General

FlipTop 2025 game?

Nandito na tayo sa ikalabing limang taon ng FlipTop. Eto ang mensahe nila sa inyo.

Anonymous Staff
January 07, 2025


Tapos na ang 2024 at isa lang ang masasabi namin: grabeng taon yan para sa FlipTop! Sobrang daming nangyari na hindi namin/natin malilimutan at nagtapos ito sa pinaka engrandeng paraan. Ngayon palang ay gusto na namin pasalamatan ang emcees, iba pang tropa sa eksena, at syempre mga solidong fans. Lahat kayo ay parte ng patuloy na pag-angat ng liga. Ating pagusapan muna ang ilang mga pangyayari sa nakaraang taon. Tamang munimuni muna kami bago magtrabaho ulit!

Ang daming Won Minutes na naganap at bawat isa ay espesyal. May tatlo sa Metro Manila at isa naman sa Cebu. Dahil dito ay nakita natin na nasa mabuting kalagayan ang kinabukasan ng battle rap. Maliban sa malulupit na laban, maraming emcees ang nagpakita ng bago sa buong stilo nila. Karamihan sa kanila ay tumatak agad sa fanbase ng FlipTop. Congrats agad sa inyo! Galingan niyo pa lalo sa 2025.

Dalawa ang maituturing na “big events” sa 2024. Ito ay ang Bwelta Balentong 11 at syempre Ahon 15. Bagong mga venue na talaga namang todo level up at mga battle na marami na agad nagsasabi na classic. Sa mga nakanood live, kitang kita dito ang ebolusyon ng buong eksena, mula sa lirisismo hanggang sa pananaw ng mga manonood. Walang duda na makasaysayan din yung ibang “main stage” battle events na ginanap. Sa Metro Manila, nandiyan ang Second Sight 12, Zoning 17, Unibersikulo 12, at Second Sight 13. 

Hindi nagpaiwan ang Visayas at Mindanao Divisions nung 2024. Sa Cebu, merong Gubat 13 at 14 at gaya ng mga dating kabanata, ang tindi ng enerhiya ng crowd at ang bangis ng mga nasaksihang palitan. Akala ng marami na matagal pa ulit ang susunod na Pakusganay kaya marami ang nagulat at natuwa nung ianunsyo ang ikawalong edisyon nito. Malupit din ang audience at tumatak halos lahat ng duelo na naganap. Abangan nalang ang mga detalye sa susunod na events sa labas ng Metro Manila.

May dalawang tournaments nung 2024 at siguradong maraming magsasabi na sobrang exciting ng mga ‘to. Sa Isabuhay, iba’t ibang stilo ang nirepresenta at siguro nobenta porsyento ng nasa lineup ay tumodo sa content pati performance. Sa unang round palang ay ang hirap nang sabihin kung sino ang klarong magkakampeon dahil sa tindi ng pinakita ng emcees. Sa Dos Por Dos naman, mas lalong nabigyan ng spotlight ang mga bagong pasok sa FlipTop. Kahit quarterfinals hanggang finals lang yung torneo ay marami pa rin ang natuwa sa mga naganap na salpukan. Congrats syempre sa mga kampeon na sila GL at ang tandem nila Atoms / Cygnus. Congrats din sa runner ups na sila Vitrum at Caspher / Hespero. Grabe pa rin yung pinakita niyo dun! Congrats din sa iba pang mga sumali. Hindi magiging makulay ang dalawang toreno na ‘to kung wala kayo.

Ano ang mga plano sa susunod na taon? Tandaan na 15th anniversary na ng liga kaya asahan niyong marami kaming mga surpresa. Abang lang kayo at sana ay patuloy niyong suportahan ang galawan namin pati ng mga FlipTop emcees. Isang komunidad tayo dito at magkakasama tayong aahon nang aahon! Belated Merry Christmas at Happy New Year sa inyo. Kita-kits ulit, ha? Huling beses, mag-ingay tayo para sa 2024!

Related Topics:
FlipTop 2024 2025 review battle rap


MORE FROM THE AUTHOR

READ NEXT