Malaki ang naitulong ng venue na ‘to sa iba’t ibang genre lalo na sa hip-hop, kaya masakit isipin na tapos na ang kabanata nila. Balikan natin ang 10 mga makasaysayang laban sa FlipTop na naganap sa B-Side. Dahil sa lugar na ‘to, mas lalong umusbong ang eksena ng battle rap sa bansa.
Opisyal na nag-sara ang B-Side sa Makati nung ika-29 ng Setyembre 2018. Kung bagong taga subaybay ka palang ng battle rap, ito ang kinilalang tahanan ng FlipTop nang ilang taon. Walang duda na malungkot ang balita ‘to, pero imbis na tayo’y mag-amok, balikan nalang natin ang mga magagandang nangyari. Inihahandog namin sa inyo ang sampung laban na nagpayanig sa venue na ‘to.
10. PriceTagg vs. Aklas
Sa main event ng unang gabi ng Ahon 4, nasaksihan ng mga taga hanga ang salpukan ng isang gangster at isang galing ibang planeta. Dito lubos na nakilala ang barumbadong stilo ni PriceTagg pati ang kakaibang mga anggulo ni Aklas. Medyo nagkainitan sa huli, pero buti naman at hindi umabot sa pisikilan. Sportsmanship pa rin ang nanaig pagkatapos. Tuloy-tuloy din ang pag-angat ng dalawa simula nung gabing ‘to.
9. Andy G vs. Sinio
Pag-dating sa pinaka malupit na comedy battle sa liga, isa ‘to sa mga madalas na binabanggit ng mga tao. Ito yung laban na mas pumutok ang pangalan ni Sinio dahil sa kanyang husay sa pag-bitaw ng mga joke. Kada punchline ay napa halakhak ang mga manonood, at nanatili siyang consistent hanggang sa pangatlong round.
Talo man siya dito, walang makakatanggi na malupit pa rin ang pinakita ni Andy G. Napatanyan niya ang mga nakakatawang linya ni Sinio, at marami rin siyang bagong atake. Sinong hindi natawa sa pag-gaya niya kay BLKD at sa mga “pogi” bars niya?
8. Anygma vs. Loe Pesci
Makasaysayan ang Tectonics 2 dahil ito ang event kung saan nilabanan ng mga FlipTop emcee ang mga pinakamagaling sa USA, Sweden, at Canada. Ito rin ang ikalawang duelo ni Anygma sa liga, at maraming bumilib sa performance niya. Maliban sa pag-wasak ng kalaban, pinakita rin ng presidente na ang FlipTop ang naghahari sa mundo.
Resptedong battle emcee si Loe Pesci sa Canada, at nakuha niya ang respeto ng Pinoy sa engkwentro na ‘to. Solido ang kanyang delivery bawat round at pinamalas niya ang kanyang galing sa teknikalan. Marami rin ang namangha sa pag-gamit niya ng ilang mga reference tungkol sa ating kultura. Bakbakan ng mga bara ang nangyari dito.
7. Apoc / Dhictah vs. Juan Lazy / Harlem
Ito ang isa sa mga dahilan kung bakit hindi malilimutan ang Dos Por Dos Tournament nung taong 2012. May chemistry ang dalawang pares at nag-palitan sila ng mga mabibigat na bara. Napa “wow” nang ilang beses ang mga tao sa teknikal na stilo nila Apoc at Dhictah. Tinulugan nga lang nung live ang ibang nilang linya, pero mas nauunawan ito nung lumabas na sa video.
Classic Schizophrenia ang nakita natin sa battle na ‘to. Sobrang epektibo ng kanilang teamwork at tumatak ang pagpapatawa nila. Maraming jokes sila Harlen at Juan Lazy na naging viral sa social media nang ilang buwan. Karaniwan man ang mga ginamit na anggulo, naging solido pa rin dahil sa creativity. Dahil dito, itinuri silang banta sa buong tournament.
6. BLKD vs. Apekz
Ang digmaan nila BLKD at Apekz ay halimbawa ng isang dikit na laban. Bumilib ang mga manonood sa sunod-sunod na teknikal na banat ni BLKD at sa mga jokes at “real talk” ni Apekz. Pagkatapos ng duelo, wala nang pakialam ang tao kung sino ang dapat nanalo. Masaya na sila dahil preparado ang dalawang emcee. Patuloy pa rin tong binabanggit kapag pinag-uusapan ang best battle nila.
5. Dello vs. Batas
Si Batas ang kinikilalang kontrabida ng FlipTop, at dito ‘to nagsimula. Nag-bitaw siya ng mga masasakit na linya tungkol sa estado ng buhay ng kalaban na may halong agresibo na delivery. Hindi pa sanay ang tao sa ganitong klaseng stilo nun, kaya nung si Batas ang idineklarang panalo, madami ang nagalit. Dito rin nag-umpisa ang akusasyon na may “lutuan” sa liga. Makalipas ang ilang taon, unti-unti na ring nabawasan ang mga hater ni Batas dahil naintindihan na nila ang laro.
Unang laban ‘to ni Dello, pero nakuha na niya agad ang respeto ng crowd. Kahit barumbado umasta ang katapat niya, nanatili siyang kalmado sa pag-bitaw ng mga linya. Hindi lang yung mga nakakatawa niyang bara ang tumatak, kundi mga malulupit niya ring mga multi at rebuttal. Lalo pang lumakas at sumikat si Dello pagkatapos nito.
