MC Spotlight

MC Spotlight: Plazma

Halina sa madilim na parte ng hip-hop. Ito ang istorya ng horrorcore emcee na si Plazma.

Anonymous Staff
January 19, 2022


Bawat uri ng sining ay merong parte na nababalot ng kadiliman. Oo, kasama ang hip-hop dito. Bagama't mas tinatangkilik sa lokal na eksena ang mga mas "magaan" o "positibo" na stilo, may iilan pa rin na pinipiling maging malagim sa kanilang musika. Para sa kanila, hindi na mahalaga ang kasikatan. Ang importante ay mailabas nila ang mga karumal dumal na nadarama nila. 

Isa si Plazma sa kinikilalang tagapagtaguyod ng horrorcore sa Pilipinas. Ito ay isang subgenre ng hip-hop na umiikot sa mga madugo, nakakakilabot, at madilim na tema. Maririnig mo ito hindi lang sa mga awitin, kundi pati sa mga laban niya sa FlipTop. Ano nga ba nagsilbing inspirasyon sa kanya para maging ganito? Yan at iba pang mga katanungan ay sasaugtin niya dito sa bagong kabanata ng MC Spotlight. Kuha nga pala ni Mong Feliciano yung litrato sa taas.

1. Paano ka nagsimula mahumaling sa istilong horrorcore?

Bandang early 2000s yun. Pamilyar na ako sa hardcore hip-hop at agresibo na rin yung style ko pero di pa ganun ka-extreme. Nung narinig ko ang grupong Gravediggaz dun ako namulat talaga na may ganun pala. Yung hip-hop na dadalhin ka sa madilim na bahagi ng utak. Nakakatuwa dahil nakikinig na ako ng metal nun tapos may ganun din pala sa hip-hop. Nakatulong ito lalo na't nung panahon na yun malala yung kalagayan ko. Horrorcore yung nagsilbing outlet at gamot ko. Seryoso yan.

2. Bakit nga pala Plazma ang napili mong emcee name?

High school palang yan na emcee name ko. Nung una wala talagang ibig sabihin. Ginawa ko lang Plazma na may "z" dahil hip-hop yung dating lol! Nung nadiskubre ko na yung sarili kong style ginawa kong abbreviation sa Perverse Lyrics And Zealous Malevolent Attitude.

(Litrato mula kay Juna Tan)

3. Kailan ka naging aktibo sa hip-hop?

Mga 11 years old nakikinig na ako tapos may grupo din pero trip trip lang. Nung 16 ako naging seryoso talaga. Dun na ako napabilang sa grupong Archonz Akeen (na kasali sa label na AMPON).

4. Kumpara sa era noon ng hip-hop na naabutan mo, ano ang pinagkaiba nito sa era ngayon? Ano ang mga na-improve nito at mga dapat pang iimprove?

Una, mas madali na makagawa ng kanta, album, at music video dahil madami nang tutorial sa internet pati na rin mga online store na pwedeng mapagbilan ng gamit. Madali na ring marinig ng madla ang mga gawa mo dahil sa mga streaming sites. Mas maayos na din ngayon kumpara dati. Naabutan ko yung panahon na malaki ang tsansa na mapapaaway ka pag pupunta sa isang event. Ngayon masasabi ko mas may sense of community na sa eksena.

Kung meron dapat iimprove, siguro yung pagiging bukas sa kritisismo. Minsan sa sobrang "unity" sa eksena ay nasasabihan ka na agad na hater pag di mo trip ang tunog ng iba. Kailangan matuto tayong tumanggap ng negatibong kritsismo para din mas ganahan at gumaling pa tayo. Isa pang kailangan iimprove para sakin ay yung pag unawa sa ibang istilo ng hip-hop. Pansin ko na mas trip ng karamihan ngayon ang "good vibes" na tugtugan o puro sa "hustle" etc. Napaka lawak ang genre na 'to. Wag tayo makulong sa isang klase ng sining lang.

5. Para sa mga hindi pamilyar, ano na ang mga proyekto na nailabas mo so far?

Sa solo, nilabas ko ang debut album ko na "The Genocide Journals" nung 2011. Puro english yun. Nung 2017 naman nilabas ko yung EP ko na "The Impaler". Naging aktibo ako saglit sa battle tapos tinutukan ulit ang musika. Nilabas nung ika-31 ng Oktubre 2021 yung pangalawang album ko na pinamagatang "Ang Ulan at ang Delubyo" sa ilalim ng Uprising Records. Digital muna sa ngayon, pero maglalabas din kami ng physical copies soon.

Kasali din ako sa 3 compilation album: "Dekoding Rhythm" (2006) at "Slanted Planets" (2012) at "Post Mortem Ambush" (2014). Yung "Dekoding Rhythm" at "Slanted Planets" ay nilabas sa ilalim ng AMPON habang yung "Post Mortem Ambush" naman ay mula sa MDK. Mga una kong kampo yan.

