Isang mensahe mula sa FlipTop Staff para sa ika-labindalawang anibersaryo ng liga. Para sa ‘to sa mga taga hanga at mga emcee!
Oo! Ngayong ika-anim ng Pebrero 2022 ay labindalawang taon na ang FlipTop! Grabe noh? Kahit kaming mga staff ng liga ay nagulat. Sobrang daming dugo, pawis, at luha ang literal na binuhos namin sa bawat proyekto. Ilang beses din kaming nabigo pero hindi kami nagpatalo. Ang mahalaga ay nakabangon kami at nakabawi, lalo na nitong pandemya. Syempre, hindi namin nagawa ito nang kami lang. Gagamitin namin ang pagkakataong ito upang pasalamatan ang lahat ng mga nakasama namin sa aming paglalakbay. Kayo ang dahilan kung bakit patuloy na umaandar ang FlipTop.
Unang kailangan pasalamatan ay mga emcee na bumubuo ng liga. Ang hirap niyong isa-isahin dahil sobrang dami niyo na lol! Manalo o matalo, nabigay niyo ang lahat ng makakaya niyo at napabilib niyo ang mga manonood. Kahit hindi ka na aktibo, salamat pa rin dahil naniwala ka sa liga at hindi ka umatras sa duelo. Hindi na mahalaga kung umabot ka ng isang milyon na views o hindi. Ang importante ay napakita mo ang husay mo sa pag-rap at nairepresenta mo ang Pinoy hip-hop. Marami sa inyo ang sobrang malayo na ang naabot gamit ang talento. Masayang masaya kami para sa inyo! Karapat dapat yan! Sana hindi mawala ang dedikasyon niyo sa sining at sana ay panatilihin niyo ang enerhiya gaya ng pag-handa niyo sa battle para sa iba pang mga proyekto. Mabuhay kayong lahat!
Maraming, maraming salamat din syempre sa mga taga hanga ng FlipTop, luma o bago. Sa mga nag-tiis sa mahahabang pila para lamang makanood live, gusto lang naming sabihin na solid kayo! Pinakita niyo kung gano niyo kamahal hindi lang ang liga kundi ang kultura na ‘to. Huwag kayo mag-alala! Pag tapos na ang pandemya ay makakaasa kayo ng marami pang surpresa. Dun naman sa mga aktibong nanonood sa YouTube, hindi namin kayo nakalimutan! Salamat dahil kahit marami kayong ibang ginagawa ay naglalaan pa rin kayo ng oras para suportahan ang mga laban. Dun naman sa mga nanonood sa ibang bansa, salamat hindi lang dahil sa inyong suporta kundi dahil sa sipag at matinding sakripisyo niyo para sa pamilya at sa bansa. Kung sakaling nakauwi na kayo sa Pinas ay sana makita namin kayo sa event!
Sa mga nanira at hindi naniwala, salamat pa rin! Dagdag gasolina ang bawat pangungutya at panlalait niyo. Marami sa inyo ang biglang bumait nung pumutok na ang liga hehe! Sa malalaking kumpanya na tinawanan lang kami o sinabing hindi kami tatagal, taos pusong pasasalamat din. Natutunan naming gumalaw gamit ang sarili naming mga paa at dahil diyan ay mas lalo pa kaming lumakas. Umabot kami ng labindalawang taon kahit walang katiting na suporta galing sa inyo. Panis!
Dumating ang COVID pero hindi pa rin nito nagawang patumbahin ang liga. Mahirap nung una ngunit dahil sa dedikasyon ng bawat kasapi ay natuloy pa rin ang mga plano. Sayang lang at walang crowd ang mga nakaraang event! Pag maayos na ang lahat, babawi tayo panigurado. Muli, maligayang anibersaryo sa ating lahat! Sama-sama ulit tayong maglalakbay sa mga darating na taon. Ano kaya ang mga bagong pakulo ng FlipTop? Abangan niyo nalang! Panoorin at I-enjoy niyo muna ang Ahon 12 uploads.