4. Apekz vs. Mhot
Parang album ni Kemikal Ali at Arbie Won, umulan ng mga bara sa battle na ‘to. Todo ang pagiging agresibo dito ni Apekz, at tagos hanggang buto ang bawat suntok niya. Syempre, hindi rin nagpadaig ang binansagang 2016 Rookie of the Year na si Mhot. Bumanat siya ng mga linyang puno ng nakakamanghang metapora, at na-rebutt rin niya ang ilang mga solidong anggulo ni Apekz. Walang ni-isang nag-reklamo nung ipinangalan itong Battle of the Night ng RAW Clothing.
3. Loonie vs. Tipsy D
Ito’y para sa semis ng 2016 Isabuhay Tournament, at dahil sa sobrang lupit, marami ang sumang-ayon na mas nag-mukhang finals ‘to. Maliban sa pagiging consistent ni Loonie at Tipsy D, ibang klase din yung mga barang binitawan nila. Parehas nilang pinatunayan na magaling sila sa teknikal at personal na banatan. Mas lumamang si Loonie dahil sa anggulo niyang pag-nanakaw ni Tipsy ng mga linya mula sa mga liga sa ibang bansa. Ganunpaman, dikit na laban pa rin ‘to mula simula hanggang wakas.
2. Zaito vs. Charron
Ang kauna-unahang “subtitle battle” sa kasaysayan ng FlipTop. Si Charron ay isang bigatin na makata mula Canada, at grabe ang performance niya dito. Yung mga sunod-sunod niyang punchline ang patunay na isa talaga siya sa mga pinaka mahusay na English emcee sa mundo. Marami rin siyang mga rebuttal na napa hype ang tao.
Kung purong English ang banat ni Charron, gumamit naman si Zaito ng iba’t ibang lenguahe. Sinungaling ka kung sasabihin mo na hindi ka natawa sa mga creative na jokes niya. Tumalab din yung mga seryoso at malalim niyang tagalong, at hindi siya nawala sa bawat round. Ito battle ang patunay na kakaibang nilalang talaga si Zaito pag-dating sa rap.
Honorable mentions:
Aklas vs. BLKD
Finals ng kauna-unahang Isabuhay Tournament ng FlipTop. Nag-salpukan ang magkaiba nilang stilo, kaya pagkatapos ng tatlong round, hati ang opinyon ng tao kung sa sino ang dapat nag-wagi. Alam mong maganda talaga ang laban kapag pinag-dedebatihan ang resulta.
Calabarzon Division vs. Central Luzon Division
Limang malulupit na Calabarzon emcees laban sa limang pambato ng Central Luzon. Madami man sila, hindi naging boring ang laban at walang makatang napag-iwanan. Bawat isa ay nagkaroon ng pagkakataong ipakita ang galing sa entablado.
Lanzeta vs. Mhot vs. CripLi vs. Sibil vs. Dilim
Sa Second Sight 4 ginanap ang pinaka unang Royal Rumble sa FlipTop. Limang bigating emcees ang sumali, at solido ang performance nilang lahat. Dito rin nag-simulang kumalat ang pangalan ng 2017 Isabuhay Champion na si Mhot.
Abra / Apekz vs. Ice Rocks / Kris Delano
Posibleng naaalala niyo lang ang laban na ‘to dahil mainit, pero kung papanoorin niyo ulit nang mabuti, maganda talaga ang pinakita ng dalawang pares. May halong angas at katatawanan ang bawat banat, at sobrang nahirapan ding mag-isip ng mga hurado. Mas naging maaksyon ang 2013 Dos Por Dos dahil dito.
Tipsy D vs. Icaruz
Mag-iisang taon palang sila Tipsy D at Icaruz sa liga, pero grabe na ang pinakita nila dito. Magkaiba ang kanilang stratehiya sa pag-atake: si Icaruz ay agresibo habang swabe naman si Tipsy D. Pag-dating sa sulat, pinakita nilang dalawa kung gano sila kalupit sa teknikalan. Nung nilabas na ‘to online, marami ang nagsising hindi sila nanood ng Ahon 4 live.
LilJohn vs. EJ Power
Dalawang sa pinaka mahusay sa komedya ang nagkaharap nung ikatlong Bwelta Balentong event. Walang duda na hindi nila binigo ang mga manonood. Parehas silang bumanat ng mga nakakatawang bara, pero sinigurado nila na litaw pa rin ang kanilang rap skills at creativity. Ito yung mga video na masarap ulit ulitin. Rest in peace, LilJohn!
1. Loonie / Abra vs. Shehyee / Smugglaz
Hanggang ngayon, ito pa rin ang laban na may pinaka maraming views sa FlipTop. Para ‘to sa semis ng Dos Por Dos nung 2012, at katulad ng ikatlo sa listahan, mas tumatak ‘to kaysa sa mismong finals. Nandito na ang lahat: komedya, teknikalan, personalan, at epektibong rebuttals. Nag-wagi ang koponan nila Shehyee at Smugglaz dahil mas may chemistry sila, at tuloy-tuloy ang kanilang atake. May konting stumbles sila Loonie at Abra, pero ganunpaman, malakas ang mga bara’t anggulo nila.
Siguradong meron din kayong sariling top 10. Huwag kayong mahiya i-post ang mga ‘to sa comment section. Kung isa ka naman sa mga nakapanood sa B-Side nang live, pwede mo rin ipamahagi ang mga masasayang ala-ala mo. Maraming salamat ulit sa B-Side para sa pag-bigay ng espasyo sa eksenang ‘to. Mananatili ka sa puso naming ngayon at magpakailanman (naks)