagay ang mga ‘to sa comments section. Sana ay naunawaan niyo ‘to at kita kits nga pala sa Unibersikulo 11!



MORE FROM THE AUTHOR

READ NEXT