Pre-Event Reviews

Pre-event Review ng Gubat 12 (Day 2)

Malapit na ang pinamalaking Gubat event. Talakayin natin ang mga battle sa day 2!

Anonymous Staff
September 20, 2023


Ngayon naman ay ating pag-uusapan ang lineup sa day 2 ng Gubat 12! Ito ay magaganap sa ika-30 ng Setyembre 2023. Dito natin masasaksihan ang duelo nila Invictus at JDee para sa semifinals ng Isabuhay. Syempre, kaabang-abang din ang pitong non-tournament battles. Hindi lang natin mapapanood ang malulupit na beterano kundi pati ang mga baguhan na nagpakitang-gilas at tumatak sa Won Minutes Visayas. Sa Mandaue Sports Complex nga pala ang venue nito. Kung meron kang sariling prediksyon, ibahagi mo lang ito sa comments section. Umpisahan na natin ‘to! 

Pistolero vs Zend Luke
Humanda sa malupit na style clash! Pantay lang sila pagdating sa lakas ng punchlines pero magkaiba sila ng atake. Si Pistolero ay mas rekta ang mga bara habang mas kakaiba o unorthodox naman si Zend Luke. Parehas din silang may sobrang epektibong delivery kaya asahan niyo na bakbakan ang battle na ‘to. Ito yung mga laban na nakadepende nalang talaga sa panlasa ng hurado.

Siguradong ganado si Pistolero lalo na’t 2022 Isabuhay Champion siya. Hindi siya basta-basta magpapabaya dito. Maganda ang pinakita ni Zend Luke nung Pakusganay 7 kaya malamang ay hangarin niyang manatili ang momentum niya. May potensyal ‘tong maging classic na battle.

Invictus vs JDee
Ito ang battle para sa semifinals ng 2023 Isabuhay Tournament. Malaki ang tsansang maging makasaysayan ‘to dahil kung napanood mo mga laban nila sa nakaraang rounds ng torneo, alam mong todo bigay ang performance nila. Maliban sa solidong delivery at presensya, nakakamangha rin talaga ang kanilang lirisismo.

Si JDee yung mahusay sa paghalo ng seryosohan at komedya habang sa purong teknikalan naman nananatiling banta si Invictus. Parehas pa nakakasabay pag kailangan mag-freestyle, lalo na pag usapang  rebuttals. Mukhang isang unpredictable na digmaan ng rap skills ang mapapanood natin dito. Kaabang-abang talaga!

Asser vs Marshall Bonifacio
Solidong barfest ulit! Parehas man silang galing sa talo, marami pa rin ang bumilib sa ipinamalas nila sa entablado. Halos patas lang sila Asser at Marshall Bonifacio pagdating sa content. Pwede silang magseryoso, magpatawa, o magpurong teknikalan. Ramdam na ramdam mo rin ang kumpyansa nila sa bawat performance.

Lamang siguro si Asser dito kung ang usapan ay flow at rhyme schemes. Sa anggulo pati sa wordplays at metaphors naman mas nananaig si Marshall Bonifacio. Sana ay walang magpapabaya sa kanila dahil kung parehas silang preparado, humanda tayo sa unpredictable na laro.

MastaFeat vs LilStrocks
Gaya ng Nikki vs K-Ram sa day 1, ito yung mga laban na hindi na mahalaga kung sino ang panalo at talo. Ang mahalaga ay ma-eentertain tayo mula sa una hanggang ikatlong round. Walang kupas ang komedya nila MastaFeat at LilStrocks at madalas ay kakaiba sila bumuo ng mga anggulo at tema. Garantisadong tatawa at mapapa sigaw tayo sa mga ipapakita nila dito. Hindi rin malabo na magseryoso sila sa ilang mga linya dahil alam naman natin kung gaano ka-creative ang stilo nila. Exciting ‘to!

Pen Pluma vs Nadnad
Nagmarka ang performance ni Nadnad sa nakaraang Won Minutes Visayas kaya karapat-dapat siyang makasali sa event na ‘to. Kalaban niya ay si Pen Pluma na marami nang pinagdaanang digmaan sa liga. Huwag tutulugan ang kakayahan ni Nadnad. Pumapalag siya hindi lang sa palaliman ng sulat kundi pati sa komedya. Balanse at epektibo din ang stilo ni Pen Pluma sa pag-battle. Syempre, mas lamang siya kung ang usapan ay experience. Maaaring maging dikdikan ‘to dahil maliban sa lirisismo, mabagsik din ang delivery at rhyme schemes nila.

Ban vs Nathan
Si Ban ay siguradong ganado ulit lumaban pagkatapos manalo sa debut battle niya sa Gubat 11. Ganunpaman, hindi niya dapat maliitin ang kalaban niyang si Nathan lalo’t matindi ang pinakita niya nung huling Won Minutes. Magandang battle ‘to dahil parehas mabangis sa purong lirikalan pati sa creative na komedya. Isama mo pa ang kanilang malakas na presensya at garantisadong makakapanood ka ng bakbakan sa tatlong rounds.

Step G vs Drop D
Ayos na matchup ‘to dahil maliban sa kanilang agresyon sa pagbigkas ay epektibo din ang balanseng stilo nila Step G at Drop D. Kaya nilang magpatawa at kaya din nilang sumabay sa teknikalan at brutalan. Hindi rin mapagkakaila ang kanilang husay sa pagbuo ng komplikadong mga multi. Kung todo preparado sila sa laban na ‘to, tiyak na makakakita tayo ng dikdikan na duelo.  

Linax vs Keji
Posibleng maging dikit na battle ‘to kung hindi sila magpapabaya. Sa teknikalan at rhyme schemes mas lamang si Linax habang sa direktang punchlines at flow naman mas nananaig si Keji. Pagdating sa kumpyansa at delivery ay halos pantay lang sila. Hindi rin malabo na babanat sila ng ilang mga nakakatawang bara dito. Kung ito ang unang laban ng day 2, mukhang mag-iingay agad ang crowd.

WATCH: Gubat 11 | Won Minutes 2023 (Visayas)

Muli, para sa presale tickets, 500 ang presyo ng gen ad tapos 700 naman sa VIP. Mag-PM lang sa pahina ng liga sa Facebook kung nais niyong kumuha ng presale tickets. Pwede rin kayong bumili sa RAPOLLO: Da Konsept Store. Narito ang mapa papunta sa tindahan. Para naman sa gate o walk-in tickets, 700 ang halaga ng gen ad habang 900 naman sa VIP. Kung gusto mo pumunta sa dalawang araw, 850 pesos ang gen ad at 1250 sa VIP. Lahat ng ticket ay may kasamang isang libreng beer. Pano, Cebu? Magkita nalang tayo sa Setymebre 29 at 30, ha? Sama-sama tayong maging parte ng kasaysayan!



MORE FROM THE AUTHOR

READ NEXT