From A Fan's Perspective

From A Fan’s Perspective: Won Minutes 2019 Experience

Ikwinento ng isang FlipTop fan ang kanyang karanasan sa pinakaunang Won Minutes event.

Anonymous Battle Fan
February 19, 2024


Sa totoo lang, nung una ay wala talaga kaming interes pumunta sa Won Minutes. Naisipan lang namin dumalo bilang suporta sa liga at madami din kasing masarap na foodtrip sa venue (lol). Kilala kasi yung Arkipelago bilang isang malaking foodcourt na may tugtugan. Ayun, pumunta kaming apat na magtotropa mga bandang alas otso y medya ata yun at kumain muna. Naaalala ko na pizza yung kinain namin dun. Sobrang panalo! Habang lumalamon ay nagpapatugtog si DJ Supreme Fist ng mga solid na Pinoy hip-hop. Dami namin nadiskubreng artists dahil sa playlist niya.

Dahil di kami pamilyar sa emcees na nasa lineup, mababa lang ang ekspektasyon namin kaya naman gulat na gulat kami nung nagsimula na ang mga laban. Hindi na namin iisa-isahin pa ang mga battle. Ang masasabi lang namin ay pagkatapos ng event, nagbago ang aming tingin sa Won Minutes. Isa ito sa pinakamasayang okasyon sa FlipTop na napuntahan namin.

Laking tulong din talaga ng konsepto nito. Dahil tig isang minuto lang ang tatlong rounds ay mas siksik ang punchlines at halos walang “dead air” o filler lines ang emcees. Masasabing “overwhelming” ang haymakers na narinig namin at buhay na buhay kami pati ang crowd buong gabi. Ang saya din dahil parang nanonood lang kami ng FlipTop nung taong 2010 dahil sa mas maiksing oras ng rounds. 

Ngayon, sino nga ba yung mga pinaka tumatak samin dito? Una ay si Numerhus. Naririnig na namin yung pangalan niya dati pa pero alam namin na mas sikat siya pagdating sa kanta. Sobrang namangha kami hindi lang sa kanyang sulat kundi pati sa performance niya. Alam mong beterano na talaga siya pagdating sa tanghalan. Sunod ay si C-Quence. Sa Won Minutes palang ay humanga na kami sa kanyang creative na mga wordplay at metapora pati sa kanyang multis. Buti nalang at nagpatuloy siya maging aktibo. Ganyan din kay Yuniko. Tumatak agad samin ang pen game pati rhyme schemes niya. Mas pinalakas pa ang mga ‘to dahil sa kanyang todo agresibo na delivery.  Ibang klase din talaga ang presensya ni Luxuria. Dito palang ay ramdam mo na ang gigil niya sa bawat bara at syempre, hindi mapagkakaila na solido ang kanyang tugmaan at punchlines. Yung Vitrum vs Illtimate naman ang pinaka dikit na laban ng gabi para samin. Parehas mabisa sa teknikalan at parehas din nagbigay ng kakaibang mga anggulo at reference. Props pa rin syempre sa lahat ng mga sumali dahil walang dudang napasaya niyo kami.

Gustuhin man namin pumunta sa mga sumunod na Won Minutes pero estudyante palang kasi kami nun. Pinaghandaan namin ang susunod na Metro Manila event kaso ayun biglang nagka pandemya. Nung bumalik ang live crowd sa FlipTop nung 2022, isa sa mga gusto namin mangyari ay magka Won Minutes ulit at buti hindi ito nakalimutan ni Anygma. Kahit sa YouTube lang namin napanood, na-enjoy namin yung sa Cebu at Davao nung nakaraang taon.

Malamang ay laking tuwa namin nung nilabas yung poster para sa pagbabalik ng Won Minutes Luzon. Kung hindi niyo kilala mga emcees dito, payo namin ay panoorin niyo mga laban nila sa ibang liga. Siguradong aabangan niyo sila sa entablado ng FlipTop. Sa mga pupunta sa Sabado, mag-apiran nalang tayo doon! Goodluck syempre sa bawat emcee na kasali. Excited na kaming masaksihan ang husay niyo. Galingan niyo ha! 



MORE FROM THE AUTHOR

READ NEXT