6. May bago kang album na kakalabas lang din. Anong pinagkaiba nito sa mga nauna mong proyekto?

Yung The Genocide Journals kasi puro "shock value" lang. Kung baga gusto ko lang magsulat nun ng mga sobrang brutal na linya. Hindi ko masyado inisip yung daloy ng mga konsepto. Sa Ang Ulan at ang Delubyo naman masasabi kong mas may laman ito. Marami na ditong mga kanta na may pinagisipang tema talaga at maraming hango sa aking sariling karanasan. 

7. Ano ang iyong top 3 na album (local at foreign)? Nakatulong ba ito sa pag-gawa mo ng kanta?

Ito yung mga unang lumabas sa isip ko ngayon...

Local:

1. Pamilia Dimagiba - DraManila

2. Ghetto Doggs - Born to Kill the Devil

3. Death Threat - Wanted

Foreign:

1. Gravediggaz - Six Feet Deep

2. Notorious B.I.G. - Ready to Die

3. Jedi Mind Tricks - Violent by Design

Mga album na yan ang nagtulak sakin para mag-rap at seryosohin ang sining na ito. 

8. Sino naman ang iyong top 3 na emcee (local at foreign)? Gaya ng tanong sa 7, may naitulong ba sila sa mga bara mo?

Local:

1. Genezide 

2. Kemikal Ali

3. Pamilia Dimagiba (Hindi sila pwede ipaghiwalay para sakin. Ganyan sila kalakas bilang grupo.) 

Foreign:

1. Notorious B.I.G.

2. Vinnie Paz

3. Prodigy (Mobb Deep)

Kung hindi dahil sa kanila, hindi mag-iimprove ang pag-sulat ko. 

9. Matagal-tagal na ring walang laban mula sa English Conference. Namimiss mo rin bang lumaban dito?

Oo naman! Nakakamiss yung challenge lalo na't hindi ko 'to first language. Sana magka Tectonics ulit!

10. Kumusta pala ang proseso ng pag-adjust mula English to Filipino Conference? Naging mahirap ba ito o madali?

Madali naman dahil first language ko naman 'to atsaka may mga tagalog na rin ako na kanta. Ang challenge lang ay kung pano ko hihigtan yung ibang mga emcee.  Sobrang dami nang magagaling sa Filipino Conference at may kanya-kanyang style. Kada laban iniisip ko kung pano ako magiging kakaiba.  

11. Isang taon na ring nawala ang live gigs. Paano mo naitatawid ang iyong craft ngayong panahon ng pandemya?

Walang ibang paraan kundi online eh. Mahirap din para sakin dahil di na ako aktibo masyado sa social media pero wala, ito lang talaga ang option kaya nagtitiis nalang ako hehe. 

12. Nag-adjust din ang FlipTop ngayong pandemya at nagkaroon ng “quarantine battles” na events. Kumusta ang experience na lumaban sa bagong setting na ito?

Nung una kong laban (Lhipkram) sablay talaga ako nun. Problemado ako nung panahon na yun pero maliban dun nabigla ako sa setting. Syempre ilang buwan din ako nasa bahay lang at may pinagdadaanan pa sabay biglang battle agad. Parang bumalik yung nerbyos ko nun. Buti naman at nagka kumpyansa ulit nung nakatapat ko na si Poison13.

13. Ngayong pandemya, ano ang mga pinagkakaabalahan mo?

Musika, battle, at iba ibang mga raket. Sinusubukan ko din magsulat ng mga maikling kwento pero katuwaan lang.

14. Para sayo, kumusta ang lagay ng lokal na eksena ngayong pandemya?

Solid dahil kahit ganitong sitwasyon aktibo pa rin karamihan tapos meron din mga umusbong ulit na beterano. Wala talagang makakapigil sa kultura na 'to!

15. Ano pa ang dapat abangan mula kay Plazma sa 2022 at sa makalawa?

Sa 2022 todo promote ako sa album. Makakaasa kayo ng mga music videos pati siguro mga interview o iba pang pakulo. Plano ko din maging aktibo ulit sa pag-battle.

16. Ano ang maipapayo mo sa mga baguhan sa larangan?

Maging orihinal! Wag niyong isipin kung sino ang magiging katunog niyo! Maging kakaiba kayo! Wag niyo din iisipin kung sisikat ba kayo o hindi. Enjoyin niyo lang ang paglalakbay.

Para maging updated sa mga galawan ni Plazma, I-like niyo lang ang kanyang opisyal na pahina sa Facebook. Maririnig niyo na din sa Spotify, Bandcamp, at iba pang streaming sites ang bagong album niya pati ang kanyang EP. Abangan ang physical copies ng "Ang Ulan at ang Delubyo". Sana ay suportahan pa natin yung ganitong klaseng tunog para mas lumaki pa ang Pinoy hip-hop. Salamat sa pag-basa at abangan ang susunod na kabanata!



MORE FROM THE AUTHOR

READ NEXT